Maagang gumising si Mang Pando para ayusin ang traysikel na gagamitin niya sa pamamasada. Hindi ito tulad ng traysikel na may iba’t ibang ilaw na disenyo o kaya ay traysikel na nagkikintaban sa pagkabago.
Ang traysikel ni Mang Pando ay kalawangin at halos ngangarag-ngarag na. Nakakarindi ang ugong nito kaya mapapatakip ng tainga ang kung sino mang sasakay rito⏤kaya madalas ay wala talaga siyang pasahero.
Minsan sa isang araw ay isa hanggang tatlo lamang na pasahero ang sumasakay sa kaniyang pang-pasaherong traysikel. Sa kita na dalawang daan ay ayos na sa kaniya basta may makain ang kaniyang apo bago matulog sa gabi.
Mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang apong nasa edad na walo. Simula nang ipanganak ito ng anak niya ay hindi na nagpakita pa sa kaniya. Ang kaniyang asawa ay sumakabilang buhay na rin sa edad na apatnapu.
Tuwing namamasada si Mang Pando ay sa kapitbahay niya iniiwan ang apong si Markus.
“Nasira ka na naman,” may bahid ng lungkot sa boses ni Mang Pando. Paniguradong mahihirapan lalo siyang makakuha ng pasahero. Kinalikot niya ang kadenang naalis at saka nilagyan ng langis, palaging ganoon ang ginawa niya dahil wala siyang maaaring pampalit.
Maya-maya ay may isang matangkad na lalaki ang nagtanong sa kaniya.
“Manong, namamasada ho kayo?” magalang na tanong ng lalaki. Matipuno ang katawan nito, may hitsura at kagalang-galang ang dating sa kulay pulang polo at maong na pantalon habang kulay itim na sapatos ang pang-paa.
“Oo iho, kaso masakit sa tainga ang tunog ng traysikel ko.” Nagpunas ng kamay sa malinis na damit si Mang Pando na sadyang nakalagay sa kaniyang traysikel.
“Ayos lang ho iyon, walang problema. Mainit na ho at gusto ko na rin makauwi,” tugon ng lalaki kay Mang Pando.
Sa halip na sa loob ng traysikel umupo ay tumabi ang lalaki kay Mang Pando. Sinabi ng lalaki ang tirahan na bababaan niya kay Mang Pando bago nagsimula ang biyahe.
Habang nasa biyahe ay kinakausap ng lalaki ang matanda. Masaya niyang inalam kung ilang taon na itong namamasada, sinong kasama sa bahay, ilang taon na at kung ano-ano pa.
Nang makarating na sa ibinigay na lugar ay bumaba na ang lalaki. Halos kalahating oras na biyahe rin iyon at malayo-layo. Kinapa ng lalaki ang bulsa ng pantalon ngunit wala roon ang pera niya. Hinalungkat na rin niya ang bag pero wala pa rin.
Napapakamot sa ulo ng lalaki.
“Manong, malayo pa po kasi rito ang bahay ko. Papasok pa roon sa makitid na daan tapos may lilikuan pa kaya hindi ko rin basta-basta maibibigay sa ‘yo ang pamasahe ko,” mahabang paliwanag ng lalaki.
“Ayos lang ‘yon, iho. Ang mabuti ay ligtas kang nakauwi sa inyo.” Napatulala ang lalaki sa kabutihan ng matanda.
“Talaga ho? Marami pong salamat.”
“Walang anuman.” Pinaandar na ni Mang Pando ang kaniyang lumang sasakyan. Bago siya makaalis ay tinanong ng lalaki ang tirahan ng niiya na sinagot naman ni Mang Pando.
Nagbigayan ng paalam ang dalawang estranghero sa isa’t isa.
Halos alas-sais na nakauwi si Mang Pando sa kanilang tagpi-tagping bahay. Masaya siyang sinalubong ni Markus na naghahanap ng pasalubong.
“Limang tsokolateng tinapay ang pasalubong ni Lolo!” masiglang wika ni Mang Pando sa apo.
Nagtatatalon sa saya ang bata sa munting pasalubong ng kaniyang lolo. Kinain niya iyon samantalang naghain ng naman ng kanin at ulam si Mang Pando kahit nananakit na ang katawan.
“Lolo, magta-traysikel ka uli bukas?” Panay ang kain ni Markus habang ang tingin ay nasa matanda.
“Baka hindi apo. Magpapahinga si Lolo dahil sumasakit ang katawan.” Napangiti si Markus dahil iyon naman ang nais niya, huwag na mag-trabaho ang kaniyang lolo.
Kumain na ang dalawa. Itinabi ni Markus ang apat na piraso ng tinapay para bukas ay maroon pa siyang kakainin at hindi na kailangang ibili pa ng kaniyang lolo.
Kinaumagahan, nagising ang mag-lolo sa hindi kanais-nais na ingay ng traysikel. Kusot-kusot ang nanlalabong mata ay lumabas siya upang malaman ang nangyayari.
Nanlaki ang mata ni Mang Pando sa nakitang bagong traysikel sa harap ng bahay niya. Naroon sa tabi nito ay nagpapaingay na walang iba kung hindi ang estrangherong lalaki na isinakay niya kahapon.
Nilapitan siya nito at inilagay sa palad ang susi para sa magarang traysikel.
“Bilang pasasalamat sa kabutihan mo, sana po ay tanggapin mo ang bayad ko para kahapon. Huwag mo na po sanang tanggihan dahil karapat-dapat kang makatanggap niyan.” Maluha-luha si Mang Pando sa sinabi ng lalaki.
“Maraming salamat. Sobrang salamat.” Niyakap ng lalaking nagpakilalang Vincent si Mang Pando.
“Walang anuman.”
Sinubukan ni Mang Pando ang bagong traysikel. Napakasaya niya na matupad ang hiling na mapalitan ang lumang sasakyan at sa wakas, tinupad ng estrangherong pasahero ang kaniyang hiling.