Inday Trending

Inday Trending

Isang Labandera ang Nagbulsa ng Kwintas na Nakuha sa Maruming Damit, Matinding Karma ang Balik Nito sa Kanya

Isang Labandera ang Nagbulsa ng Kwintas na Nakuha sa Maruming Damit, Matinding Karma ang Balik Nito sa Kanya
KarmaStories

Matagal nang nagtatrabaho bilang labandera sa isang kilalang laundry shop si Aling Celia. Kahit pa maayos ang kita ng kanyang mister na si Mang Berto bilang isang jeepney driver, kinakailangan pa ring magtrabaho ni Aling Celia upang mapagtapos ng pag-aaral ang dalawa nilang anak na sabay pang pumasok ng kolehiyo.

“Mama, aalis na po kami ni ate. Paalala ko lang po ha? ‘Yong pambayad po sa mga libro namin, kailangan na raw po bukas,” malambing na sabi ng bunsong si Mildred.

“Kay Mildred na lang po, mama. Nakahiram po ako ng lumang libro mula sa mga kaibigan ko. ‘Yong pambayad na lang po sa gagamitin namin para sa thesis,” sagot naman ng panganay na si Jenelyn.

“Ganoon ba? O sige, gagawan ko ng paraan. Mahina kasi ang kita ng papa niyo ngayon dahil sa mahal ng gasolina. Pero sige, huwag kayong mag-alala at makakabayad tayo,” sagot naman ni Aling Celia.

Nagpasalamat naman ang dalawa, at sabay na humalik sa kanilang ina bago umalis upang pumasok sa eskwela.

Kahit pa mahirap ang buhay, gagawin ni Aling Celia ang lahat upang mapagtapos ng pag-aaral ang dalawa niyang mga anak.

Isang mainit na tanghali, habang nagsasalang si Celia ng mga labahin sa mga washing machine ay isang pawisang lalaki ang pumasok sa kanilang laundry shop.

“Good afternoon, sir. Magpapalaba ho kayo?” magalang na tanong ni Celia.

“Ah- eh, oo. Heto, isang libo. Labhan mo ‘yan at babalikan ko na lamang bukas,” sagot ng lalaking tumatagaktak ang pawis at tila ba kinakabahan.

Kinuha ni Celia ang isang maliit na supot na naglalaman ng ilang pirasong damit, at napansin niyang hindi pa aabot sa isang kilo ang lahat ng iyon.

“Heto ho ang sukli ninyo…” wika ni Celia habang binibilang pa sa kamay ang pera. Ngunit nagulat siya nang makitang wala na ang lalaki.

“Nagmamadali ata. Ayos ‘to, dagdag sa pambili ng libro ni Mildred,” bulong niya sa sarili.

Maya-maya pa ay sinimulan na niya ang paglalaba sa iilang pirasong damit na dala ng lalaki. Nang baliktarin niya ang shorts na tila pambabae, isang kumikinang na gintong kwintas ang kanyang nakapa. Agad nanlaki ang kanyang mga mata dahil mayroon din itong malaking diyamante sa gitna.

“Wow! Ano ‘to, nakalimutan?” bulong niya sa sarili habang nakatitig sa kwintas.

“Ay, ano ba ‘yan! Ang baboy naman. Sa nobya niya siguro ito!” napasigaw siya nang mapansin ang buo-buong dugo na nakapalibot sa shorts na lalabhan niya.

Gayunpaman, hindi niya na ito inintindi dahil sa ilang taong pagtatrabaho doon ay sanay na siya na may mga nagpapalaba ng mga damit na mayroon pang tagos ng dugo galing sa iilang mga babaeng dinadatnan ng kanilang buwanang dalaw. Hindi nagdalawang-isip si Celia na ibulsa ang kwintas upang ibenta.

Dumiretso agad sa bentahan ng alahas si Celia matapos ang kanyang trabaho. Nanlaki ang mata niya sa perang iniabot sa kanya.

“P30,000?!” sigaw ni Celia sa nagbebenta.

“Oo, napakagandang klase niyang kwintas na ‘yan,” sagot ng nakangiting negosyante. Alam niyang mahigit pa roon ang halaga ng kwintas.

Masayang umuwi si Celia sa kanyang bahay dala ang malaking halaga. Agad niyang inabutan ng pera ang dalawang anak, at pati na rin ang kanyang asawa. Bigla rin itong nagyayang kumain sa isang mamahaling restawran na hindi pa nila nakakainan. Kaya naman labis ang pagtataka ng kaniyang mga anak at asawa.

“Mama, sigurado ka bang dito tayo kakain? Mahigit dalawang libo riyan kada isang tao!”

“Oo! Ako na ang bahala. Nakakubra si mama. Sinuwerte lang!”

Matapos noon ay pumunta pa silang mall, at namili ng kung ano-ano. Aircon, bagong TV, pati na rin bagong mga damit para sa kanilang apat. Labis ang saya ng kanilang pamilya noong gabing iyon. Ngunit lahat ay nagbago nang dumating ang kapulisan kinabukasan sa trabaho ni Celia.

“Manang? Nakita ho naman sa mga CCTV na rito dumiretso ang suspek kahapon ng tanghali. Napag-alaman din namin na naroon sa mga damit na iniwan niya rito ang kwintas,” wika ng pulis kay Celia.

Namutla naman si Celia sa kanyang narinig. Bukod sa pagtataka kung bakit suspek ang tawag sa lalaking dumaan kahapon, takot na takot din siya dahil winaldas na niya ang perang pinagbentahan nito.

“Ha? Suspek? Ano ho bang sinasabi ninyo?” tanong ni Celia.

Ipinaliwanag ng pulisya ang nangyari. Ang lalaki pala kahapon ay napag-alamang nanloob sa bahay ng isang napakayamang babae. Ang shorts na nalabhan niya na punong-puno ng dugo na inakala niya ay buwanang dalaw, ito pala ay ang dugo mula sa kutsilyo na isinaksak ng lalaki sa kawawang biktima. Sa pagmamadaling maglinis ng mga ebidensya, nadampot nito ang isang shorts at doon ipinahid ang dugo mula sa kutsilyo. Wala siyang kaalam-alam na may kwintas sa loob ng shorts na iyon.

Sa kabutihang palad ay nakaligtas naman ang biktima mula sa pagkakasaksak sa kanya. Nahuli rin naman agad ang magnanakaw at nakapiit na sa kulungan. Ngayon ay nagbibigay pala ito ng pabuya na nagkakahalagang isang milyong piso sa taong makakapagbalik ng kwintas na iyon. Tuluyang namutla si Celia dahil hindi niya alam ang isasagot sa mga pulis.

Mabuti at natauhan si Celia, at naisipang magsabi na lamang ng katotohanan. Agad nagpunta ang mga pulis sa negosyanteng kanyang napagbentahan, at agad namang nakuha ang kwintas kapalit ng isang milyon.

Labis ang pagsisisi ni Celia. Isang milyon na ay naging bato pa, kung sana ay naging matapat lamang siya at hindi nang-aangkin ng hindi kanya ay napasakanya na ang napaka-laking pabuya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

More Stories