Pinipilit ng Nanay na Mag-entrega ng Sahod sa Kanya ang Anak, Bumuhos ang Luha Niya Nang Masaksihan ang Hirap na Sinasapit Nito
“Ano ba naman ‘yan Mika, kailan ka ba magbibigay ng pera sa akin?” atungal ni Aling Lorelie sa kanyang panganay na anak. “Ma, hindi po ba kabibigay ko lang sa inyo?” Lalong bumusangot ang mukha nito, “Baka akala mo piso lang ang mga bilihin ngayon? Aba, Mika kung susumbatan mo ako sa mga binibigay mo, ay huwag ka nalang magbigay!” Napayuko ang dalaga, “Wala naman po akong sinasabing ganoon, Ma.” “Parang ganoon na rin ang ibig mong iparating.” Breadwinner ang dalagang si Mika sa kanilang pamilya simula nang mapagbintangan ang kanyang ama na nagnakaw ng mga mamahaling alahas sa isang department store. Dahil doo’y nakulong ito at hindi nila makaya ang laki ng piyansa. Napilitang tumigil sa pag-aaral si Mika upang buhayin ang ina at bunsong kapatid na nag-aaral pa sa high school. Dati silang may-kaya sa buhay kaya naman hindi sanay magtrabaho ang kanyang ina. Laki rin kasi ito sa yaman at lulong sa mga mamahaling damit at kagamitan. Kahit nahihirapan ay hindi kailanman nagreklamo ang dalaga sa kanyang buhay. Halos siya pa nga ang tumatayong ina sa bahay nila dahil kahit gawaing-bahay ay hirap ang mama niya. Kaya hangga’t maaari ay tinuturuan niya rin si Mico, ang kanyang bunsong kapatid na tulungan siya kahit sa gawaing-bahay lang. Ngunit siya pa rin ang pinapagalitan ng ina sa tuwing nakikitang pinagtatrabaho niya ito sa bahay, “Ano ka ba naman, Mika. Hindi mo ba kayang maghugas ng plato at ang kapatid mo pang nag-aaral ang pinakikilos mo d’yan?” “Baka po kasi mapasma ako, Ma dahil kakatapos ko lang po mamalantsa.” Umismid lang ito at umalis na. Kinagabihan ay naghanda na siya para sa kanyang pangatlong part-time job–ang pagiging kahera sa isang 24-hour na convenience store. Ilang oras ang lumipas ay nakaramdam ng gutom si Aling Lorelie at naghanap ng mabibilhang tindahan. Dahil halos pasado alas-dose na ay wala nang bukas na mga sari-sari store kaya naman napadpad siya sa convenience store kung saan nagtatrabaho ang anak, “Sakto makakalibre ako kay Mika.” Malayo palang ay rinig niya na ang malakas na sigaw ng lalaki, “Tatanga-tanga ka ba? Kahit lasing ako, Miss alam ko kung kulang o sobra ang sukli mo! Huwag mo kong utakan, bobita!” Nakita niyang ang anak niya ang sinisigawan ng lasing na lalaki. Halos paiyak na ito sa pagpapahiya ng lalaki. Lalo pa nang tawagin ang manager nila at halos saktan ng lalaki si Mika. Mukhang naayos naman iyon ng manager ng anak niya kaya buong-akala niya ay okay na ang lahat. Pero nagkamali siya, “Isa’t kalahating tanga ka talaga, Mika! Konting barya hindi mo mabilang ng maayos. Grade 1 lang ba natapos mo, tanga-tanga mo!” Doon na tuluyang napaiyak ang kanyang kaawa-awang anak. Naiinis siya dito dahil hindi man lang lumaban ito. Pero naisip niya na siya rin ang may kasalanan ng lahat. Kung hindi niya sana pinipilit ang anak na magbigay sa kanya ng pera at buhayin silang mag-iina ay hindi magtitiis doon ang kanyang unica-hija. Namalayan nalang ni Lorelie na naiiyak na siya sa kalagayan ng anak. Agad niyang sinundo ang dalaga at humingi ng tawad, “Patawarin mo ako anak, hindi ko alam na ganito na pala ang tinitiis mo para sa amin. Pangako magsisikap rin ako para sa pamilya natin. Hindi na ako magbubuhay-reyna. Ako ang ina, kaya ako dapat ang magtaguyod sayo at sa kapatid mo.” Tinupad nga ni Aling Lorelie ang kanyang pangako kay Mika. Sa ngayon ay pinag-iipunan rin nila ang pagpapatuloy ng pag-aaral ni Mika. Doon mas tumibay ang kanilang relasyon bilang mag-ina. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.