Parating May Kulang na Parte ang Binebentang Litson Manok; Saan nga ba Napupunta ang mga Nawawalang Piraso ng Manok?

“Mga anak, bumili ako ng pagkain! Bumaba kayo rito!” bungad ng tatay ni Marj pagkauwing-pagkauwi nito galing sa trabaho.

Agad namang lumapit si Marj at nagmano sa ama.

Iniabot sa kaniya ng ama ang dala nitong plastik. Amoy pa lang alam niya na kung ano ang laman noon—litsong manok mula sa isang sikat na tindahan sa malapit. Paborito kasi nilang mag-anak ang manok kaya halos araw-araw na bumibili ng ganoong ulam ang kanilang ama.

Agad namang inihain ni Maj ang pagkain saka tinawag ang mga kapatid. Kukuha na sana sila ng kani-kanilang parte nang may mapansin siyang bagay na ikinadismaya niya.

“Naku, mukhang nagulangan ka na naman ng tindero ng manok, Tatay! Kulang ng isang parte itong nabili mo. Nawawala ‘yung kabilang pakpak,” komento niya.

“Hayaan mo na’t sigurado akong hindi lang nila napansin iyon, anak,” tungon nito habang tutok ang mata sa panonood ng telebisyon.

Duda si Marj sa sinabi ng ama. Hindi naman iyon ang unang beses na mangyari ang parehong insidente. Dahil nga suki sila ng tindahan madalas niyang napapansin na may kulang kapag bumibili sila.

“Pakiramdam ko sinasadya talaga nila. Dapat sa kanila ireklamo sa panlalamang sa mga kustomer nila!” inis niyang komento.

Advertisement

Mabuti sana kung sila lang ang kustomer ng mga ito, ngunit hindi. Kung ginagawa nila ‘yun sa lahat ng kustomer, hindi ba’t napakalaking diperensya noon? Hindi pa ba sapat ang kinikita ng mga ito?

“Hay naku! Bakit ka ba nagrereklamo e hindi rin naman natin mauubos ‘yan. Sigurado ako, kapag may natira itatapon n’yo rin naman pagkatapos,” naiiling na puna ng kaniyang ama.

“Kahit na! Magkaiba naman ‘yun, ‘Tay. May karapatan naman tayong magreklamo at magtanong dahil tayo naman ang nagbayad!” pagtatanggol niya sa sarili.

Nailing na lang ang Tatay niya. Alam kasi nitong hindi siya magpapatalo. Mababaw na kung mababaw pero papatunayan niyang dinadaya talaga silang mga suking mamimili.

Kinabukasan din ay nagprisinta si Marj na siya na lamang ang bibili ng pagkain para sa kanilang hapunan, pero ang totoo ay iba ang kaniyang intensyon. Nais niyang mapatunayan ang kaniyang hinala.

Mahaba ang pila sa tindahan lalo na’t sikat talaga ito sa kanilang lugar kaya talagang dinadayo ng mga tao. Mas lalo pa siyang nainis kapag naiisip niyang ang dami ng kustomer na niloloko ng mga ito.

Nang pagkakataon niya na para bumili, talagang tinalasan niya ang mga mata para mahuli ang mga ito. Minasdan niya nang maigi nang pira-pirasuhin ng tindero ang manok gamit ang matalim na kutsilyo.

Hindi naman siya nagkamali dahil kitang-kita ng matalas niyang mata kung paano hiniwalay ng binatilyong tindero ang isang piraso ng manok at inilagay iyon sa isang hiwalay na lalagyan. Halos mapuno na ang lalagyan na iyon, kaya naman nakumpirma niya na bumabawas ng ito ng piraso sa bawat piraso ng manok na ibinibenta ng mga ito.

Advertisement

“Hoy! Ano ‘yan?” masungit na puna niya.

“Po?” kunot-noong tanong ng binatilyo.

“Naku, ‘wag ka nang magmaang maangan pa! Kitang-kita ko, binabawasan mo ang binili namin! Dinadaya niyo ang mga kustomer niyo! Ang dapat sa’yo ireklamo! Nasaan ba ang amo mo?” pagtuloy niyang paratang dito, hindi alintana ang mahabang pila sa likuran niya.

Nanlaki ang mata nito nang marinig ang sinabi niya. Mas lalo pa itong kinabahan nang magsimulang magbulungan ang mga tao.

“Nagkakamali po kayo! Hindi ko po kayo dinadaya!” patuloy nitong pagtanggi kahit na namumutla na ito sa kaba.

“O sige, patingin nga ako niyang isang plastik. Nakita ko na diyan mo nilagay! Sigurado ako na na nariyan ang lahat ng kupit mo!” kantiyaw niya sa binatilyo.

Hindi ito nakakibo. Napangisi na lang siya dahil ang ibig sabihin lang nito ay tama ang hinala niya.

“Kita mo, hindi ka makapagkaila? Dapat lang na ireklamo ka! Dapat sa’yo, tanggalin na sa trabaho! Alam ba ng amo mo ang pangungupit mo?” muli ay sita niya sa binatilyo.

Advertisement

Marami pa sana siyang nais ipang-sermon, ngunit nagulat silang lahat nang umiiyak itong lumuhod para magmakaawa. Hawak-hawak nito ang isang plastik ng pira-pirasong manok.

“‘Wag po! Hindi ko na uulitin! ‘Wag niyo po ako ipatanggal, hindi ako pwedeng mawalan ng trabaho. Marami pong umaasa sa akin,” umiiyak nitong pakiusap.

“E ‘di umamin ka rin! Batang-bata ka pa nanggugulang ka na! Kung alam mo naman palang mali, bakit mo ginawa?” taas-kilay niyang tanong sa binatilyo.

“Sorry po. Alam ko pong mali, ginawa ko lang naman po ‘yun para sa mga kapatid ko,” paliwanag nito.

Natahimik siya nang marinig ang sinabi nito. Noon naman dumating ang isang grupo ng mga bata. Pare-parehong madungis ang mga ito, nakayapak. Sa unang tingin pa lang ay alam niya na agad na mga batang kalye ang mga ito.

“Kuya! Bakit ka umiiyak?” tanong ng isa sa mga ito, isang batang babae na sa tantiya niya ay nasa siyam na taong gulang pa lang. Agad nitong dinaluhan ang binatilyong nakaluhod.

“Wala naman. Bakit kayo nandito? May trabaho pa ako,” tanong ng binatilyo.

Isang nahihiyang ngiti ang sumilay sa labi ng batang babae bago tumingin sa mga kasama nito.

Advertisement

“Gutom na po kasi kami, wala naman kaming malimos. Baka may pagkain ka diyan, Kuya? Wala pa kaming kain mula kagabi,” sagot ng isang batang lalaki.

“Oo naman, may pagkain kayo rito. Pagsaluhan niyo ito, ha. Ibahagi niyo rin sa iba pang bata,” anang binatilyo bago iniabot sa batang lalaki ang supot ng manok na kanina lang ay pinag-aawayan nila.

“Wow! Salamat, Kuya!” sabay-sabay na bulalas ng mga batang kalye bago naupo sa isang tabi at sabik na kumain.

Natameme si Marj sa nasaksihan.

Kung gayon ito pala ang kinapupuntahan ng mga nawawalang piraso ng manok?

Matinding pagkapahiya ang nararamdaman niya habang nakatingin sa mga batang maganang kumakain.

“Hindi ko sila tunay na mga kapatid pero hindi ko matiis. Gusto ko silang tulungan, pero hindi naman ako mayaman, kaya ito ang naisip kong gawin. Alam ko naman na kahit na anong sabihin ko, mali pa rin ako kaya pasensya na po kayo at hindi na mauulit,” hinging paumanhin nito sa kaniya, at sa iba pang mamimili na nasaksihan ang komosyon.

“Ang mga batang ‘yan, halos isang beses lang nakakakain. Gusto ko po silang patuloy na tulungan kaya sana ay ‘wag niyo po ako ipatanggal sa trabaho,” pakiusap pa nito.

Advertisement

Inatake si Marj ng matinding konsensiya lalo na’t naisip niya kung gaano ka-komportable ang buhay niya kumpara sa ibang tao. Tumulong na nga lang ang binatilyo, pinag-isipan niya pa ng masama.

Kung sino pa ang walang-wala rin, siya pa itong handang tumulong. 

“Naku! Maganda naman pala ang kapupuntahan! Walang problema sa akin, hijo! Kahit dalawang hiwa pa ang ibawas mo!” komento ng isang lalaki, na sinegundahan ng marami.

“Oo nga. Sa akin din, wala naman problema. Pasensya ka na at nagkaroon pa ng gulo,” nahihiyang wika niya sa binatilyo.

Napangiti ito nang maluwag.

“Maraming salamat po sa pang-unawa!”

Simula noon ay patuloy pa rin sa pagbili sa tindahan na iyon si Marj. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang kulang na piraso ng manok sa binili niya, hinihiling niya na ang sinumang batang kalye ang makakuha ng piraso noon ay maibsan ang nararamdamang gutom.