Nahilig ang Lalaki sa Sabong; Hanggang Kailan Niya Kaya Hihimasin ang Kanyang Manok Ngayong Napapabayaan na Niya ang Kaniyang Pamilya?
Masipag sa trabaho ang amang si Rogelio. Hindi naninigarilyo, hindi umiinom. Hindi nambababae at mabuting asawa sa kanyang anak. Ngunit wala nga namang perpekto. Ang tanging sabit ng lalaki, napakahilig nito sa pagsasabong.
Mapagmahal at maalaga naman ang asawa ni Rogelio, si Gina. Dalawa lamang ang anak nila, si Ben na panganay at nagtatrabaho na sa Saudi bilang nurse. Ang bunso naman ay si Carl na nasa elementarya pa lamang.
Dahil pagod sa pagtatrabaho, nakahanap ng ikalilibang si Rogelio. Bumili siya ng manok at inalaagaang mabuti. At sa tuwing Sabado’t Linggo naman ay isinasalang na sa sabong ang alaga.
Sa sobrang pag-aalaga sa manok, nagawa pang pangalanan ito ng ginoo. “Machete! Halika na dito. Kakain na! Kailangan mong magpalakas at may laban pa tayo mamaya. Walang tatalo sa manok ko.”, ‘ika ni Rogelio habang nasa bakuran at kausap ang alagang pinangalanang Machete.
Labis ang atensyon na ibinibigay ng ama sa kanyang manok. Sa totoo lang ay parang mas mahal pa niya ang alaga kaysa sa sariling anak. Tatlo na lamang ang pamilya sa bahay dahil nasa Saudi Arabia na nakatira ang panganay na si Ben para magtrabaho. Kaya napapansin na ni Gina ang kawalan ng oras ng kanyang asawa para sa kanilang bunso.
“Papa! Samahan mo naman po ako sa park. May nagbebenta po doon ng mga saranggola. Dati ko pa po sana gustong maglaro noon kasama po ikaw.”, paglalambing ng bunso.
“Anak, may laban si Machete bukas. Kailangan ko siyang ikondisyon. Sa susunod na lang, ha? Alam mo naman ako. Minsan lang ako maglibang. Kaya sana hayaan mo na lang muna ako anak.”, mahinahong sagot ni Rogelio.
Nalungkot si Carl. Ngunit malawak naman ang pang-unawa ng bata kaya’t hindi ito nagtanim ng tampo sa ama. Ngunit narinig nga ni Gina ang pag-uusap ng ama. Kaya agad nilapitan ng misis ang kanyang mister upang kausapin.
“Rogelio?”
“O, bakit? Nga pala hindi ako makakasabay kumain sa inyo ngayon. Mauna na kayo. Nalimutan kong kailangan kong ibili ng vitamins si Machete. Baka manlambot bukas e. Matindi pa maman ang kakalabanin namin bukas!”, halatang sabik na sabik si Rogelio kapag nagkukwento tungkol sa alagang manok.
“Ganon ba? O sige. Pero may sasabihin sana ako. Mahal, kailanman hindi kita pinigilan sa kahit anong gusto mong gawin, hindi ba?”, panimula ni Gina.
“Oo nga, mahal kong asawa. At doon, nagpapasalamat ako. Napakaswerte kong tunay sayo!”, nakangiting sabi ni Rogelio.
“Pero mahal, napansin ko lang ang pakikitungo mo sa bunso mo. Para atang mas marami ka pang oras sa manok mo kaysa sa anak mo. Pansin ko lang ha.”, mahinahong pagpapa-alala ni Gina.
“Hindi naman, mahal. Minsan lang naman. O sige na, bibili na ako ng vitamins. Kumain na kayo ha.”, sagot ng mister.
Kinabukasan, naisip ng mag-anak na magsimba muna bago pumunta sa kanya kanyang lakad. Walang kaalam alam ang tatlo na may sorpresa pala ang panganay na si Ben sa kanila.
“Tara na, Gina. Alas dos ang laban namin ni Machete. Tapos naman na ang misa.”
Umuwi na ang tatlo. Laking gulat nila nang pagpasok ng pinto ay sinalubong sila ng anak na si Ben.
“Surprise! Na-miss niyo ba ako?”, hiyaw ng panganay nang pumasok na ang kaniyang magulang at kapatid.
“Kuya?! Kailan ka pa nakauwi?”, tanong ni Carl.
“Ngayong umaga lang. Pinayagan kasi ako ng ospital na mag bakasyon muna. At nga pala, na-miss ko ng sobra ang lutong Pinoy!”, ‘ika ni Ben.
“Ganoon ba, anak? O sige, ipagluluto kita. Mamamalengke lamang ako sandali ha.” tuwang tuwa si Gina na makita ang anak.
“Nako Ma, wag ka na mag-abala. Nagluto na ako. Talagang na-miss ko kasi e, di ko na kayo naintay.”, nakatawang sabi ni Ben.
Nagkukwentuhan ang tatlo nang biglang sumigaw ng malakas si Rogelio,
“Diyos ko! Machete! Diyos ko!”, halos himatayin si Rogelio kasisigaw nang makita ang kulungan ng alagang manok na wala nang laman. Ang malala pa, nakita niya ang isang itak na puno ng dugo.
Nagulat si Gina. Napatakbo ito sa kanilang bakuran. “Anong nangyari?!”
“Nawawala si Machete!”, sigaw ni Rogelio habang naghahanap. Nang bigla nalang itong napamura sa nakita, “Punyeta! Anong nangyari kay Machete! Sinong gago ang nangialam sa alaga ko?!”, galit na galit ang lalaki nang makita ang ulo ng alaga sa lapag.
“Bakit, Papa? Anong nangyari?”, tanong ni Carl.
“Si Machete! May kumatay kay Machete!”, gigil na gigil ang ama.
Napanganga ang bunso. Bigla niyang naalala ang niluto ng kuyang si Ben.
“Papa, sorry kasi hindi ko alam. Akala ko alaga niyo ang manok para ipang-ulam.”, nakayukong sabi ni Ben.
“Sorry?! Ano magagawa ng sorry mo?! Mababalik ba niyan si Machete?”, matapos magsisigaw ay nagawa pang pagbuhatan ng kamay ng ama ang panganay.
Gulat na gulat ang lahat, pati na rin mismo si Rogelio ay nagulat sa kanyang nagawa. Napatigil ang lalaki, at naisipang umalis ng bahay.
Naglakad lakad ang ama upang makapag-isip isip. Nang may nakita siyang isang pamilya sa park na nadaanan. Nagtatawanan ang mga ito, at mukhang masayang masaya sa kumpanya ng isa’t isa.
Napagtanto ni Rogelio na mali ang kanyang nagawa. Bilang isang ama, siya dapat ang maging haligi ng kasayahan ng pamilya. At isa pa, matagal hindi nakauwi ang panganay niyang si Ben. Pati na rin ang kawalan ng oras niya sa bunso ay bumagabag sa isip niya.
Naisip niyang hindi tama na dahil lang sa manok ay mag-aaway away silang pamilya. Kaya’t napagdesisyunan niyang humingi ng tawad sa buong pamilya.
Pag-uwi, kinausap niya ang tatlo. Una syempre ay humingi siya ng tawad sa lahat ng pagkukulang niya sa bunso, pangalawa ay sa kanyang panganay na napagbuhatan pa ng kamay. At sa asawa niyang nagtiyaga sa kanya sa kabila ng mga nagawa niya.
At dahil maganda ang pagpapalaki ng mga ito sa kanilang anak, agad naman siyang pinatawad ng mga ito. Nagyakapan ang apat at pinagdesisyunang kumain na lang sa labas.
Natutunan ni Rogelio na mas mahalaga ang pamilya kaysa sa pagsasabong.