Ang Alkansya ni Emma

Uwian na nila mula sa trabaho. Dumiretso na muna si Emma at ang kaniyang mga kasamahan sa locker room nila upang kunin doon ang kanilang mga iniwang gamit.

Gaya ng nakasanayan ay maririnig na naman ang kalansing ng alkansyang itinatago ni Emma roon. Iyong alkansyang simula nang maging kasamahan nila si Emma ay naroon na’t pinupuno ng dalaga. Laking pagtataka nga lang talaga ng mga katrabaho ni Emma kung bakit simula noon ay hindi pa napupuno ang alkansyang iyon gayong araw-araw iyong hinuhulugan ng dalaga.

“Emma, ba’t ba lagi mong nilalamanan iyang alkansya mo? Para saan ba ‘yan? Hindi naman napupuno ‘yan, eh,” minsang natanong ng isang katrabaho ni Emma na si Resty. “Ah, hindi talaga napupuno ‘yan kasi buwan-buwan ko rin ‘yang kinukuha,” sagot naman ng dalaga.

Hindi na nangusyoso si Resty kahit pa marami pa siyang gustong itanong kay Emma.

Nagtatrabaho silang pareho bilang mga part-timer sa isang restaurant bilang mga apprentice cook. Parehas din kasing culinary arts ang kinukuha nilang kurso sa kolehiyo. Ang pinagkaiba nga lamang nina Resty at Emma ay ang estado ng buhay nila. Si Resty ay galing sa mahirap na pamilya habang si Emma naman ay nag-iisang anak ng mag-asawang business tycoon.

Ang hindi maintindihan ni Resty ay kung bakit nagpa-part-time job pa ito gayong mga milyonaryo naman ang kaniyang mga magulang.

“Baka ampon lang siya.” Minsang naisip ni Resty habang sinusubukang unawain kung bakit hinahayaan ng mga magulang ni Emma na magtrabaho pa ang kanilang anak sa pipitsuging restaurant kung saan sila nagtatrabaho. Naisip din niyang baka maluho si Emma at hindi ito madalas bigyan ng mga magulang kaya naman hindi mapuno-puno ang alkansya nito.

Sa totoo lang ay puno ng inggit ang puso ni Resty para kay Emma kaya ganoon na lang kung pag-isipan niya ito ng kung anu-ano.

Advertisement

“Kung ako siguro ang ganoon kayaman lahat ng luho ko bibilhin ko. Lahat ng gusto ko gagawin ko. Iinggitin ko ang mga insecure na madaraanan ko at hahayaan kong lumuwa ang mga mata nila sa paghanga. Hindi ako kagaya ni Emma na masyadong pakitang tao!” sabi pa ni Resty sa kaniyang sarili habang pinagmamasdan ang kasimplehan ng babaeng kaniyang kinaiingitan.

Sa kabila ng pagiging mayaman kasi ni Emma ay kontento na itong magsuot lamang ng simpleng t-shirt at pantalon. Pati na rin ng luma at mumurahin nitong rubber shoes.

“Emma, nakita kita kahapon doon sa shelter. Lagi ka rin pa lang nagpupunta roon?” minsan ay nadinig ni Resty ang sinabi ng isa sa mga kasamahan nila sa trabaho.

“Oo. Ang totoo ay once a month akong nagpupunta doon. Sobrang nakakatuwa kasing makita iyong mga bata na masayang-masaya sa mga regalong natatanggap nila, eh,” sagot ni Emma sa kausap.

“Oo nga! Alam mo ba hangang-hanga ako sa’yo. Pati na rin ang mga kaibigan ko. Volunteers din sila roon at palagi ka pala nilang nakikita na nagdadala ng mga pagkain at regalo sa mga bata. Alam mo nakakatuwa dahil iniipon mo pa ang lahat ng pambili mo sa alkansyang iyan kahit pa mayaman kayo. Talagang pinaghihirapan mo ang perang ipinantutulong mo sa mga kapus-palad na bata sa shelter nang hindi umaasa sa mga magulang mo.” Bakas sa mukha ng kausap ni Emma ang tunay na paghangang nararamdaman nito para sa babae.

Nagulantang si Resty sa narinig na tinuran ng kausap ni Emma. Tila kinilabutan siya sa nalaman. Kung ganoon ay hindi pala sa luho napupunta ang perang iniipon buwan-buwan ni Emma kung ‘di sa mga kapus-palad na bata!

Tila nakaramdam ng matinding hiya si Resty sa kaniyang sarili para sa mga pinag-iisip niyang masama kay Emma gayong napakabuti pala nitong tao!

“Emma, alam mo ba naiinggit ako sa’yo. Karamihan sa mga taong ang estado ng buhay ay katulad lang ng sa amin madalas kaming magreklamo kasi hindi namin nakukuha nang mabilisan ang gusto namin hangga’t hindi namin pinaghihirapan. Samantalang ikaw, nasa mayamang pamilya ka na, pero mas pinipili mong maranasan ang hirap nang may ngiti sa labi kahit pagod ka. May bonus pang pagtulong sa iba sa pamamagitan ng pagtitiyaga mong punuin ang alkansya mong ‘yan,” pag-amin ni Resty kay Emma. Gusto niya kasing pagaanin ang kaniyang pakiramdam. Gusto niyang maging katulad ni Emma. “Ano bang sikreto mo, Emma?”

Advertisement

“Hindi ko alam kung sikreto bang matatawag kung anong mayroon ako pero marunong akong makontento sa kung ano lang ang mayroon ako. Hindi naman kasi natin madaraan sa reklamo ang lahat. Kung hindi ka talaga kontento sa buhay mo gumawa ka ng paraan imbes na magreklamo ka. Iyan kasi ang turo sa akin nina mama at papa kaya naman heto ako ngayon masaya kahit pa mas pinili ko munang matutong mag-isa,” paliwanag ni Emma.

At sa pahayag na iyon ni Emma ay talagang natauhan si Resty. Tama ito. Hindi reklamo ang paraan kung hindi ka kontento at mas lalong hindi tama na mainggit sa kahit na sino dahil iyon ang mas lalong magpapalubog sa’yo.