Ginamit ng Binata ang Ipon ng Lolo para sa Kaniyang Sarili, Pampagamot Pala Ito ng Matanda

“Pare, bukas na tayo magpupunta sa Boracay, ha? May nahagilap ka na bang pera? Hindi ka pa nagbibigay sa ambagan natin para sa pagkain at panuluyan,” pagpapaalala ni Renz sa kaniyang kaibigan, isang araw nang magpasama siya rito mamili ng susuoting damit para sa kanilang outing.

“Oo nga, eh, hayaan mo, alam ko na kung saan tinatago ng lolo ko ‘yong alkansya niya. Panigurado marami-rami ang laman no’n dahil matagal na niyang tinatago at pinag-iipunan ‘yon,” nakangising sagot ni Jaymar na ikinakunot ng noo ng kaniyang kaibigan.

“Naku, baka naman may paggagamitan ang lolo mo sa perang iniipon niya. Matagal ko nang sinabi sa’yo na maghanap ka ng pagkakakitaan, eh, tapos ngayon pera ng lolo mo ang kukuhanin mo,” inis na tugon nito kaya siya’y bahagyang napaisip.

“Kaysa naman hindi ako makasama sa inyo! Pangako, pagkatapos ng outing natin, ibabalik ko ang ipon ng lolo ko. Idodoble ko pa kapag nakahanap ako ng magandang trabaho!” kumpiyansado niya pang sabi na ikinailing nito.

“Huwag mo sanang pagsisihan ‘yan. Kinakabahan ako sa gagawin mo, eh,” sambit pa nito saka tuluyang namili ng damit na bibilhin.

Ni minsan, hindi nawala sa mga gala ng kaniyang mga kaibigan ang binatang si Jaymar. Ginagawa niya talaga ang lahat upang huwag lamang mapag-iwanan. Gustong-gusto niya kasing palaging kasama ang mga ito kahit na gumastos siya nang malaking halagang pera.

At kung wala naman siyang pera, lalo na ngayong wala siyang trabaho dahil sa pandemya, naghahagilap siya ng mauutangan o magagastos na pera para lamang makasama. 

Kaya naman, ngayong muling nagkakayayaan ang kaniyang mga kaibigan na mag-outing sa Boracay at wala siyang mahagilap na pera, kaniyang napagdiskitahan ang alkansyang pinakatatago ng kaisa-isang taong kasama niya sa buhay, ang kaniyang lolo.

Advertisement

Laking tuwa niya nang maaktuhan niya ang paghuhulog ng barya nito sa naturang alkansya dahilan para malaman niya kung saan ito nakatago at doon mismo, siya’y agad na nagdesisyong kuhanin iyon para siya’y makasama sa kanilang outing.

Nang araw na iyon, pagkatapos niyang samahan mamili ang kaibigan, agad siyang dumiretso sa silid ng kaniyang lolo habang wala pa ito sa kanilang bahay. Sinimot niya ang naipon nitong pera at nang mabilang-bilang niya, halos hindi siya makapaniwala sa laki ng perang naipon nito.

“Dalawangpung libong piso? Diyos ko! Para saan naman ito gagamitin ni lolo? Mabuti pa, kuhanin ko muna itong lahat para hindi ako magipit sa Boracay!” wika niya saka agad na nilisan ang silid.

Dali-dali na rin siyang nag-empake ng kaniyang mga gamit at nagkulong sa kaniyang sariling silid upang huwag mapagbintangan ng matanda pag-uwi nito galing pagtitinda.

Kinabukasan, maaga siyang nagising upang magtungo sa tagpuan ng kaniyang buong tropa. Ni hindi na siya nagpaalam sa matanda upang maiwasan itong maghinala.

Pagdating niya roon, agad na silang dumiretso sa airport at doon na nagsimula ang maliligayang oras sa buhay niya.

Pagkalapag na pagkalapag nila sa Boracay, labis siyang nabusog sa naggagandahan at mga sexy na babae roon. Siya pa’y nagpakalango sa alak, nagpakasasa sa pagkain, at nakipaglambingan kung kani-kaninong babae roon gamit ang pera ng kaniyang lolo.

Hindi niya nilimitahan ang paggastos dahil nga ayaw niyang mapahiya sa mga babaeng kasama at mga kaibigan.

Advertisement

Hanggang sa lumipas na ang tatlong araw at sila’y muling uuwi sa kanilang lugar. Ni piso, walang natira sa kaniyang kinupit na pera dahil sa kaniyang labis na pagsasaya. Nagawa niya pa ngang mangutang ng bente pesos sa kaibigan pangpamasahe niya para sa lamang makauwi sa kanilang bahay.

Ngunit hindi niya inasahan ang tumambad sa kaniya pag-uwi niya. Nakita niyang nakahiga na sa sahig ang kaniyang lolo, bitbit-bitbit ang alkansya nitong walang laman.

“Hijo, dalhin mo ako sa ospital, hindi ko na kaya ang sakit. Nawala pa ang pera pangpagamot ko,” sabi nito bago tuluyang mawalan ng malay dahilan para siya’y labis na mataranta.

Kahit na walang kapera-pera sa kaniyang bulsa, agad siyang tumawag ng traysikel at nagtungo sa ospital karga-karga ang walang malay na matanda. 

Pagdating niya roon, siya’y lumuhod na sa mga doktor para lamang tanggapin ang kaniyang lolo. Nangako siya sa mga ito na agad na magbibigay ng pera dahilan para simula itong tingnan. 

Doon niya nalamang may matagal na itong iniindang sakit sa atay at doon niya labis na napagtantong ang perang iniipon pala nito ay para sa panggamot nito.

“Lolo, pasensya na, pinili kong magpakasaya gamit ang perang ipon mo. Pangako, ipapagamot kita,” iyak niya.

Wala na siyang sinayang na oras ng araw na iyon. Agad na niyang sinuyod ang kanilang buong lalawigan upang maghanap ng trabaho at sa kabutihang palad naman, kinaawaan siya ng isang mayamang Intsik na may-ari ng isang restawran doon kaya siya’y agad na pinagsimulang magtrabaho. 

Advertisement

Hindi man kalakihan ang sahod, ito’y pinagtiyagaan niya. Ginawa niya pa ang lahat upang makuha ang loob ng naturang Intsik hanggang siya’y pahiramin nito ng pera kapalit ng isang taong pagtatrabaho niya rito. 

Doon na niya tuluyang napaoperahan ang kaniyang lolo na labis niyang ikinatuwa. Mahaba pa man ang mga araw na ibabayad niya sa inutang niyang pera, masaya siyang makitang unti-unting lumalakas ang matandang nagpalaki at umaruga sa kaniya.

“Pangako, magsisikap pa ako, lolo. Ayos nang mapag-iwanan ng tropa, huwag mo lang akong iwan,” sabi niya pa rito saka niya ito mahigpit na niyakap.