Isang Pulis na Beki ang Palaging Minamaliit ng Kaniyang mga Kasamahan; Ito pa Pala ang Magliligtas sa Kanila sa Kapahamakan

Isang Pulis na Beki ang Palaging Minamaliit ng Kaniyang mga Kasamahan; Ito pa Pala ang Magliligtas sa Kanila sa Kapahamakan

InspiringStoriesSuccess

“Hoy!” Isang malakas na tapik ang iginawad ni Harold sa kapwa pulis na si Jashen. Mga bagong graduate pa lamang sila at ngayon ay nagte-training na upang sumabak sa tunay na trabaho.

“B-bakit?” malumanay na tanong naman ni Jashen na sinapo ang kaniyang nasaktang braso.

“Bakit ka nag-pulis?” natatawang tanong ni Harold sa kaniya, “siguro, pinilit ka lang ng erpats mo, ‘no?” Humalakhak din ang mga kaibigan ni Harold.

“Hindi, ah! Gusto ko talagang maging pulis!” agad namang sagot ni Jashen, “Bata pa lang ako ay ito na ang pangarap kong maging,” may paninindigang dagdag pa niya.

“Hindi ako naniniwalang ang isang lalambot-lambot at lalamya-lamyang beki na katulad mo ay gugustuhing maging pulis kung hindi lang siya pinilit ng erpats niya! Aminin mo na!” patuloy pang pambubuska ni Harold sa kaniya.

“Oh baka naman kaya ka nagpupulis ay dahil marami kang mati-tiyansingang fafa rito?” singit ng isa sa mga kabarkada ni Harold na naging dahilang muli ng kanilang hagalpakan.

“Kung ako sa ʼyo, sumali ka na lang sa mga beauty pageant. Hindi pangshokla itong pinapasok mong propesyon!” pahabol pa ni Harold.

Hindi na lamang pinansin ni Jashen ang kanilang mga sinasabi. Minabuti niyang lumayo na lamang sa mga ito upang maiwasan niyang makarinig ng mga ganoong salita mula sa kanila. Simula pa lamang nang magpasiya siyang tuparin ang pangarap niyang pagpupulis ay sangkatutak na pangungutya na mula sa kaniyang mga kapwa nagpupulis ang kaniyang dinanas.

Malamya, malambot, beki, binabae. Lahat na lang ng salitang pwedeng itawag sa kaniya ay narinig na niya, ngunit wala siyang pakialam. Sa paglipas ng panahon, nagsawa na rin siyang patulan ang lahat ng mga walang kuwentang pambubuska nila sa kaniya. Natuto na siyang maging bato sa bawat masasakit na salita. Natuto na siyang maging bingi at hindi paapekto.

Nagpatuloy ang ganoong gawain nina Harold at ng kaniyang mga kaibigan kay Jashen. Natutuwa silang maliitin ito, dahil lamang sa kaniyang kasarian, hanggang sa isang araw…

Unang sabak ng batch nila sa isang operasyon tungkol sa ipinagbabawal na gamot. Nagkaroon kasi ng biglaang engkuwentro sa isinasagawa nilang raid nang mga sandaling iyon sa isang kainan.

Mabilis at pawang mga propesyonal na ang kanilang mga kalaban kaya naman marami sa kanila ang nasugatan.

“Ayos ka lang ba, pare?!” pahiyaw na tanong ng kaibigan ni Harold sa kaniya nang bigla na lamang siyang bumulagta sa sahig pagkatapos tamaan ng bala.

Sa balikat ito tinamaan at marami nang dugo ang nabawas sa kaniya.

Hindi makasagot si Harold dahil kumikirot ang kaniyang sugat. Nasa ganoon pa nga silang posisyon nang tutukan sila ng baril ng isa sa kanilang mga nakaengkuwentro!

Mabilis ang mga pangyayari. Ang buong akala nila ay iyon na ang kanilang katapusan ngunit nabigla sila nang humandusay sa harap nila ang kalaban!

Dumating pala si Jashen upang sila ay iligtas!

Naging successful ang kanilang operasyon sa kabila ng aberyang nangyari dahil sa pagiging maagap at matalino ng kasamahan nilang noon ay palagi nilang minamaliit, binubuska at pinagkakaisahan dahil sa kasarian niya.

Nagkamali pala sila ng tingin kay Jashen!

“M-maraming salamat sa ʼyo, Jashen. Maraming-maraming salamat sa ginawa mong pagliligtas ng buhay namin. Kung hindi dahil sa ʼyo, malamang wala na kami.”

Halos umiyak si Harold sa pagpapasalamat kay Jashen, pati na rin ang mga kaibigan nito na ngayon ay yukong-yuko sa harapan niya. Hindi nila akalain na ang taong pinahihirapan nila ang siya pa palang magliligtas sa kanila.

“Ayos na ʼyon,” tipid na sagt ni Jashen sa kanila.

“Itatanong ko lang sana, Jashen. Bakit mo kami tinulungan? Chance mo na sanang gumanti noon sa amin—”

Hindi pa man natatapos sa pagsasalita si Harold ay agad na iyong pinutol ni Jashen. “Sa totoo lang, hindi na ako magpapaka-plastic sa inyo. Gusto ko kayong gantihan… pero tawag iyon ng tungkulin, e. Hindi ba, sabi ko naman sa inyo, pangarap kong maging pulis noon pa man? Iyon ang dahilan kung bakit iniligtas ko kayo.”

Simula nang araw na ʼyon ay lalong tumaas ang respeto ng kaniyang mga kasamahan kay Jashen. Napatunayan nilang hindi sa kasarian nakikita ang tatag, tapang at pagiging tapat sa serbisyo ng isang tao. Bukod pa sa pagiging magaling na pulis ni Jashen ay may mabuti rin itong kalooban.

Hinangaan si Jashen habang sina Harold naman ay natuto mula sa kaniya.

More Stories