Inday TrendingInday Trending
Parehong Abala ang Magkasintahan sa Kani-Kanilang Trabaho; May Happy Ending Kaya ang Love Story Nila

Parehong Abala ang Magkasintahan sa Kani-Kanilang Trabaho; May Happy Ending Kaya ang Love Story Nila

No’ng niligawan ni Marcial si Lovi ay alam na nilang dalawa na mahihirapan silang ibigay sa isa’t-isa ang normal na ginagawa ng magkasintahan. Dahil sa kaniya-kaniyang propesyon sa buhay.

Seaman si Marcial, habang guro naman si Lovi. Laging wala sa bansa si Marcial dahil naglalayag siya sa kung saan-saang bansa. Si Lovi naman ay laging nakaharap sa kaniyang mga lesson plan, upang may maituro sa kaniyang mga estudyante.

Kaya una pa lang ay binabaan na ng dalawa ang expectations nila sa isa’t-isa. Kapag may oras si Marcial na tawagan siya’y masaya na siya roon, at gano’n rin naman si Marcial. Kapag nagpuyat si Lovi para lang makausap siya’y malaking bagay na iyon sa kaniya.

“Kumusta na nga pala kayo ng nobyo mong seaman, Lovi?” tanong ni Sandra ang co-teacher ni Lovi.

“Ayos lang naman ma’am. Sa awa ng Diyos, kami pa rin naman,” ani Lovi.

“Baka naghanap na iyon ng iba doon sa barko. Balita ko gano’n daw ang kalakaran sa barko, kapag inabot ka ng lib*g ay may mga babae namang willing magpagamit,” wika ni Sandra.

Napangiwi naman si Lovi dahil sa sinabi ni Sandra. “Kahit saan naman Ma’am Sandra, kapag malib*g ka talagang tao makakagawa ka talaga ng kasalanang hindi dapat. Malaki naman ang tiwala ko kay Marcial, sapat na iyon upang hindi ko praningin ang sarili ko,” nakangiting wika ni Lovi.

“Tama ka d’yan Ma’am Lovi, huwag mong praningin ang sarili mo. Jusko! Hindi pa naman kayo mag-asawa, magkasintahan pa lang kayo. Kaya hayaan mo siya. Isipin mo hindi siya kawalan kapag ginawan ka niya ng mali,” singit ni Ma’am Alexandra.

Isang tawa at iling na lamang ang isinagot ni Lovi sa kaniyang mga co-teachers.

Mahirap naman talagang magtiwala lalo na’t napakalayo ni Marcial sa kaniya. Sa isang taon ay nagkakasama lang sila ng nobyo kaya bababa ito sa barko. Pagkatapos ng tatlong buwan ay sasampa itong muli at halos isang taon muli ang aantayin niya upang makasama ito.

“Hello love kumusta ang araw mo?” Nakangiting tanong ni Marcial kay Lovi.

Tuwing gabi naman ay malimit na tumatawag si Marcial at nag-vi-video call sa kaniya hanggang sa makatulugan niya ito.

“Maayos lang naman love. Nakakapagod pero masaya naman ako lalo na sa mga makukulit kong estudyante,” aniya.

“Gano’n rin dito sa barko. Nakakapagod. Lagi ko ngang naiisip na sana nandito ka,” wika naman ni Marcial.

Halos gano’n lagi ang usapan nila. Minsan nga’y nauubusan na sila ng mapag-uusapan. Ngunit hindi pa rin ginawa ni Marcial na hindi siya tawagan. Iyon na lamang ang paraan upang maging konektado sila sa isa’t-isa.

Ngunit bigla na lang hindi tumawag si Marcial sa kaniya. Kapag naman tatawagan niya ito’y hindi rin niya matawagan. Nag-aalala na siya, ngunit naroon pa rin ang tiwala niya. Hindi lang isang araw na hindi siya tinawagan ng nobyo, pang-apat na araw na.

“Naku! Baka nagsawa na iyong si Marcial?” Wika ni Sandra.

“E ‘di wow! Sa tagal ng relasyon niyo ngayon pa magsasawa?” Segunda ni Alexandra.

“Oyy! Wala kaya sa tagal iyan. Kapag nagsawa, magsasawa talaga,” wika naman ni Geraldine.

“Baka naman naging abala lang si Marcial, Lovi. Huwag kang maniwala sa mga sinasabi ng mga iyan. Kapag totoong nagsawa na sa’yo si Marcial, siguro naman ay magpapasabi iyong tao. Ang bastos naman kung bigla-bigla na lang mawawala,” wika ni Alexandra.

“May tiwala naman ako kay Marcial, Ma’am Alexandra. Alam kong hindi niya magagawa ang mga bagay na naiisip ko,” aniya. Kahit ang totoo ay natatakot na rin siya.

Paano nga kung nagsawa na ang nobyo sa palaging nangyayari sa pagitan nila? Paano kung ayaw na pala nito, hindi nga lang nito masabi sa kaniya ang totoo? Hmm, ang hirap naman pala ng relasyong LDR, kapag may problema kayo ay hindi niyo magawang kausapin ang isa’t-isa, dahil sa milya-milya ang layo niyo.

Matamlay si Lovi at tila ang bigat ng kaniyang katawan. Wala siya sa mood at parang nais niyang humagulhol ng iyak. Kahit chat o text ay wala man lang siyang natatanggap galing kay Marcial.

“Anak, bakit ang tamlay-tamlay mo naman yata?” Sita ng kaniyang inang si Lolit.

“Pagod lang ako mama,” aniya at dere-deretsong pumasok sa sariling silid na sa kaniyang pagkagulat ay naroon ang lalaking kanina pa niya hinihintay ang text at tawag. “Marcial?”

“Surprise, love!” Masayang wika ni Marcial abay yakap sa nobyang tila nakakita ng multo.

Hindi napigilan ni Lovi ang mapahagulhol ng iyak. Ang buong akala niya’y magtatapos na ang relasyon nilang dalawa sa pamamagitan ng hindi nito pagpaparamdam.

“Oh, bakit ka umiiyak?” Takang tanong ni Marcial.

“Akala ko kasi nakikipaghiwalay ka na sa’kin kaya hindi ka na nagparamdam,” humihikbing wika ni Lovi.

“Ayy, sorry love. Marami kasi muna akong inasikaso bago ko gustong magpakita sa’yo. Kasi gusto ko bago pa man ako sumampa ng barko at magpakasal muna tayo. Magpapakasal ka ba sa’kin, Lovi?” Seryosong tanong ni Marcial.

“Siguro’y sapat na ang pitong taon nating relasyon upang bumuo na tayo ng sarili nating pamilya. Naisip ko na ikaw na talaga ang babaeng para sa’kin, dahil mahal na mahal kita at hindi ko kayang mawala ka. Ang tanong ay gano’n rin ba ang nararamdaman mo para sa’kin?” Dugtong ni Marcial.

“Iiyak ba ako ng ganito kung hindi kita mahal, Marcial?”

“Ay. Sorry naman. Basta wala nang bawian iyan ah! Magpapakasal ka sa’kin,” ani Marcial saka mariin na hinalikan ang nakaawang na labi ni Lovi at mahigpit na niyakap.

Mali pala ang akala ni Lovi. Kaya sa isang relasyon ay mahalaga talaga ang pagtitiwala. May happy ending din pala para sa isang seaman at teacher.

Advertisement