Hindi Pinagsilbihan ng Sales Lady ang Isang Matanda Dahil Mukhang Hindi Ito Mayaman, Nasa Matanda ang Huling Halakhak
“Miss magkano ito?” tanong ng isang matanda sa kanya.
Isa na namang nakakaboring na araw ito para kay Gemma, isang saleslady sa department store ng isang kilalang mall. Tinitigan niya mula ulo hanggang paa ang matandang babae. Butas ang damit nito sa may kwelyo at naka-tsinelas na luma.
“Maaafford ba nitong bumili ng libong sapatos?”
Imbes na pansinin ay nagbingi-bingihan nalang siya at bumaling sa paglilinis ng mga mamahaling sapatos. Sa isip-isip niya’y masasayang lang ang laway niya sa matandang ito.
Maya-maya pa’y may mga sosyal na babae ang pumasok. Puro alahas at branded na damit at sapatos ang suot. Puro signatured bags ang dala-dala na lalo niyang kinainggit.
“Good morning, Ma’am! What would you like?” magiliw na tanong niya sa mga ito.
Ngumiti sa kanya ang isang babae pero hindi sinagot ang tanong niya, sa halip ay nagpatuloy lang sa pagtingin sa mga paninda. Pasimple niyang tinignan ang matandang babae. Nakatingin din ito sa kanya at ang ikinabigla niya’y nginitian siya nito. Naiinis siyang bumaling ng tingin sa iba.
“Wala namang pambili, ayaw pang umalis ng store. Naiilang siguro yung mayamang customer sa kanya!”
Nagpatuloy siya sa pagsunod sa mukhang mayayamang customer. Kapag naka-jackpot siya dito’y pwede na siyang umuwi nang maaga.
Maya-maya pa’y umalis na ang sosyal na customer. Walang binili ‘ni isa. Bagsak ang balikat niyang bumalik sa pag-aayos ng mga sapatos.
Nakita niya ang matandang pinagsisilbihan na ng kasamahan niyang saleslady,”Hay Jamie, kawawa ka naman. Pahihirapan ka lang ng matandang ‘yan. Wala namang pambili ‘yan.”
Nakailang-ulit ‘ata sa pagsusukat ang matanda ng sapatos. Matiyaga naman iyong pinagsisilbihan ni Jamie. Napapailing pa rin si Gemma sa ginagawa ng kasamahan niya,”Obvious namang hindi bibili, nagtitiyaga pa siya.”
“Talaga Ma’am? Seryoso po kayo?” nagulat siya sa malakas na tinig ni Jamie.
Maya-maya’y nagtungo ang dalawa sa counter. Binayaran ng cash ng matanda ang mga sapatos na nabili. Sa tantya niya’y umabot iyon ng limang pares.
Mas lalo niyang kinagulat ay nang bigyan ng matanda ng isang pares ng isa sa pinakamahal na sapatos ang kasamahan niyang si Jamie.
“Salamat po, Ma’am!” bulalas ng kasamahan niya.
“Wala ‘yun, ineng. Ako ang dapat magpasalamat sayo kasi pantay ang tingin mo sa tao. Deserve mo ‘yan. God bless you.”
Tila sampal kay Gemma ang sinabi ng matanda. Kung hindi niya sana dinedma ito ay siya sana ang nakakota ng maaga at may isang pares ng pangarap niyang sapatos.