Napaluhod ng Isang Pulubi ang Lalaking Ito Dahil sa Labis na Kayabangan Niya
Kung ang Diyos talaga ay nagsabog ng kayabangan, itong lalaking ito ang sumalo ng lahat.
Hindi mo rin naman siya masisisi. Bukod sa siya’y talagang pinalad na ipanganak sa mayaman na pamilya, ay namana pa niya ang mga malalaking kumpanya nang pumanaw ang kanyang ama.
Palaging nasa bar si Mark kasama ang kanyang mga kaibigan. Ang dahilan niya ay pang-alis ng stress ang pagpunta rito at paginom.
Sa kanyang napakagwapong mukha, napaka-imposible ang walang magkagusto sa lalaking ito. Isa siyang head turner gaya ng sinasabi ng karamihan.
“P’re tara na! Tapos na ko sa mga deadlines ko, sunod ka doon ha?” sabi niya sa lalaking kausap niya sa telepono.
“Sige sige pre, parang kahapon lang uminom ka na, inom na naman ngayon?” biro ng kausap niya.
“Basta bilisan mo na!” natatawang sagot ng binata.
Ang problema nga lang kay Mark, bukod sa pagiging mayabang ay ang pagiging burara niya sa gamit.
Sa kapabayaan niya sa gamit niya ay hindi niya namalayan na nawawala pala ang kanyang pitaka.
Isang araw, ang isang pulubi ay naglalakad sa paligid na maraming tao at naghahanap ng mga barya-barya.
Ang kanya lamang bitbit ay isang itim na sira-sirang bag na may lamang pamalit niyang damit.
Siya’y palakad-lakad lamang nang bigla niyang makita ang isang pitakang nasa kalye lamang nakakalat.
Pinulot niya ito at agad na binuksan. Laking gulat niya nang makita ang napaka-kapal na pera sa loob nito kasama ang mga credit cards at maraming ID.
Tinignan niyang muli ang nawawalang pitaka at tumingin sa paligid.
Dahil sa kanyang kalagayan, sumagi pa rin sa kanyang isipan na itabi na lamang para sa kanya ang pitaka.
“Pwedeng-pwede na ako maghanap ng trabaho at mauupahang bahay sa daming pera na ‘to!” sabi niya sa kanyang sarili.
Ngunit, naisip rin naman niya na ang ganoon kadaming pera ay pinaghirapan ng sobra.
Kaya naman, minabuti niyang hintayin ang may-ari na balikan ang kanyang gamit.
Nagdesisyon siyang, doon na rin mismo matulog sa pwesto kung saan nakita niya ang pitaka dahil panigurado doon titingnan at hahanapin ng may-ari ang kanyang nawawalang gamit.
“Panigurado, nag-aalala na yun ng sobra. Hindi biro ang ganito karaming pera na mawawala,” sabi ng pulubi sa kanyang isip.
Bantay sarado niya ang pitaka. Hindi niya ito tinanggal sa kanyang paningin dahil baka may iresponsableng makakita sa pera at sa mga credit card at bigla itong tangayin.
Kahit siya’y isang pulubi, alam niya sa kanyang sarili na hindi iyon isang dahilan para nakawin ang hindi sa kanya. Gaya ng kahit sinong tao, ang pulubi rin ay may prinsipyo.
Kaya naman, pinanalangin na rin niyang mabalik na sa may-ari ang nawawalang pitaka.
Ngunit ang pag aantay sa umaga ay umabot hanggang gabi. Isang buong araw na pagaantay na ang nagagawa niya ngunit wala pa rin ang may-ari.
Nang tumagal ay nagdesisyon na rin siyang mag-antay pa ng ilan pang mga araw sa lugar kung san nawala ang pitaka.
Naaawa ang pulubi sa may-ari at iniisip na lang na kapag sa kanya ito nangyari ay magpapasalamat siya sa taong gagawa sa kanya nito.
Nang dumating ang ikatlong araw, napansin ng pulubi ang isang lalaking palakad-lakad sa lugar. Sa mismong lugar kung saan nakita ng pulubi ang isang pitaka. Halatang may hinahanap siyang napaka-importante.
Nang bigla niyang makita ang pulubi at padabog itong nagpunta sa kanya. “Hoy ikaw! May nakita ka bang pitaka dito?!” pasinghal na sabi ng lalaki sa pulubi.
Napasimangot ang pulubi sa pananalita at pangit na kilos ng lalaki, pero sumagot pa rin siya ng maayos, “Oo nakita ko.”
Alam ng pulubi na ang lalaki ang may-ari ng pitaka dahil namukaan niya ito base sa mga ID na nakalagay sa loob ng pitaka.
Nabagalan si Mark sa pagsalita at pagkilos ng pulubi kaya’t lalong nanggalaiti ang binata.
“Bilisan mo! Pulubi ka na nga ang baho mo pa! Sabihin mo sa akin sino ang nakapulot at bibigyan kita ng pabuya,” sabi niya.
Nanatiling tahimik ang pulubi at iniisip pa kung papaano niya isasauli ang pitaka sa may-ari. Medyo natatakot siyang baka siya’y akusahan na magnanakaw dahil sa agresibong pananalita at pagkilos ng binata.
Ang walang pasensyang si Mark naman ay muling nagsalita, “Hoy maruming pulubi, ano? Sino ang kumuha ng wallet ko? Kailangan kong makita dahil marami akong ID dun! ‘Pag nakita ko, dodoblehin ko ang pangakong pabuya ko,” ani niya.
Dahil sa patuloy na pagtrato niya ng hindi maganda sa pulubi, naubos ang pagtitimpi ng pulubi sa kanya.
Para sa kanya, kahit siya ay pulubi, hindi dapat siya tinatratong parang basura.
Nagalit ang pulubi at ninais na maparusahan ang mayabang na lalaki. “Alam ko kung sino ang pumulot ng pitaka mo. Kaya kong sabihin kung nasaan siya pero kailangan ay lumuhod ka sa harap ko at humingi ng tawad.”
Nagkataasan sila ng boses at hindi napansin ang mga taong unti-unting taong nanonood.
Gustong-gusto nang suntukin ni Mark ang pulubi dahil napapahiya na ito. Ngunit sa desperado na siyang makita muli ang kanyang wallet, iniiwasan niyang makasakit.
Para makasigurong talagang totoong nakita ng pulubi ang nakapulot sa kanyang pitaka, “Anong ebidensya ang meron ka na nagpapatunay na nakita mo talaga ang wallet ko?” tanong niya.
“Mark Apolinario ang iyong pangalan. Nakita ko ang pangalan mo sa mga ID mo,” mabilis na sagot naman ng pulubi.
Matapos makumpirmang alam nga ng pulubi ang kanyang sinasabi, agad na lumuhod ang lalaki at humingi ng pasensya sa kanyang masamang ugali. Dagdag niya’y kailangang kailangan lang talaga niya ang mga ID na nasa loob.
Matapos humingi ng kapatawaran ang lalaki, agad namang nilabas ng pulubi ang pitaka niya at sinabing, “Walang mali sa ginawa mong pagluhod at sabihin ang iyong mga pagkakamali. Ilang araw na akong naghihintay sa mismong lugar na ito para maisauli ang pitaka mo. Pero nakakalungkot dahil ang bungad mo agad sa akin ay ang hindi pagrespeto.”
Matapos niyang sabihin iyon ay binalik na niya ang pitaka sa may-ari. Niligpit na rin niya ang sarili niyang mga gamit at umalis na rin.
Hiyang-hiya si Mark sa kanyang ginawa at mga sinabi. Nakuha sana niya ang kanyang pitaka ng mabilis lang kung sana’y naging marespeto siya sa pulubing kausap niya.
Mula noong araw na iyon ay naging mas maingat na ang lalaki sa kanyang gamit. At lalong mas naging maayos na ang trato niya sa mga pulubi.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!