Inday TrendingInday Trending
Dating Nag-uuwi Lamang ng Tirang Pagkain sa Pinapasukang Restaurant, Ngayon Isa nang May-ari ng Sarili Niyang Kainan

Dating Nag-uuwi Lamang ng Tirang Pagkain sa Pinapasukang Restaurant, Ngayon Isa nang May-ari ng Sarili Niyang Kainan

“Iuuwi mo na naman ‘yan, Benjie?” tanong ng kapwa-crew niya nang makita ang supot ng pagkain na ready na niyang iuwi. Nahihiya siyang ngumiti sa kaibigan, “Oo pre, para may pagkain si nanay.” “Magsumikap tayong magkaroon rin ng sarili nating business para hindi tayo habambuhay na ganito.” Nginitian niya ang kaibigan. May punto ito sa sinabi. Kailangang hindi sila maging pang-habambuhay na crew lamang. Hindi siya papayag na palagi na lamang magbabalot at mag-uuwi ng tirang pagkain ng mga customers para ipakain sa nanay niya. Kaya naman nakaisip ng isang paraan si Benjie. Nagdesisyon siyang mag-aral habang nagtatrabaho. Sinabi niya iyon sa kaibigan na si Jerry at sumang-ayon naman ito sa kanya. “Pasensya ka na pare, hindi ako pwedeng mag-aral din. Dalawa pinag-aaral ko eh. Work work work muna ako ngayon.” Natawa siya sa kaibigan, “Okay lang pare. Sana lang kayanin ko.” Tinapik nito ang balikat niya, “Kayang-kaya mo ‘yan. At saka sayang naman ang talino mo kung dito mo lang iimbak ‘yan.” Business Management ang kursong kinuha ni Benjie. Ito ay para sa pangarap niyang magkaroon rin ng sariling business. Sa una’y nanibago siya at sobrang nahirapan dahil halos tatlong oras na lang palagi ang tulog niya araw-araw. Pero hindi siya nagpadaig sa takot at hirap. Mas lalo niya pang pinag-igihan ang sabay na pagtatrabaho at pag-aaral. Naging mas inspirasyon niya pa ang ina dahil tuwang-tuwa ito sa desisyong nagawa niya para sa sarili. Yun nga lang ay mas lalo silang nahirapan sa gastusin sa bahay. Mas lalo rin silang nabaon sa utang. Kung minsa’y pinanghihinaan siya ng loob lalo na sa mga sinasabi ng iba. “Kapal naman ng mukha mong mag-aral, eh baon na baon pa kayo sa utang.” Mabuti na lamang at todo-suporta pa rin sa kanya ang ina at palagi siyang sinasabihan ng, “Anak, kaya mo ‘yan. May tiwala ako sayo.” Baon ang suporta ng ina’t mga kaibigan ay nakapagtapos si Benjie sa kolehiyo. Halos maluha siya kapag naiisip na lahat ng paghihirap niya, sa wakas ay natapos rin. Doon niya inumpisahang buuin ang pangarap. Gamit lamang ang maliit na pondo mula sa bagong trabaho ay nagpatayo ng maliit na kainan si Benjie. Dinoble niya ang sipag sa araw-araw. Sa isip-isip niya, hindi maaaring maging maliit na kainan lamang ang lugar na ito. Kailangan nitong lumago upang makaahon sila mag-ina sa kahirapan. Naging mabuti rin siya sa kanyang mga tauhan. Hindi niya tinuring na iba ang mga ito, sa halip ay tinuring niyang parang pamilya. Kung kaya naman bilang ganti ay hindi siya iniwan ng mga ito. Sinamahan siya ng mga tauhan hanggang sa umasenso siya ng lubusan. At ang maliit na kainan na yun ay naging isang magarang restaurant na pinipilahan ng maraming umiidolo sa luto nila. “Pare, congrats! Naabot mo rin sa wakas ang pangarap mo.” Nginitian niya ang kaibigang si Jerry, “Salamat sa lahat ng suporta at tulong mo, pare.” Hindi nakalimot si Benjie sa mga taong tumulong at nagbigay sa kanya ng inspirasyon upang maabot ang pangarap. Bukod pala sa pagpupursige ay importante din ang kabutihan upang maabot natin ang ating mga pangarap. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement