
Sinikap Isauli ng Binata ang Natagpuang Pitaka sa Isang Bus; Isang Nakakapangilabot na Pangyayari Pala ang Dala ng Kulay Asul na Pitaka
Alas tres pa lang ng hating gabi ay naghahanda na si Richard sa pag-alis. Magba-bike lamang siya mula Manila hanggang Pampanga, upang ihatid ang pitakang kaniyang nakita ilang araw na ang nakakalipas.
Pauwi na siya noon sakay ng isang pampasaherong bus nang makapa ang isang kulay asul na wallet. Ngayon lamang niya ito maibabalik, sapagkat ngayon ang kaniyang day-off sa trabaho.
Hindi niya alam kung sino ang nagmamay-ari ng wallet, mabuti na lang at may mga ID itong nakaipit dahilan upang malaman niya kung sino ang nagmamay-ari nito at kung saan ito nakatira.
No’ng una’y bahagya siyang nag-alanganin sa gagawin dahil masyadong malayo ang Pampanga mula sa Manila at tanging bike lamang ang sasakyan niya. Walang ibang address ang nakita niya sa pitaka, kung ‘di sa Pampanga lamang.
Kaya bago pa man siya abutan ng gabi sa daan ay magsisimula na siyang maglalakbay sa umaga, upang kahit papano’y maibalik niya kaagad ang wallet na naiwan ng isang babae.
Naka-ilang tigil si Richard, upang magpahinga, kumain at paminsan-minsan ay magbanyo. Inabot siya ng hapon saka narating ang lugar na kaniyang sadya. Nagtanong-tanong siya kung may nakakakilala ba sa babaeng nasa ID, ngunit nakailang tanong na siya’y walang makakapagturo kung saan niya matatagpuan ang babae.
Malapit na siyang mawalan ng pag-asa, nang sa wakas ay napagtanungan niya ang isang ale na magtuturo sa kaniya kung taga-saan ang babaeng kaniyang hinahanap.
“Anak ko iyan, hijo,” mangiyak-ngiyak na wika ng isang ale habang nakatitig sa ID na ipinakita niya. “Anong sadya mo sa kaniya?”
“Gano’n po ba ale? May ibabalik lang sana ako sa kaniya,” aniya saka ipinakita ang wallet. “Nakita ko po kasi ang wallet niya sa bus ilang araw na ang nakakaraan.”
Nang makita ng ale ang wallet na hawak niya’y bigla na lamang itong humagulhol ng iyak, na labis niyang pinagtakhan. Anong nakakaiyak sa wallet na kaniyang hawak?
“W-wala na ang anak ko, hijo,” humahagulhol na wika nito. “Kakalibing lang namin sa kaniya kahapon,” anito na mas lalong nagpagulo sa isipan ni Richard.
“A-ano po bang nangyari sa kaniya, ale?” Nauutal niyang tanong.
“Ayon sa mga nakasaksi ang sabi ay may nang-hold-up daw sa anak ko. Nanlaban siya sa mga holdaper, dahilan upang saks@kin siya nito. Nakuha ang kaniyang bag. Nakatakbo pa raw ang anak ko at nakasakay pa ng bus.
Duguan na itong nakasakay sa bus kaya nagdesisyon ang drayber na itakbo muna ito sa Ospital, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na ito umabot pang buhay. Inuwi siya rito sa’ming wala nang buhay at nakasilid na sa kabaong. Inilibing namin siya kahapon at ngayon ay narito ka upang ibalik ang wallet niya,” umiiyak na paliwanag ng ale. “Saan mo nakuha ang wallet na iyan?”
Tiningnan ni Richard ang hawak na pitaka. Ito ba ang dahilan kaya may mga mantsang kulay pula ang kulay asul na pitaka? Dugo pala ito ng anak nito?
“Sakay po ako ng bus pauwi nang mapansin kong may nakaipit sa gilid ng upuan na siyang dahilan upang hindi pumantay ang inuupuan ko. Binalewala ko lang no’ng una, ngunit talagang hindi ako komportable, kaya hinila ko ang nagpapasagabal nito at ito ang nakita ko. Maruming wallet na kulay asul, nang buksan ko’y nagulat ako sa perang nasa loob.
Ngunit higit sa perang laman ay mas naintriga ako sa mga naka-ipit na resetang bago pa lang at mukhang hindi pa nabibili. Naisip kong kailangan ng may-ari ang pera upang ipambili iyon ng gamot. Limang araw nang nasa akin ang wallet na ito, ale, kaso ngayon lang ako nagkaroon ng oras na ibalik dahil ngayon pa lang ang day-off ko. Sorry po sa nangyari sa anak niyo,” nanghihinang wika ni Richard.
May dahilan ba ang lahat kaya siya ang nakakita sa wallet? May mensahe bang nais ipahatid ang anak ng ale, kaya sa dami ng naging pasahero ng bus na iyon ay siya ang nakakuha sa wallet na iyon.
“Mga kakailanganin kong gamot ang laman ng resitang ito, hijo,” mas lalong lumakas ang iyak ng ale. “Nagawa pa talaga niyang itakas ang wallet niya para hindi lang ito makuha ng mga magnanakaw. Nakakainis lang… sana mas inuna niyang iligtas ang sarili niya kaysa rito. Ang pera’y pwede pang kitain, pero ang buhay niya’y iisa lang. Sana’y ibinigay na lamang niya ito sa mga kawatang iyon,” anito habang yakap-yakap ang pitaka ng anak.
Awang-awang inalo ni Richard ang aleng panay ang hagulhol. Isinakripisyo ng anak nito ang buhay para lamang huwag makuha ang wallet na naglalaman ng perang kailangan ng ina nito. Pero tama ang ale, sana’y mas inuna ng anak nito ang buhay kaysa sa pitakang iyon, disin sana’y buhay pa ito hanggang ngayon.
Hinatid niya ang ale sa mismong bahay nito at doon ipinakita ng ale ang malaking litrato ng anak na ilang araw ng namayapa. Hanggang sa huling hininga ng anak nito’y wala itong ibang inisip kung ‘di ang ina.
May rason kung bakit siya lamang ang nakapansin sa wallet na nakaipit sa may gilid ng upuan ng bus. Sabado pa lamang nangyari ang insidenteng kinahinatnat ng anak ni Aleng Martha, Martes ng gabi niya nakita ang wallet. Hindi man niya nakilala ang anak ni Aleng Martha nararamdaman niyang mabuting anak ito.
Hindi baleng ito ang mapahamak, huwag lang mawala ang mga kakailanganin ng sakitin nitong ina.