Isang Matanda ang Nauto ng Babaeng Scammer; Bakit Siya pa ang Nalugi sa Dulo?

Maaga pa lang ay nasa labas na ng sanglaan si Lea. Nag-aabang siya ng mga mahaharang, sa pag-asa na makukubinsi niya ang mga magsasangla na isangla sa kaniya ang mga aytem sa “mas mataas na halaga.”

Limang taon na sa ganoong modus si Lea. Bibigyan niya ng mas malaking halaga ang tao—higit na malaki kaysa sa sanglaan, saka niya dadalhin ang mga biktima sa kaniyang pekeng bahay.

Pagkatapos ay ibebenta niya ang alahas sa malaking halaga, at kailanman ay hindi na magku-krus ang landas nila ng taong nagsangla. 

Kaya naman araw-araw ay iba ang ayos niya. Sinisiguro niya na hindi siya makikilala ng kaniyang mga naging biktima. Aba’y ayaw niya yatang makulong!

Subalit tila maalat para kay Lea ang araw na iyon. Tanghali na ay wala pa ni isang kumakagat sa alok niya.

“Ang tumal naman…” naghihimutok na bulong niya.

Ilang sandali pa siyang nanatiling nakatayo sa isang tabi hanggang sa naagaw ng isang matandang babae ang atensyon niya.

Lumang-luma na ang suot nitong damit. Malikot ang mata nito, at palinga-linga kung saan-saan. Mahigpit ang hawak nito sa isang maliit na bag.

Advertisement

Tila may sarili isip ang mga paa ni Lea. Agad niyang nilapitan ang matanda. Kita kasi sa mukha ng matanda ang pag-aalinlangan.

“Ito ang mga mas madaling mauto,” sa isip-isip pa niya.

“‘Nay, magsasangla ka?” walang paligoy-ligoy na usisa niya sa matanda.

Bagaman tila nagulat ito sa presensya niya ay sumagot naman ito sa pamamagitan ng pagtango.

“Anong sasangla mo, ‘Nay?” muli ay usisa niya. “May alam kasi ako. Mas malaki rito ang sanglaan,” bulong niya sa matanda.

Nanlaki ang mata ng matanda. Ilang sandali itong nanahimik, tila nag-iisip kung magtitiwala ba sa kaniya.

Ngunit ilang sandali lamang ay binuksan nito ang maliit na bag. Noon tumambad sa kaniya ang isang piraso ng alahas na ni sa hinagap ay hindi niya alam na makikita niya pala sa malapitan.

Isa iyong kwintas na gawa sa dyamante. Sa buong Pilipinas, sampu lamang ang nagmamay-ari noon!

Advertisement

Nagtaka si Lea. Paano iyon napunta sa kamay ng isang ordinaryong matanda?

“Sa amo ko ito. Pinapabenta,” paliwanag ng matanda. Marahil ay nabasa nito ang pagtataka sa mukha niya.

Marami ang naglalaro sa isip ng dalaga. Kung siya ang makakakuha noon, tiyak na hindi niya na kailangan pang magtrabaho sa buong buhay niya.

Kay lakas ng tibok ng dibdib ni Lea. Pipi siyang umaasa na sana ay kumagat ang matanda sa alok niya.

“Magkano ba ang kailangan niyo, Nanay?” pasimpleng usisa niya.

“Beinte mil. Beinte mil ang kailangan ko,” walang gatol na saad nito.

Mabilis na nagkwenta ang dalaga. Malaki ang halaga na iyon, ngunit barya lang iyon kung sa kaniya mapupunta ang kwintas!

Noon din ay nakapagdesisyon si Lea. Bahagya niya pang itinaas ang alok. Ginawa niyang tatlumpung libong piso iyon para walang dahilan ang matanda na tumanggi.

Advertisement

Bumagsak ang balikat niya sa sinagot ng matanda.

“Pasok muna ako sa sanglaan… baka may mas maganda silang presyo,” tila nag-aalinlangan na tugon nito.

Bago pa siya makaimik ay tumalikod na ang matanda.

Naiwan si Lea na hinayang na hinayang. Alam niya kasi na mahal ang kwintas, at kung gugustuhin ng matanda ay makakakuha ito ng mas malaking pera.

Kaya naman laking gulat niya nang paglabas ng matanda ay dumiretso ito sa kaniya.

“Ma’am, kung ibebenta ko sa’yo lahat-lahat ng isandaang libo, kaya ba? Pwede nating kunin ang set nito sa bahay? Mayroon itong singsing, pulseras, at hikaw,” untag ng matanda.

Nagningning ang mata ni Lea sa narinig. Panigurado ay limpak-limpak na halaga iyon.

“Sa susunod na linggo ko tutubusin,” dagdag pa ng matanda.

Advertisement

Walang pagdadalawang-isip na pumayag si Lea. Halos masimot ang perang naipon niya, ngunit alam niya na milyon-milyon naman ang magiging kapalit noon.

Halos magtatatalon siya habang pauwi ng bahay. Bitbit ang kahon na naglalaman ng alahas na isinangla ng matanda, dumiretso siya sa kakilala niya upang tulungan siya nito sa pagbebenta.

Isa itong eksperto sa mga alahas at nais niya malaman kung magkano ang halaga ng alahas na isinangla ng matanda.

Ilang minuto nitong sinuri ang alahas bago ito seryosong bumaling sa kaniya.

“Magkano nga ang kuha mo rito, Lea?” tanong nito.

“Isandaang libo. Bakit?” tanong niya nang may bahagyang kaba.

Napapalatak ito.

“Mukhang nagulangan ka. Peke ito…” naiiling ng wika ng nagsuri ng alahas.

Advertisement

“Ano? Hindi! Kahit paano ay alam ko naman ang peke sa hindi. Tunay ‘yan,” giit niya.

Umiling ito.

“Mukha siyang totoo. Magaling ang gumawa ng kopya, siguro eksperto. Pero sigurado ako na peke ito.”

Sa sinabi ng lalaki ay dali-daling sinugod ni Lea ang bahay ng matanda. Kukunin niya ang isandaang libo niya. Hindi siya papayag na magulangan!

Ngunit nakakailang katok na siya sa bahay ng matanda ay wala pang nagbubukas. Isang kapitbahay ang huminto nang makita siyang naghihintay sa labas ng bahay.

“Hija, wala na ang may-ari ng bahay na ‘yan. Kanina lumayas na. Isa ka ba sa mga naloko niya?” usisa nito.

Nanlaki ang mata niya.

“Ho? Paanong naglayas? Saka sino pong naloko?” kumakabog ang dibdib na usisa niya.

Advertisement

“Scammer ang matanda na nakatira riyan. Manggagantso ba. ‘Wag ka na umasang babalik ang pera mo,” simpleng paliwanag ng kapitbahay.

Nanlambot si Lea sa narinig. Naisip niya ang isandaang libong piso na dugo’t pawis niya ang naging puhunan.

Naisip niya rin ang mga alahas na isinangla sa kaniya ngunit itinakbo niya.

“Ganito pala ang pakiramdam ng takbuhan ka,” sa isip-isip ng dalaga.

Tila siya binuhusan ng malamig na tubig sa sumunod na komento ng kapitbahay.

“Peste talaga ang mga scammer na ‘yan! Makakarma rin sila at babalik sa kanila lahat ng panloloko nila!”

Napangiti nang mapait si Lea habang mahigpit ang kapit sa kahon ng pekeng alahas—ang karma niya sa lahat ng panloloko na ginawa niya sa iba.