Buong Buhay na Inalagaan ng Lalaking Ito ang Kapatid na Baldado; Sa Pagkawala Nito ay Mag-iiba pala ang Kaniyang Buhay
Ginimbal ng balitang inatake ng sakit nito ang kaniyang kuya, kaya naman ganoon na lang ang pagragasa ng pag-aalala ni Sandro. Umagang-umaga pa man din nang siya ay makatanggap ng tawag na isinugod ito sa ospital, kaya naman dali-dali siyang nagpaalam sa kaniyang asawa na pupuntahan niya ito.
Sa totoo lang ay hindi maganda ang relasyon nilang magkapatid, buhat nang magkaroon sila ng alitan, dahil sa babae. Una kasing nagkagusto ang kuya niya sa ngayon ay asawa na niyang si Vina, ngunit sa ’di inaasahang pagkakataon ay sila ang nagkatuluyang dalawa. Buhat noon ay hindi na sila nag-usap pa ng kaniyang Kuya Lenard. Malaki ang naging pagtatampo nito sa kaniya, at anumang subok ni Sandro na makipagbati rito ay hindi pa rin ito natitinag.
“Doc, kumusta na po ang kuya ko?” tanong ni Sandro sa doktor na tumitingin sa kaniyang kapatid.
“Stable na ang lagay niya sa ngayon, pero kailangan pa rin natin siyang i-observe. Unfortunately, naging malaki ang damage ng atake niya, kaya naman naparalisa ang halos buo niyang katawan at ngayon ay isa na siyang baldado,” sagot naman ng nasabing doktor na ikinabagsak naman ng balikat ni Sandro. “Sa ngayon ay matiyagang pag-aalaga at suporta ang kailangan niya mula sa kaniyang mga kapamilya, kaya sana ay maibigay n’yo iyon sa kaniya.”
Nakaalis na ang doktor sa harap ni Sandro ngunit nanatili siyang nakatayo sa puwesto niya at nakatitig sa kawalan. Hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkakonsensiya, dahil pakiramdam ni Sandro ay may kasalanan siya kung bakit nagkaganito ang kaniyang kuya.
Wala itong asawa o sariling pamilya. Tanging silang dalawa na lamang ang natitirang magkasangga sa mundo, kaya naman agad na nagdesisyon si Sandro na akuin ang lahat ng responsibilidad sa pag-aalaga sa kapatid. Mabuti na nga lang at malawak ang pang-unawa ng asawa niyang si Vina, kaya naman naiintindihan siya nito kahit halos ibuhos na niya ang atensyon sa pag-aalaga sa kaniyang kuya.
“Sandro, mahal, bakit parang ang lalim yata ng iniisip mo?” tanong ni Vina kay Sandro, isang araw na nakita niyang sapo nito ang sariling noo habang nakatulala sa harap ng mesa.
“Iniisip ko lang kung saan ako kukuha ng ipambibili ko ng maintenance ni kuya, mahal. Ubos na kasi ang ipon niya, kahit pa anong pagtitipid ang gawin ko. Iyong kita ko naman, natatakot akong hindi iyon sasapat dahil marami rin tayong gastusin dito sa bahay,” prolemadong sabi naman ni Sandro sa asawa.
Puno ng pagsuyong hinaplos ni Vina ang mukha niya, saka siya nito binigyan ng matamis na ngiti. “Huwag kang mag-alala, mahal. Tutulungan kitang magtrabaho,” sabi pa nito, saka isiniwalat sa kaniya na nag-apply ito sa isang home-based job. Laking pasasalamat naman ni Sandro sa asawa.
Dahil doon ay nairaos nila ang pag-aalaga sa kaniyang kuya, ngunit ganoon pa man ay hindi pa rin naging sapat iyon, dahil habang tumatagal ay tila lalong bumibigay ang katawan nito.
“Kuya, kain ka na.”
Biglang hinawakan ng kaniyang Kuya Lenard ang kamay ni Sandro, isang araw, habang sinusubuan niya ito ng pagkain. Nang tingnan niya ang kapatid ay hindi nakaligtas sa kaniyang paningin ang tila naluluha nitong mga mata na animo humihingi ng paumanhin.
“S-sorry, S-Sandro.” Maiksi lang ang mga salitang nakaya nitong sambitin, ngunit para kay Sandro ay punong-puno na iyon ng ibig sabihin.
Niyakap niya ang kapatid. Mahigpit na mahigpit, dahil nauulinigan niya ang pamamaalam sa mga titig nito. “Pagod ka na ba, kuya? Gusto ko pa sanang lumaban ka, pero, kung hindi mo na kaya, pakakawalan na kita,” umiiyak pang sabi niya at doon ay nakita niyang napangiti ang kaniyang kuya.
Iyon na ang huling sandaling nakita niyang nakangiti ito, dahil kinabukasan, paggising nilamg mag-asawa sa umaga ay nakita niyang wala nang buhay ang kaniyang kapatid!
Matapos ipalibing ni Sandro ang kaniyang Kuya Lenard, pakiramdam niya ay katapusan na rin ng kaniyang mundo. Wala na ang kaniyang nag-iisang kasangga, pagkatapos ay baon pa silang mag-asawa sa utang.
Ngunit isang abogado ang biglang kumatok sa kanilang pintuan at doon ay ibinalita nito sa kaniya ang huling habiling iniwan pala ng kaniyang Kuya Lenard, bago pa man ito atakihin ng kaniyang sakit…
“Iniwan ni Lenard sa pangalan mo ang lahat ng kaniyang ari-arian, pati na rin ang lahat ng natitirang ipon niya sa savings account na talagang inilaan niya para sa ’yo, Sandro.”
Nanlaki ang mga mata ni Sandro sa nalaman, ngunit maya-maya pa ay napuno ng iyakan ang silid kung saan sila nag-uusap. Labis ang pasasalamat ni Sandro sa kapatid, ganoon din ang kaniyang pagmamahal na minabuti niyang ibulong na lamang sa hangin upang ito na ang magpaabot sa kaniyang kuya sa langit.