Inihagis ng Babaeng Ito sa Janitor ang Kaniyang Basura; Mapupunta Tuloy rito ang Suwerteng Sana ay sa Kaniya!
“Nasaan ’yang si Popoy?” masungit na tanong ni Patricia sa kaniyang mga katrabaho na agad namang nagsipagkibitbalikat sa kaniyang tanong. “Kapag nakita n’yo nga, pakisabing itapon niya na itong basura ko! Puno na, hindi pa kinukolekta,” nakarolyo ang mga matang dagdag pa niya.
Wala namang nagtangkang magsalita laban sa kaniya. Kilala kasi si Patricia sa kanilang opisina bilang isang maldita at palaaway na team leader. Simula nang ma-promote siya sa trabaho ay akala mo kung sino na siyang umasta. Naging masiyado siyang palautos, at para bang napakababa ng tingin niya sa iba niyang katrabaho, lalong-lalo na sa janitor nilang si Popoy. Wala namang kahit sino sa mga ito ang nagtangkang kumalaban sa kaniya dahil alam nilang malakas ang kapit niya sa itaas. Nobya siya ng isa sa mga bisor sa nasabing kompaniya, kaya ganoon na lang ang tapang niyang ipakita sa mga ito ang tunay niyang pag-uugali.
“Ma’am, hinahanap n’yo raw po ako?” tanong ni Popoy kay Patricia, ilang saglit pa ang nakalipas. Galing pala ito sa paglilinis ng banyo kaya hindi agad nito naitapon ang basura niya.
“Napakakupad mo talagang kumilos, ano?” inis na singhal pa ni Patricia sa kawawang janitor pagkatapos ay galit niyang dinampot ang kaniyang trash can at inihagis iyon mismo sa mukha ng lalaki. “Itapon mo na ’yan sa labas!”
Wala nang nagawa ang janitor kundi ang pikit matang sundin na lamang ang kaniyang utos, kahit pa ang totoo ay bakas na bakas na sa mukha nito ang galit at pagkapikon sa kaniyang ginagawa. Alam kasi ni Patricia na hindi nito kayang mawalan ng trabaho ngayon lalo pa at nasa ospital ang kapatid nito, kaya naman hindi ito papalag sa kaniya. Ngingisi-ngisi pa siya, dahil panalo na naman siya sa pagpapakitang gilas sa kaniyang mga katrabaho at siguradong wala na namang magtatangkang lumaban sa kaniya.
Halos maiyak naman si Popoy dahil sa sobrang awa sa sarili habang itinatapon ang basurang inihagis sa kaniya ni Patricia kanina. Habang ginagawa niya iyon ay napansin ni Popoy sa mga basurang itinatapon niya…isang lotto ticket. Hindi alam ng binata kung bakit bigla niya iyong dinampot, pagkatapos ay ibinulsa niya pa iyon…
Ngunit ganoon na lang ang labis na pagkagulat ni Popoy nang kinabukasan ay nalaman niyang nanalo sa lotto ang ticket na nakita niya sa basurahan ng kaniyang Ma’am Patricia! Ngunit ang unang pumasok agad sa isip ni Popoy ay isauli iyon sa tunay na may-ari ng nasabing ticket. Sa kabila ng kasamaan ng ugaling ipinapakita sa kaniya ng boss ay hindi niya kayang kumuha ng pag-aaring hindi naman sa kaniya.
Pumasok si Popoy nang umagang ’yon upang sana ay isauli nga kay Ma’am Patricia ang nasabing winning ticket na ’yon sa lotto, ngunit pagkapasok na pagkapasok pa lamang niya sa kanilang kompaniya ay ganoon na lang ang galit niya nang pagkaraka’y sinampal siya nito nang napakalakas!
“Nasaan ang ticket ko sa lotto? Ninakaw mo ’yon, ano?!” malakas pang hiyaw nito sa kaniya. Mabuti na lang at walang tao noon sa paligid dahil napakaaga pa noon, kundi ay pahiyang-pahiya na naman siya.
Napailing na lang si Popoy. Kung kanina ay balak niya pang ibigay dito ang napulot na ticket, ngayon ay hindi na. Kung tutuusin ay kulang pang pambayad sa lahat ng ginawa nito sa kaniya ang lahat ng ginawa at ipinakita nitong kasamaan ng ugali sa kaniya.
Iyon na ang huling araw ni Popoy sa trabaho. Simula noon ay hindi na siya pumasok pa at palihim na siyang nag-resign. Matapos niyang ipa-claim sa kaniyang ina ang premyo ng napulot niyang winning ticket ay minabuti niyang magsimula ng negosyo na agad namang lumago, dahil sa sipag at tiyagang taglay ng binata. Umangat ang kaniyang buhay at sa wakas ay hindi na niya kailangan pang magpakahirap sa paglilinis ng kalat ng iba para lang mabuhay sila.
Samantala, kabaliktaran naman ang nangyari kay Patricia. Matapos kasing umalis ni Popoy sa nasabing kompaniyang pareho nilang pinagtatrabahuhan ay napuno na ang kanilang mga katrabaho at isa-isa nang nagsalita ang mga ito laban sa kaniya! Ipinaabot nila sa pinakamataas ang lahat ng kanilang reklamo laban sa kaniya, kaya naman agad na tinanggal doon si Patricia! Wala ring nagawa ang nobyo niyang bisor, dahil oras na makialam ito, pati siya ay madadamay. Dahil doon ay nakipaghiwalay din ito sa kaniya.
Lahat ng suwerteng dapat ay kaniya sanang tinatamasa ngayon ay napunta sa iba. Iyon ay dahil sa ugaling ipinakita niya, matapos niyang makatanggap ng kakarampot lang na pag-angat sa buhay. Hindi niya akalaing mabilis pala siyang sisingilin ng karma.