Inday TrendingInday Trending
Isang Ulilang Magtataho Vendor ang Nakapagpatayo ng Magarang Sariling Bahay sa Kaniyang Sariling Lupa; Ito pala ang Kaniyang Sikreto!

Isang Ulilang Magtataho Vendor ang Nakapagpatayo ng Magarang Sariling Bahay sa Kaniyang Sariling Lupa; Ito pala ang Kaniyang Sikreto!

“Wow! Napakaganda!”

“Astig! Seryoso ba? ’Yong suki nating magtataho ang may-ari n’yan?”

“Oo! Ang galing, ’di ba?”

Ilan lamang ang mga ’yan sa maririnig na mga komento ng ilang taong napapadaan sa bagong tayong bahay na pagmamay-ari ni Filotimo, ang binatang kilala bilang ang masipag na magtataho sa kanilang lugar simula pa noong siya ay labing isang taong gulang.

Tunay nga namang nakamamangha ang pagkakaroon nito ng sariling bahay na maganda at malaki sa edad lamang niyang bente otso. Ang nakamamangha pa roon ay isa itong taho vendor!

Sampung taon pa lamang si Filotimo nang siya ay naging lubos na ulila sa magulang. Paano’y sabay na pumanaw sa isang aksidente ang kaniyang ama at ina habang sila ay nasa trabaho. Pareho kasing nagtatrabaho bilang mga factory workers ang dalawa nang ang mga ito ay sabay na nadamay sa pagloloko at pagkasira ng makinang ginagamit nila sa naturang pabrika na naging sanhi nga ng kanilang pagpanaw.

Mabuti na lamang at aktibo ang mga benepisyo ng mag-asawa sa gobiyerno, bukod pa sa nagbayad nang tamang danyos at nagbigay ng karampatang tulong ang pabrikang kanilang pinagtatrabahuhan para sa naiwan ng dalawa, kaya naman kahit papaano ay nagkaroon ng mapagkukunan si Filotimo upang ipagpatuloy ang kaniyang pamumuhay.

Matalinong bata na si Filotimo noon pa kaya naman alam niya, kahit sa murang edad pa lamang, kung papaano humawak ng pera. Nag-iisang anak kasi kaya naman talagang natutukan siya ng kaniyang mga magulang at napangaralan nang maayos habang lumalaki.

Isang taon matapos sabay na mawala ang mga magulang ni Filotimo ay nagpatulong siya sa kaniyang paborito at pinagkakatiwalaang guro upang ilipat sa bangkong nakapangalan sa kaniya ang perang naiwan ng kaniyang mga magulang, pati na rin ang mga pensyong kaniyang natatanggap mula sa iba’t ibang sangay ng gobiyernong kinabibilangan ng mga ito, na dati ay nasa pangangalaga ng kaniyang uncle na lasinggero. Natakot kasi si Filotimo na maubos na lamang sa wala ang tanging naiwan ng kaniyang ama’t ina kaya naman nagdesisyon siyang gawin iyon. Bukod pa roon, upang hindi gaanong mabawasan ang nasabing pera ay nag-isip si Filotimo ng paraan upang kahit papaano ay kumita siya ng panggastos sa pang-araw-araw niyang pangangailangan, at iyon ang naging umpisa ng kaniyang pagiging taho vendor.

Habang lumalaki si Filotimo ay pinilit niyang huwag isabak ang sarili sa mga bisyong kinahuhumalingan ng kaniyang mga kaedaran at ipinagpatuloy ang ginagawang pagtitiyaga upang guminhawa ang kaniyang buhay, ’tulad ng pangarap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

Lumaking masipag, matalino at masinop na binata si Filotimo. Nang tumuntong siya ng kolehiyo ay naisipan niyang kumuha ng kaunting kapital mula sa pera niya sa bangko upang ipuhunan iyon sa negosyong matagal din niyang inaral… at ano pa nga ba iyon kundi ang pagtataho?

Dahil sa sipag at tiyaga, pati na rin sa mabusisi niyang pagtutok sa kaniyang ginagawa habang siya ay nag-aaral sa kolehiyo sa kursong Business Management ay naging malago iyon at kumita nang maayos na siya niyang ipinangdaragdag sa kaniyang ipon. Bukod doon ay nagbigay din siya ng trabaho sa ilang mga kabarangay na walang natapos na pag-aaral upang masuportahan pa rin nila ang kanilang pamilya at dahil doon ay lalo pa ngang naging malago ang kaniyang negosyo!

Ibig sabihin, bukod sa perang natanggap niya sa mga magulang, sa mga pensyon at benepisyong iniimpok niya sa bangko na patuloy pang lumalago ang interes ay nadagdagan pa iyon dahil sa kaniyang taglay na talino at disiplina!

Iyon ang naging daan upang maipagawa ni Filotimo ang pangarap na bahay ng yumao niyang mga magulang. Isang malaki, maayos at magandang tahanang maituturing niyang kaniya!

“Inay, itay, natupad ko na po ang mga pangarap n’yo para sa akin. Sana, nakikita po ninyo ang tagumpay na nakamit ko dahil sa patuloy n’yong paggabay sa akin. Kayo po ang inspirasyon ko.” Lihim na kinakausap ni Filotimo ang kaniyang mga magulang habang nakatingala siya sa kalangitan. Sa kaniyang kaliwang bisig ay yapos niya ang babaeng siyang tutulong sa kaniya na makabuo ng isang masayang pamilya. Nakahawak ito ngayon sa tiyan nitong naglalaman ng kanilang munting supling, habang pareho nilang tinititigan mula sa labas ang tahanang kaniyang ipinatayo. Ninanamnam ang bawat sandali ng pagsalubong nila sa panibagong kabanata ng kanilang buhay, bilang isang buo at masayang pamilya, na siyang tunay na kayamanan ng magtataho vendor na si Filotimo.

Advertisement