Ginipit ng Dalaga ang Ama para Siya’y Ibili ng Laptop; Magagawa Kaya Ito ng Kaniyang Ama kahit Wala Itong Siguradong Kita sa Isang Araw?

Ginipit ng Dalaga ang Ama para Siya’y Ibili ng Laptop; Magagawa Kaya Ito ng Kaniyang Ama kahit Wala Itong Siguradong Kita sa Isang Araw?

FamilyInspiringStories

Palaging kinukwestiyon ni Karlie ang buhay na mayroon sila ng kaniyang ama. Buong buhay niya kasi, hindi niya naranasang maging maalwan ang kanilang buhay. 

Kung hindi sila naninirahan sa isang bulok na bahay kung saan palaging may tulo ang bubong tuwing umuulan, wala naman silang makain sa isang araw. 

Wala ring ibang pag-aari ang kaniyang ama kung hindi ang isang lumang pedicab na ginagamit nitong pamasada, isang lumang gitarang pampalipas nito ng oras, at sandamakmak na sumbrerong koleksyon nito simula pa lamang noong binata ito. 

Lahat ng ito, walang saysay para sa kaniya dahil ni minsan, hindi siya nabilhan ng ama ng mumurahing selpon na kailangang-kailangan niya sa pag-aaral. 

Kaya naman, ngayong nasa ikaapat na taon na siya sa kolehiyo at kailangan niya ng laptop para makagawa ng thesis, ganoon niya na lang ginigipit ang kaniyang ama. 

“Buong buhay ko, papa, ni hindi ako nagkaroon ng selpon! Wala kayong narinig na reklamo sa akin, hindi ba? Kasi nga naiintindihan kita, pero ngayong nagawa na ako ng thesis, hindi na pupwedeng wala akong magamit!” galit niyang sabi rito habang nakain sila ng hapunan. 

“Baka naman pupwedeng sa computer shop ka na lang gumawa ng thesis mo, anak. Pangako, araw-araw kitang bibigyan ng bente pesos para makagawa ka roon,” sambit nito na lalo niyang ikinagalit. 

“Paano ako makakagawa roon? Sobrang ingay doon, papa! Kung mabibilhan mo ako ng laptop, makikikonekta na lang ako ng internet sa kaklase ko, makakagawa na ako nang maayos noon!” tugon niya rito, huminga ito nang malamin saka ngumiti sa kaniya. 

“Sige, bigyan mo ako ng isang linggo, anak,” sagot nito dahilan para siya’y mapatahimik. 

Sa loob ng isang linggong iyon, palaging wala sa toda na pinipilahan ang kaniyang ama. Unti-unti ring nawawala ang mga koleksyon nito ng sumbrero pati ang gitarang mahal na mahal nito na pinagtaka na niya. 

“Papa, saan ka ba nagpupupunta? Pati mga koleksyon mo, nawawala na rin! Huwag mong sabihing…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nakita niyang nangilid na ang luha ng ama. 

“Oo, anak, binebenta ko na. Mas mahalaga ang pag-aaral mo kaysa sa koleksyon kong iyon. Mantakin mo, mataas pala ang bentahan ngayon ng mga makalumang sumbrero!” patawa-tawa nitong sabi na ikinadurog ng puso niya. 

“Nagipit ko yata talaga masyado si papa,” isip-isip niya. 

Bago pa siya mapaiyak, inabutan siya nito ng isang kahon at pagkabukas niya, laptop ang laman nito na talagang ikinahagulgol na niya. 

“Papa…” tangi niyang sabi habang umiiyak. 

“Pasensya ka na kay papa, ha? Mahirap talaga kapag hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral, wala kang magandang buhay na maibibigay sa anak mo. Kaya ikaw, magsikap ka, ha? Magtapos ka ng pag-aaral!” payo nito saka siya niyakap. 

“Pangako po, papa, babawi po ako sa inyo! Ibabalik natin ang koleksyon mo!” sambit niya saka humagulgol sa bisig ng ama. 

Simula noon, sinubsob niya talaga ang sarili sa pag-aaral. Hirap man sa mga leksyong pinag-aaralan, hindi ito naging rason para siya’y sumuko. 

Ito ang dahilan para paglipas ng ilang buwan, tuluyan na siyang makapagtapos ng pag-aaral na labis na ikinatuwa ng kaniyang ama at dahil nga dekalibre ang talino niya, siya’y agad na nakahanap ng magandang trabaho. 

Doon na niya sinimulang ibalik ang mga koleksyon binenta ng kaniyang ama kasabay nang pagpapagawa niya ng kanilang bahay. Ilang taon pa ang lumipas, ang nadoble na niya ang bilang ng mga sumbrerong koleksyon ng kaniyang ama, nabigyan niya pa ng isang sasakyan na hindi nito minsan pinangarap. 

“Salamat, anak, tama talaga ang desisyon ginawa ko noon na unahin ka kaysa sa mga koleksyon ko,” sambit nito sa kaniya habang hinihimas-himas ang bagong biling sasakyang bigay niya. 

“Hindi, papa, salamat sa’yo, kahit na hindi tama ang pag-uugaling pinakita ko noong mga panahong gipit na gipit tayo, umisip ka pa rin ng paraan para makapag-aral ako nang maayos. Kaya ngayong maganda na ang buhay ko, umasa kang tutugunan ko ang lahat ng gusto at pangangailangan mo,” tugon niya rito kaya ito’y hindi na nakapagpigil ng iyak. 

Iyon na ang naging simula nang tuluyang pag-asenso ng buhay nilang mag-ama na hindi mangyayari kung hindi nagsakripisyo ang kaniyang ama noong siya’y nag-aaral pa lamang.

Pagbalik-baliktarin man natin ang mundo, hinding-hindi tayo kayang tiisin ng ating mga magulang. Lahat ay kaya nilang isakripisyo para sa mga anak nila, kahit iyon pa ang kasiyahan nila.

More Stories