Inday TrendingInday Trending
Tanggap na ng Babaeng Ito na Wala nang Magkakagusto Sa Kanya Dahil Isa Siyang Separada, Isang ‘Di Inaasahang Sorpresa Ang Kanyang Matatanggap

Tanggap na ng Babaeng Ito na Wala nang Magkakagusto Sa Kanya Dahil Isa Siyang Separada, Isang ‘Di Inaasahang Sorpresa Ang Kanyang Matatanggap

Nang makatapos ng kolehiyo si Lourdes, tinanggap niya ang alok ng kanyang tiyahin na mangibang bansa at magtrabaho sa Canada. Panganay sa magkapatid ang dalaga kaya’t ang pangingibang bansa ang kanyang naging sagot para mabilis na makatulong sa magulang niya na paaralin ang isa pa niyang kapatid.

Limang taong nagtrabaho si Lourdes doon bilang isang nurse. At sa loob ng limang taon na iyon ay napatapos niya ang kanyang kapatid.

Dahil sa hiling na hindi niya matanggihan ay napauwi ang dalaga para sa araw ng pagtatapos ng kanyang kapatid.

Isang araw, habang siya ay nag-eempake ng mga gamit niya pabalik ibang bansa, pumasok ang kapatid niya sa kanyang kwarto.

“Sana ate, pagbalik mo ulit ng Pilipinas, may boyfriend ka na,” pagbibiro ng kanyang kapatid. Natawa na lamang din ang kanyang ina na nakikinig pala sa kanilang pag-uusap.

“Oo nga anak. Tama ang kapatid mo,” dagdag ng kanyang ina.

“Nagpapasalamat kami sayo dahil tinulungan mo kami mapatapos si bunso. Pero ngayon, sana ay ang sarili mo naman ang bigyan mo ng importansya. Ayaw ko kayang tumanda kang dalaga,” pang-aasar ng kanyang ina.

“Eh alam mo naman ako ma, kung ikakaloob sa akin, go lang. Pero hindi ako maghahanap. Ang saya kaya maging single,” natatawa niyang sagot.

At matapos lamang ang isang buwang bakasyon ay bumalik na siya sa Canada.

Palagi niyang naiisip ang usapan niyang yun kasama ang kanyang kapatid at ina. Kaya’t hinayaan niya ang sarili niyang maging bukas sa manliligaw. Hindi naman nag-tagal ay nalaman niyang nagkakagusto pala sa kanya ang isang kaopisina niya na foreigner.

Dahil iba ang kaugalian sa ibang bansa, hindi na nila kailangang magligawan pa ng napakatagal. Sila’y nagkamabutihan at kinalaunan ay naging maging nobyo.

Mabait si John, matalino at ramdam naman ng dalaga na mahal na mahal siya kaya’t nang siya’y inalok ng kasal, ay pumayag rin si Lourdes.

Ngunit, dalawang taon pa lamang silang kinakasal ay unti-unti na niyang hindi nakikilala ang napangasawa. Nawala ang dating mabait at maalagang John at dumating pa sa punto na nasasaktan siya nito.

Naging tama ang kanyang hinala dahil nahuli niyang may ibang babae ang kanyang asawa – sa mismong bahay pa nila!

Hindi siya nagdalawang na iwanan si John. Nang nakipag-divorce si John ay iyon na rin ang naging hudyat ni Lourdes na umuwi na nang Piipinas.

“Ayoko na rito sa Canada. Tuwing ako’y bumabangon sa umaga ay sakit lamang ang naaalala at nararamdaman ko,” aniya sa sarili.

Pag-uwi niya ng bansa ay nagdesisyon siyang magsimulang muli.

Para pansamantalang makalimutan ang mga nangyari ay ginugol niya ang halos lahat ng kanyang oras sa pagtatrabaho.

Nagkaroon siya ng mga kaibigan sa ospital na kanyang pinagtatrabahuan. Sila ang naging dahilan kung bakit unti-unti ay nakakabangon siya sa lahat ng masamang nangyari sa kanya noon.

Kung minsan ay hindi maiwasan na tuksuhin siya ng mga kaibigan na mag-asawa ulit.

“Ano ka ba naman Lourdes, bata ka pa, wag mong lagyan ng tuldok agad ang kwento ng buhay mo,” sabi ng kanyang kaibigan.

“Anong bata ang sinasabi mo dyan? Eh 31 na ako. Lahat kayong mga kaibigan ko ay may asawa at anak na. Tatanda na akong dalaga,” sagot niya.

“Naku ha? Wag ka ngang ganyang Lourdes. Basta ay buksan mo lang ang puso mo dahil mayroon pa ring darating na totoong magmamahal sayo,” sagot ng kanyang kaibigan.

“Narinig ko na ‘yan eh. Huling beses na binuksan ko ang puso ko, kinasal ako sa lalaking lolokohin lang pala ako. Ang hirap na rin umasa eh, kaya hinahanda ko nalang rin ang sarili ko,” ani ni Lourdes.

Hindi na sumagot pa ang kanyang kaibigan. At doon niya naisip, handa nga ba siya kung sakaling tatanda siyang dalaga? Bigla na lamang siyang naiyak, sa lungkot, kung ito man ay ang tunay niyang kapalaran.

Ngunit isang araw, isang sa kanyang mga kaibigan ang lumapit sa kanya na may dalang rosas at isang sulat.

“Lourdes! Lourdes! Halika rito tingnan mo ito oh!” sabi ng kanyang kaibigan habang mabilis na papalapit sa kanya.

“Wow naman! Sino ang nagbigay sayo niyan?” nakangiting sagot ni Lourdes.

“Hindi sakin to ‘no. Sayo ‘to! May nag-iwan nito sa nurse station kanina, tapos nakalagay ang pangalan mo!” aniya.

Nakita nga ni Lourdes ang sulat kung saan nakalagay ang pangalan niya. Nang binuksan niya ang mensahe, ito ang nakalagay:

“Lourdes, matagal na kitang katrabaho ngunit kahit kailan hindi ako magkaroon ng lakas ng loob na kausapin ka. Matagal na kitang gusto at sana mabigyan mo ako ng pagkakataon na ipakilala ang sarili ko sayo. Dadaanan kita sa station mo mamayang alas siyete ng gabi para sana sa isang dinner date na hinanda ko para sa’yo. – Vince”

“Si Vince???” gulat na pagkakasabi ni Lourdes.

Nagulat rin ang mga kaibigan ng babae na nakikichismis sa gilid niya, pero sabay-sabay rin silang napatili sa kilig.

Kilala na ni Lourdes si Vince matagal na. Nagkakausap lang sila kapag tungkol sa trabaho dahil minsan parehas sila ng oras ng pasok. Tahimik na binata si Vince ngunit mabait at may itsura ito.

Mas matanda nga lang ng tatlong taon si Lourdes kaysa sa kanya.

Dahil alam niyang maayos na tao si Vince ay pumayag siya sa alok na dinner date nito.

Kinagabihan ay dumating ang binata sa kanyang station sa oras na ipinangako.

“Magandang gabi, Lourdes,” nakangiti at nahihiyang sabi ni Vince.

“Hello, Vince,” nahihiyang sagot rin naman ni Lourdes.

Nagkatinginan at natawa sila dahil parehas silang nahihiya sa isa’t isa na parang mga high school na estudyante.

“Handa ka na bang umalis?” pag-aya ni Vince.

“Sige, tara.”

Iyon ang naging simula ng kanilang pagkakaibigan.

Naging masaya ang puso ni Lourdes sa piling ni Vince. Siya’y nagpapasalamat sa binata dahil hindi siya sinukuan nito kahit kung minsan ay nahihirapan siyang magmahal muli.

Nakita ni Lourdes kung paano buong pusong tinanggap ni Vince ang kanyang nakaraan sa dati niyang asawa.

Dahil sa pagpupursige ni Vince, matapos ang ilang buwan, ay nakamit niya rin ang matamis na oo ni Lourdes para maging nobya niya ito. Hindi na rin malabo ang sila ay magpakasal sa darating na panahon.

Advertisement