Inday TrendingInday Trending
Ininsulto ng Lalaking Ito ang Guwardiya nang Hindi nito Narinig nang Maayos ang Utos Niya; Isang Hindi Inaasahang Leksyon ang Ibibigay sa Kaniya ng Kaniyang Ama

Ininsulto ng Lalaking Ito ang Guwardiya nang Hindi nito Narinig nang Maayos ang Utos Niya; Isang Hindi Inaasahang Leksyon ang Ibibigay sa Kaniya ng Kaniyang Ama

“Dad, kailangan ko ba talagang sumama sa ’yo sa trabaho? E, ang dali lang naman ng ginagawa n’yo sa opisina. Papirma-pirma lang kayo doon. Kayang-kaya n’yo na ’yon!” kakamot-kamot sa ulong ani Grayson sa kaniyang ama habang naglalakad sila pasakay sa kotse. Paano’y inutusan siya nitong sumama sa opisina upang unti-unting ituro sa kaniya ang mga kakailanganin. Gusto kasi nito na habang maaga pa ay matutunan na niya ang lahat ng dapat niyang matutunan. Tutal ay nasa tamang edad na siya at magpe-first year college na sa susunod na pasukan.

“Hindi lang gan’on kadali ang ginagawa ko, Grayson. Isa pa, wala namang trabahong madali. Lahat ng trabaho, mahirap, kaya magpakaayos ka,” may awtoridad namang anito na siyang nagpatahimik sa binata.

Bumaba na sila ng ama nang marating na nila ng kompanyang pagmamay-ari ng kaniyang ama. Akmang papasok na sana sila sa entrance, nang maalala niyang naiwan pala niya sa kotse ang kaniyang cellphone.

Hinarap ni Grayson ang guwardiya. “Hoy, ikaw, kuhanin mo nga ’yong cellphone ko sa kotse, naiwan ko,” walang galang na utos niya sa naturang guwardiya.

“H-ho, sir? P’wede hong pakiulit?” tanong naman nito. Agad na napakunot ang noo ni Grayson ngunit napipikon niyang inulit ang kaniyang sinabi.

“Pasensiya ka na po, sir, hindi ko kasi gaanong narinig. Ano po ulit ’yong inuutos n’yo?” ngunit muli ay tanong ng guwardiya.

“Ano ka ba? Bingi ka ba o sadiyang mahina lang talaga ’yang utak mo? Ang simple-simple na nga lang ng trabaho mo, hindi mo pa magawa nang maayos!” sigaw niya na nagpatahimik sa naturang guwardiya.

Sa nakita ay biglang napakunot ang noo ng kaniyang ama. “Grayson, tumigil ka kung ayaw mong maturuan ng leksyon!” hiyaw nito sa kaniya.

“What, dad? Bakit ako? Hindi ba dapat, itong estupidong ’to ang sinisigawan at tinatanggal n’yo sa trabaho dahil hindi niya kayang sumunod sa future boss niya nang maayos?!” katuwiran naman niya, ngunit muli siyang sinigawan ng kaniyang ama.

“That’s enough, Grayson! Sumunod ka sa akin sa opisina ko!”

Walang nagawa ang binata kundi sundin ang ama. Agad siyang nagtungo sa opisina nito.

“Grayson, hindi ka ba nahihiya sa ginawa mo?!” bungad ng ama sa kaniya pagkaupo niya pa lamang sa harapan nito. “Ang guwardiyang ’yon ay may problema sa kaniyang pandinig, pero dahil doon ay isa siya sa pinakamahusay at pinakamasipag na empleyado sa building na ito! Hindi mo alam kung ano ang hirap na dinadanas ng ibang tao dahil kailan man ay hindi mo pa naranasang kumayod para sa sarili mo!

At dahil diyan, paparusahan kita. Gusto kong magtrabaho ka bilang guwardiya kapalit ng guwardiyang ininsulto mo kanina habang nagpapagaling siya. I’ll let you train,” bigla ay anito sa kaniya.

Nanlaki ang mga mata ni Grayson sa tinuran ng ama at halos hindi siya makapaniwala. “D-dad, baka nabibigla ka lang… p-pwede naman nating pag-usapan—”

Sinubukan niyang magprotesta sa desisyon ng ama ngunit buo na ang desisyon nito. “Wala na akong magagawa pa, Grayson. Ito lang ang nakikita kong paraan upang maayos ko ang maling pagpapalaki ko sa ’yo. At kapag hindi mo ako sinunod, kalimutan mo nang may ama ka pa. Magpaalam ka na rin sa lahat ng luhong natatamasa mo.”

Walang nagawa si Grayson kundi ang sumunod sa utos ng kaniyang ama. Nag-training siya upang makapasok sa pagiging guwardiya at agad na sinimulan ang pagtatrabaho matapos iyon. Lahat ng hirap ay dinanas ni Grayson. Halos hindi niya kayanin ang mga pinagdaraanan lalo pa at ngayon pa lamang niya ito nararanasan sa buong buhay niya.

Naranasan niyang mapuyat, magutom, at mapagod, para lang magawa niya nang maayos ang kaniyang trabaho. Minsan ay nakatatanggap pa siya ng pang-iinsulto mula sa iba. Doon niya lamang nalamang napakahirap pala talaga kapag ikaw na ang gumagawa ng trabaho ng iba.

Ganoon pa man, kalaunan ay tila na-enjoy din ni Grayson ang kaniyang ginagawa. Lalo na nang matanggap na niya ang kaniyang unang suweldo na mula mismo sa sarili niyang pawis at pagod! Ganito pala kasarap sa pakiramdam na hindi na niya kailangang umasa pang buhayin siya ng ama. Maliit man ang sahod niya kumpara sa allowance na ibibigay sa kaniya noon ng kaniyang daddy, tila ba para sa kaniya ay napakalaking halaga na nito ngayon.

Napakaraming natutunan si Grayson sa ginawang iyon ng kaniyang ama. Abut-abot ang pasasalamat niya rito para doon. Ipinangako niya sa sarili na simula noon ay mas magiging maayos na siyang tao at hindi na siya mangmamaliit ng trabaho ng iba.

Advertisement