Umikot na ang Buong Buhay ng Binata sa Paglalaro ng Online Game; May Sukli Iyon sa Kaniyang Kalusugan
“Mama, utusan mo nga iyang bunso mong anak na si Ramiel oh! Lagi na lang ‘yang nakaharap sa selpon niya! Hindi namin nauutusan iyan rito,” inis na wika ni Rosalyn ang pangalawang anak.
“Ikaw ang ate hindi mo man lang magawang utusan ang kapatid mo!” Singhal rin ni Linda ang kanilang ina.
“Matigas ang bungo niyan e!”
“Ramiel, ano ganyan ka na lang palagi? Hindi ka na titigil d’yan sa paglalaro mo sa selpon mo?!” Inis na kausap ni Linda sa anak.
“Kasi naman e! Nakikitang naglalaro ‘yong tao, panay utos. Ano ba ‘yon?” Nakabusangot na wika ni Ramiel.
“Ikaw Ramiel, umayos ka d’yan ah! Bakit napapakain ka ba niyang pagpapalaro mo maghapon, magdamag d’yan sa selpon mo? Wala ka nang inatupag na put*ang ina ka kung ‘di iyang selpon mo. Kapag ako nainis d’yan babasagin ko talaga iyang hayop na selpon na ‘yan sa harapan mo!” Nanggagalaiting wika ni Linda sa anak.
“Ano ba kasi ‘yon?!” Maktol pa ni Ramiel.
Single mother si Linda at meron siyang apat na anak. Dalawang babae at dalawang lalaki. Ang panganay na si Erwin ay may trabaho, siya ang kaagapay ni Linda sa mga gastusin sa bahay. Si Rosalyn naaman ay paraket-raket ng pagtitinda ng mga RTW at siya ang nagbabantay sa dalawang nakababatang kapatid.
Isang gabing tulog na ang lahat ay nagulat na lang si Rosalyn nang makita niyang nanginginig si Ramiel. No’ng una’y inakala niyang nilalamig lang ito, ngunit habang tumatagal ay lumalala angpanginginig nito, dahilan upang mabahala na siya.
“Hoy Ramiel!” Tawag niya sa kapatid ngunit mas lalo siyang natakot ng makitang tumitirik ang mga mata ni Ramiel, habang lumalala ang panginginig nito.
Hinawakan niya ang katawan ni Ramiel, ngunit ang lamig-lamig nito na animo’y bangk*y. Nagsimula na siyang mataranta! Ano ang nangyayari sa kaniyang kapatid?
“Mama! Kuya! Si Ramiel, hindi ko na siya maintindihan!”
Nahihintakutan niyang sigaw na parang gusto na niyang humagulhol ng iyak. Kanina pa niya tinatawag ang pangalan nito ngunit wala siyang nakukuhang sagot kung ‘di ang grabeng panginginig ng katawan.
Nang makita niyang bumula na ang bibig ni Ramiel ay hindi na niya napigilang sumigaw ng malakas. “Mama! Si Ramiel,” aniya saka umiyak ng malakas.
Wala na ring pulso si Ramiel ng binuhat ito ng Kuya Erwin niya. Malamig na ang katawan nito at lupaypay na tila wala ng buhay. Iyak nang iyak so Rosalyn, habang isinusugod nila papuntang ospital ang bunsong kapatid.
Makalipas ang tatlong oras ay saka lamang nila nakausap ang doktor na tumingin kay Ramiel.
“Ayos na po ang kapatid niyo ngayon. Overfatigue at dehydrated po siya. Muntik nang matuyuan ng tubig ang utak niya dahilan kaya mangisay siya nang gano’n katindi. Mabuti at nadala niyo siya kaagad rito sa ospital,” wika ni Doctora Santibañez.
“Ano po ba ang naging dahilan kung bait siya nagka-gano’n doktora?” Tanong ni Erwin.
“Actually, very rare ang ganitong sitwasyon ‘no. Mostly ang nakikita naming dahilan ay iyong laging pagpupuyat, kawalan ng tamang tulog at kakulangan ng sapat na tubig sa katawan.
Ang mai-aadvice ko po sana ay ugaliin ang malimit na pag-inom ng tubig at matulog sa tamang oras. Minsan kasi napapabayaan na natin ang katawan natin.
Hindi natin iniisip na may mga saktong pangangailangan rin ang ating katawan upang gumana ng maayos ang mga cell natin sa loob. Isipin niyo nga ang selpon kailangang i-recharge kasi nalo-lowbat.
Ang electric fan kapag na sobrahan sa paggamit, pumuputok. Gano’n rin po ang katawan ng tao. Iyon lang naman po. Tamang tulog at maraming tubig. Iyon ang pinakamahalga,” mahabang paliwanag ni Doktora Santibañez.
“Maraming salamat po doc,” ani Erwin, saka nagpaalam ang doktora.
Kinabukasan ang pinayagan na silang makauwi. Nanghihina pa rin ang katawan ni Ramiel at medyo tulala pa rin ito. Hindi naman siya pinapabayaan ni Rosalyn. Pinapakain siya sa tamang oras at binabantayang maigi.
Simula sa araw na iyon ay hindi na nila pinayagan si Ramiel o kahit si Anna ang pangatlong kapatid nila na magdamag na humawak ng selpon. Isang malaking aral na sa kanila ang nangyari kay Ramiel.
Habang lumilipas ang mga araw ay unti-unti na rin namang bumabalik ang sigla ni Ramiel. Nasa tamang oras na itong kumain at matulog at laging pinapaalalahanang uminom ng tubig. At kahit si Ramiel mismo ay parang nagkaroon ng trauma sa selpon.
Isang aral si Ramiel para sa mga kabatataang panay ang harap na lamang sa selpon. Halos ayaw nang gumalaw, kumain, uminom ng tubig at matulog kasi ayaw na maputol ang kinababaliwang laro.
Lahat ng bagay ay nasisira kapag hindi mo ito inalagaang mabuti.