Inday TrendingInday Trending
Pinagpanggap ng Babae ang Binasted Niyang Lalaki Noon Para Maging Nobyo; Ikinagulat Nito ang Dahilan Niya

Pinagpanggap ng Babae ang Binasted Niyang Lalaki Noon Para Maging Nobyo; Ikinagulat Nito ang Dahilan Niya

Sa complaint department ng isang kilalang kumpanya sa Makati nagtatrabaho si Clarence.

“Ma’am, kung kaunting gasgas lang ho iyan, eh, madali nating mariremedyuhan ‘yan,” sabi niya sa kustomer na kausap niya sa telepono.

“Eh, bakit natin? Bakit pati ako’y isasangkot mo sa kawalang ingat ng nagdedeliber?” galit na sagot ng ginang sa kabilang linya.

Nakasanayan na ni Clarence ang mga gayong mataray na tawag sa araw-araw kaya balewala na iyon sa kaniya. Minsan, isang kustomer na naman ang nakadaupang-palad niya sa telepono.

“Si Margarita kayo? Okey, Aling Margarita, ano ho ang diperensiya ng binili niyo sa aming appliances?” tanong niya.

“Clarence, hindi ako nagrereklamo, hindi mo na ba ako natatandaan? Ako si Marga!” sabi nito.

At may biglang bumalik sa alaala niya…

“Ikaw ba talaga ‘yan, Marga?” aniya.

“Sus! Sabi na ngang ako, eh! May time ka bang i-treat ako? Magkita naman tayo, o!” wika ng babae sa kabilang linya.

Niligawan niya si Marga mahigit isang taon na ang nakakaraan at ito nga, bakit muling nagpaparamdam sa kaniya ang babae?

“Ano ba ito, kung kailan naman unti-unti na siyang nawawala sa gunita ko’y eto at bumabalik na naman siya,” bulong niya sa isip.

Pumayag siyang makipagkita kay Marga. Siya mismo ang nag-set ng araw at oras ng pagkikita nila. Sa isang restawran sila humantong.

“Mas gusto ko ang aura mo ngayon, parang higit na reliable,” sabi ng babae nang makita siya.

“I’ll take that as a compliment, Marga. So, what do you have in mind at gusto mong makipagkita sa akin?” wika niya.

“Meron kasi akong makulit na manliligaw, ang sabi ko’y may boyfriend na ako,” sagot nito.

Ano? Nakipagkita lang ba sa kaniya ang babae para sabihin ang tungkol doon? Hindi niya maintindihan ang trip nito pero sinakyan na lamang niya.

“‘Di ba’t meron naman talaga? Ano nga’ng pangalan no’n?” tanong niya.

“Wala na kami ni Larry, Clarence. Hindi kami nagtagal, masyado kasi siyang seloso. Nasulyapan ko nga kanina ang manliligaw ko, eh. Narito lang siya sa tabi-tabi. Ingat ka dahil baka bugb*gin ka no’n,” wika ni Marga.

“Aba, siya ang mag-ingat sa kontra-bugb*g ko,” natatawang sabi ni Clarence.

Sa pag-uusap nila ay pinakiusapan siya ni Marga na kung maaari ay magpanggap siya bilang bagong boyfriend nito para tantanan na ito ng makulit na manliligaw.

“Ano kaya ang naiwan kong impresyon sa kaniya’y ako pang naisipan niyang i-front bilang nobyo?” tanong niya sa isip.

Naalala niya tuloy noong binasted siya ni Marga nang ligawan niya ito.

“Sorry, Clarence, ha? May sinagot na ako, eh. Kung dalawa sana ako, madaling iibig sa iyo ‘yung isa,” sabi nito.

At nang bumalik ang gunita niya sa kasalukuyan…

“Sa dinani-rami ng puwede mong pakiusapan, bakit ako?” tanong niya.

Napangiti si Marga.

“Dahil ikaw ang nararapat, Clarence,” tanging tugon ng babae.

‘Di niya alam kung ano ang mararamdaman niya pero ano pa nga ba ang magagawa niya?

“Mukhang pahihirapan ako ng manliligaw mo na iyan, a!” aniya.

“Sorry, Clarence ha?” seryosong sabi ni Marga.

“Okey lang,” sagot niya.

Walang anu-ano ay bigla na lamang pumasok sa restawran ang isang lalaki na may bigote. Maskulado ang pangangatawan at may tattoo sa kanang braso. Mukhang kontrabida sa pelikula ang datingan, nakakatakot.

“Pare…”

Paglingon niya rito ay isang malakas na suntok ang pinakawalan nito sa mukha niya. Napasalampak siya sa sahig.

“Araykup!”

Pakiramdam niya ay nabasag ang buto sa kaniyang ilong.

“Layuan mo si Marga! Akin lang siya!” pagbabanta ng lalaki.

“Hoy, Gimo! Bakit mo sinaktan ang boyfriend ko?” malakas na sabi ni Marga.

Tumawa nang malakas ang lalaki.

“Ang lampang iyan? Boyfriend mo? Huwag mo akong patawanin, Marga. Walang lalaking maaaring magmay-ari sa iyo kundi ako lang,” galit nitong sabi.

Pero hindi magpapatalo si Clarence. Bumangon siya, inayos ang sarili at hinarap ang manliligaw ni Marga na nagsisiga-sigaan.

“Kung kinausap mo ako nang mahinahon, baka pagbigyan kita pero dahil hindi…”

Nagulat ang lalaki nang bigla siyang umigpaw sa ere. Binigyan niya ng isang matinding sipang tumama sa mukha ng lalaki. Humdandusay ito sa sahig at hirap nang makatayo, hindi pa siya nasiyahan at inapakan pa niya ito sa mukha.

“May taong umiiwas sa gulo pero lulmalaban pag ‘di na puwedeng umiwas, ganoon ako!” sabi niya.

Hangang-hanga naman si Marga sa ipinakita niyang katapangan. Matapos nilang ipaaresto sa mga pulis ang nagwalang lalaki ay inihatid na niya sa bahay nito ang babae.

Kinaumagahan ay tinawagan siya ni Marga at kinumusta siya.

“Ano? Okey ka na ba? Kung ‘di na mababalik ang ilong mo, i-approach mo na lang ako,” pabiro nitong sabi sa kabilang linya.

“Basta makahinga ako nang mahusay, okey na sa akin,” pabiro rin niyang sagot.

Ang kasunod ng pag-uusap nilang iyon ay nasundan pa ng iba pang pagkikita hanggang sa…

“Alam mo ba ang totoong dahilan kung bakit ikaw ang napili kong pagpanggapin bilang boyfriend ko? Dahil ikaw ang second choice ko noon kay Larry…na akala ko’y siya ang nararapat bilang first choice pero mali ako. Dahil ikaw ang second choice ko, ikaw ang dapat na tumayong boyfriend ko para iharap sa Gimong iyon. Pero alam mo, napagtanto ko na ang second choice pala ay puwedeng maging first choice? At iyan ang nararamdaman ko sa iyo, Clarence. Noon pa man ay gusto na rin kita, nabulagan lang ako kay Larry, ang totoo’y ikaw pala talaga ang itinitibok ng puso ko,” pagtatapat ni Marga.

Hindi makapaniwala si Clarence na noon pa man ay may pag-asa na talaga siya kay Marga kung hindi lang dumating sa buhay nito ang dating nobyo ay siya ang pinili nito, pero hindi pa naman huli ang lahat, dahil ito na ang pagkakataon para mapatunayan at maipadama niya ang pagmamahal niya kay Marga.

“Okey pa rin ba sa iyo na maging boyfriend mo ako kahit sira na itong ilong ko dahil sa sapak nung baliw mong manliligaw?” tanong niya.

“Ayos na ayos ka pa rin sa’kin, kahit anong hitsura mo. Don’t you remember na ikaw na ang aking first choice?” sagot ni Marga sabay yakap sa kaniya.

Ayus! O, ‘di ba, happily ever after pa rin ang dalawa!

Hay naku, kapag ang mga puso ay tunay na itinakda, gagawa at gagawa ng paraan ang tadhana para walang hanggang kaligayahan ang makamtan.

Advertisement