Halos Isumpa ng Bata na Palaging Sardinas ang Baon niya sa Eskwela; May Hatid Pala Itong Suwerte

Halos Isumpa ng Bata na Palaging Sardinas ang Baon niya sa Eskwela; May Hatid Pala Itong Suwerte

InspiringStoriesSuccess

“Sardinas na naman! Wala na po bang ibang ulam, inay?” malungkot na tanong ni Noli sa ina.

Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay palaging sardinas ang ulam nila. Kakarampot lang kasi ang kinikita ng inang si Aling Melba sa pagtitinda ng mga basahan kaya hindi sila makabili ng mas masarap na pagkain.

Mula nang maagang pumanaw ang ama ay mag-isa na siyang binubuhay ng ina. Ang sardinas na inulam nila kinagabihan ay baon pa niya kinabukasan sa eskwela kaya yamot na yamot siya tuwing papasok sa klase.

Isang araw, sa pagpasok niya sa silid-aralan ay narinig niya agad ang tawanan ng mga kaklase.

“Dumating na ang batang pinaglihi sa sardinas!” sabi ng isa niyang kaklase.

“Oo nga, e. Mangangamoy sardinas na naman ang buong classroom!” gatol ng isa pa.

Wala siyang mukhang maiharap sa mga kaklase dahil totoo naman ang sinasabi ng mga ito. Kilala na siya sa buong klase dahil sa araw-araw niyang pagbabaon ng sardinas.

Kapag sumasapit ang recess ay palihim siyang kinukutya ng mga kaklase dahil nakita na naman ng mga ito ang sardinas niyang ulam.

“Bakit ba naman kasi palaging sardinas na lang ang baon ko?” inis niyang sabi.

Maya maya ay nilapitan siya ng isa niyang lalaking kaklase at muli siyang inasar.

“Eww, si sardinas boy, o amoy sardinas na pati ang hininga!”

Sabay-sabay na nagtawanan ang iba pa niyang mga kaklase.

“Si Noli amoy sardianas ang hininga, si Noli amoy sardinas ang hininga!” tukso ng mga makukulit niyang kaklase.

Sa matinding hiya ay lihim siyang napaluha.

Pag-uwi niya sa bahay ay ikinuwento niya sa ina ang panunuksong ginawa sa kaniya ng mga kaklase.

“Inay, sobra na po ang panunuksong ginagawa ng mga kaklase ko! Ayoko na pong pumasok sa eskwela!” iyak niya sa ina.

“Tumahan ka na, anak. Hayaan mo na sila. Huwag mo lamang silang panisinin. Saka tigil-tigilan mo na ang pagrereklamo mo sa baon mong sardinas dahil buti nga at may nakakain pa tayo kahit na paano ‘di tulad ng ibang iba na halos walang makain,” sermon ng ina.

Hindi iyon ang inasahan niya na sasabihin ng ina. Akala niya sa sasabihin nito na ibibili siya ng mas masarap na pagkain na maaari niyang baunin sa eskwela ngunit bigo siya.

Alas singko pa lang ng umaga ay gising niya ngunit inaalipin siya ng katamaran dahil nga sa naranasan niyang panunukso nang nakaraang araw.

“Julieta, bumangon ka na riyan at may pasok ka pa!” sigaw ng ina.

Pinilit na lang niyang bumangon sa higaaan at padabog na pumasok sa banyo para maligo.

Habang naggagayak siya ay nakita niya kung ano ang baon niya sa araw na iyon. Napakibit-balikat na lang siya.

“Sardinas na naman! May bago ba?”  bulong niya sa sarili.

“Hoy, akala mo hindi ko nababasa iyang nasa isip mo? Hayaan mo, kapag malaki-laki ang kinita ko sa pagbebenta ng mga basahan ay bibili ako mamaya ng ulam kina Aling Nena para sa hapunan natin,” wika ni Aling Melba.

“Pareho rin naman, inay. Sardinas pa rin nang baon ko ngayon umaga!” nakasimangot niyang sabi.

Habang naglakakad ay napansin niya ang isang may edad na lalaki na tila nahihilo sa daan. Agad niyang itong nilapitan

“Okay lang po ba kayo, mama?” nag-aalalang tanong niya sa lalaki.

“Hindi pa kasi ako kumakain, kaya nakaramdan ako ng pagkahilo,” anito.

Pinaupo niya ang matanda sa gilid ng kalsada at iniabot rito ang dalang lunch box.

“Kainin niyo na po iyan,  para mawala po ang gutom niyo. Pagpasensiyahan niyo na po ang ulam ko, sardinas lang po kasi iyan.”

“Naku, salamat bata. Wala namang problema sa baon mo. Masarap nga iyang sardinas, e!” wika ng lalaki.

Nakita niya itong sarap na sarap sa pagkain ng baon niyang kanin at sardinas. Inialok rin niya rito ang baon niyang tubig. Nang mabusog na ang lalaki ay nagpasalamat ito sa kaniya.

“Salamat, hijo. Naku, naabala pa yata kita. Papasok ka pala sa eskwela? Ano nga pala ang pangalan mo at saan ka nag-aaral?”

“Opo, pero okay lang naman po ako. Hindi pa naman po ako huli sa klase. Ako nga po pala si Noli at nag-aaral po ako sa Mababang Paaralan ng Mabunga,” aniya.

“Ah, ganoon ba, hijo,” nakangiting tugon ng lalaki.

Nagpaalam na sa kaniya ang may edad na lalaki. Nagpaalam na rin siya rito at sinabing papasok na siya sa eskwelahan. Bago ito tuluyang umalis ay muli siya nitong sinulyapan.

Habang nasa klase ay bigla siyang ipinatawag ng kanilang Principal sa opisina nito. Pagpasok niya roon ay nagulat siya kung sino ang kasama ng kanilang Principal sa silid.

“Kayo po?”  gulat niyang tanong.

“O, Noli, maupo ka, hijo at may sasabihin ako sa iyo,” nakangiting sabi ng Principal.

“B-bakit po?”

“Nakilala mo na pala si Mr. Godinez, hijo? Siya ay  isang mayayamang negosyante na palaging nagbibigay ng donasyon sa ating paaralan. Sinabi niya sa akin ang kabutihan ginawa mo sa kaniya,” hayag ng Principal na si Mrs. Dimla.

Hindi makapaniwala si Noli sa sinabi ng Principal. Ang may edad na lalaking tinulungan niya’t binigyan ng pagkain ay isa palang mayamang tao.

“Lubos akong natutuwa sa kabutihan mo, hijo. Dito ka pala nag-aaral sa paaralan na napakalaki ng aking utang na loob. Dito rin ako nag-aral noon at nakapagtapos. Malaki ang naitulong ng paaralang ito sa akin kaya ibinabalik ko lang din ang tulong na nagawa nila sa akin kaya ako naging matagumpay. Dahil sa pagtulong mo sa akin kanina ay nais kong bigyan ka ng gantimpala. Bukod sa bibigyan kita ng scholarship na magagamit mo hanggang sa kolehiyo ay bibigyan ko ng negosyo ang iyong ina. Balita ko ay nagtitinda ng mga basahan ang iyong ina at hirap kayo sa buhay, kaya gusto kong tulungan kayo,” bunyag ng mabait na lalaki.

“Naku, maraming salamat po!” bulalas ni Noli sa masayang tono.

Hindi inakala ni Noli na sa maliit na pagtulong ay biglang magbabago ang buhay niya. Kung ‘di dahil sa sardinas na palagi niyang baon ay hindi niya makikilala si Mr. Godinez. Laking pasasalamat nilang mag-ina sa kabutihan ng may edad na lalaki sa pagtulong nito sa kanila. Napagtanto ni Noli na may hatid palang suwerte sa kaniya ang sardinas kaya mula noon ay hindi na siya nagrereklamo na iyon ang ulam niya kahit nakakaranas na siyang kumain ng masasarap na pagkain dahil sa malaki na ang kinikita ni Aling Melba sa negosyong ipinagkaloob sa kanila ni Mr. Godinez.

More Stories