Ang Matamis na Ganti

Naabutan ni Mika na humihikbi ang kaniyang kapatid na si Moira, sampung taong gulang, habang nagtitiklop ng kanilang mga damit sa kama. Mabilis nitong pinunasan ang mga luha pagkakita sa kaniya.

“Napaano ka? Bakit ka umiiyak?” usisa ni Mika sa kapatid. “Si Tita Eds kasi pinagbibintangan na naman akong kumain ng niluto niyang chicken nuggets na inilapag niya sa mesa kanina,” sumbong ni Moira.

Niyakap ni Mika ang bunsong kapatid. Kailangan niyang makausap ang kanilang Tita Eds. Hindi na tama ito.

Tiyahing buo nila si Tita Eds na kapatid ng kanilang yumaong nanay dahil sa sakit na stroke. Maaga silang naulila sa mga magulang. Hindi nila alam kung nasaan ang kanilang tatay na iniwan na umano sila dahil sa madalas na pagkakasakit ng kanilang ina.

Noon nabubuhay pa ang kanilang nanay ay wala na silang permanenteng tirahan. Nakiusap ang kanilang nanay noon sa kanilang Tita Eds na kung maaari silang tumira sa maliit at saradong sari-sari store na nasa harapan lamang ng bahay ng mga ito. Sa halagang dalawang libo ay ipinagkasya nila ang mga sarili sa maliit na tindahan na iyon na halos kasingliit lamang ng palikuran. Dahil napakasikip sa loob wala silang anumang kasangkapan maliban sa isang papag. Doon sila humihiga, umuupo at kumakain. Lahat ng mga damit nila ay nakasilid sa mga kahong nasa ilalim nito. Pakiramdam ni Mika ay mas mahirap pa sila sa daga.

Nang mam*tay ang kanilang nanay sinabi ni Tita Eds na hindi na nila kailangan pang magbayad sa upa sa kanilang tinutuluyan gayundin sa mga ginastos nito sa pagpapaospital at pagpapalibing sa kanilang nanay. Sa halip ay kailangan nila itong pagtrabahuhan habambuhay bilang mga katulong. Wala silang matatanggap na sweldo. Libre ang pagkain, tubig at kuryente. Allowance lamang para sa pang-araw-araw na baon sa eskwela ni Mika na kailangan niyang tipirin. Magtatapos na siya ng senior high school sa nalalapit na Abril.

Subalit hindi naman akalain ni Mika na pahihirapan sila nang husto ni Tita Eds gayundin ng kanilang mga pinsan. Walang habas kung gumamit ito ng mga damit dahil si Mika naman ang maglalaba.

“Pagkagaling sa eskwela diretso uwi ka. Maglalaba ka, maglilinis ng bahay, maghuhugas ng pinggan at magpapakain ng mga aso. Maliwanag?” habilin sa kaniya ni Tita Eds.

Advertisement

Tiniis ni Mika ang hindi magandang trato sa kanila ng kanilang Tita Eds. Hindi ito maayos na trato ng isang kamag-anak. Ipinangako ni Mika sa sarili na magtatapos siya ng pag-aaral upang maiahon ang sarili at ang kapatid mula sa kahirapan.

Matapos makapagbihis ay pinuntahan ni Mika ang tiyahin upang komprontahin ito sa isyu ng nawawalang chicken nuggets na kinuha umano ni Moira.

“Tita, hindi naman po magagawa ni Moira ang ibinibintang ninyo sa kaniya,” mahinahong pagtatangol ni Mika sa kapatid.

“Sinong pagbibintangan ko? Siya lang naman ang patay-gutom dito,” galit na sabi ng tiyahin. “Tita, wala naman pong ganiyanan. Huwag niyo namang insultuhin ang kapatid ko,” buwelta ni Mika sa tiyahin.

“Pinapakain ko kayo rito sa poder ko kaya may karapatan akong sabihin ang mga gusto kong sabihin. Lumayas ka nga sa harapan ko’t baka hindi kita matantya,” pagbabanta ni Tita Eds sa pamangkin.

Nang gabing iyon isang pagpapasya ang naisip ni Mika. Lalayas na sila sa poder ng kanilang tiyahin. May ipon siya mula sa kakarampot na allowance na ibinibigay sa kaniya.

Nakausap na niya ang isang malapit na kaklaseng nag-iisa lamang sa bahay nito dahil nasa ibang bansa ang mga magulang na kung sakaling hindi na niya makaya ang trato sa kanila ng mga kamag-anak ay maaari silang makikituloy muna rito.

“Ito na ang takdang panahon,” sa isip ni Mika.

Advertisement

Kahit na anong pilit ni Tita Eds na pabalikin si Mika sa kanila ay wala itong nagawa.

Nakatapos ng senior high school si Mika habang nagpatuloy naman sa pag-aaral sa elementarya si Moira. Namasukan si Mika bilang isang service crew sa isang fast food chain nang tumuntong siya sa kolehiyo. Halos hindi na siya natutulog para lamang pagsabayin ang pagtatrabaho at pag-aaral. Architecture ang kinuha niya. Pangarap niyang idisenyo ang ipatatayong bahay na titirhan nilang magkapatid.

Naging mabuti ang kapalaran kay Mika. Matapos pag-aralin ang sarili sa tulong ng pagtatrabaho at inaplayang scholarship natapos niya ang kaniyang kurso na may karangalan. Nagkaroon siya ng magandang trabaho bilang arkitekto.

Bukod dito ay nagtuturo din siya bilang part-time professor sa pamantasang kaniyang pinagtapusan. Unti-unting nakapag-ipon si Mika at nakapagpatayo ng kauna-unang mansyong na katas ng kaniyang paghihirap. Bukod dito ay bumili pa siya ng iba’t ibang mga bahay na ginawa niyang paupahan. Ayaw niyang maranasan ng iba ang naranasan nilang magkapatid.

Nabalitaan ni Mika na naghihirap na raw ang kanilang Tita Eds at ibinebenta na nito ang bahay. Malubhang nagkasakit ang isa sa mga pinsan niya. Nang mabalitaan ito si Mika na ang bumili ng naturang bahay sa pamamagitan ng kaniyang sekretarya.

“Maraming salamat. Gusto kong makilala ang amo mo para naman makapagpasalamat kami,” sabi ni Tta Eds sa sekretarya. “Nariyan po siya sa labas. Nasa kotse,” tugon ng sekretary.

Lumabas ng bahay si Tita Eds upang makilala ang bagong may-ari ng bahay. Napatda siya nang makilala ang babaeng nasa loob ng kotse na tinutukoy ng sekretarya. Ang kaniyang pamangking si Mika!

“Kumusta po, tita?” nakangiting tanong ni Mika sa tiyahin. Malaki ang itinanda ng kaniyang tiyahin dahil sa mga pinagdaanang problema sa buhay.

Advertisement

“Mika? Ikaw na ba iyan? Ang ganda-ganda mo. Matagumpay ka na sa buhay,” naiilang at nahihiyang sabi ni Tita Eds sa pamangkin.

“Ikaw pala ang nakabili ng bahay? Bakit? Ito ba ang ganti mo sa ginawa ko sa inyo ni Moira noon?” takot na tanong ni Tita Eds sa pamangkin.

Nangunot ang noo ni Mika.

“Tita, hindi ko po binili ang bahay ninyo upang gumanti. Binili ko po iyan para hindi na mapunta sa iba. Alam kong masakit para sa inyo ang ibenta iyan kaya binili ko na lang po. At iyan ay para sa inyo. Natatandaan niyo po ba na hindi po ako nakabayad ng utang sa inyo noon dahil lumayas kami ni Moira? Iyan na po ang bayad ko,” nakangiting sabi ni Mika sa tiyahin.

Humahagulgol na niyakap ni Tita Eds ang pamangkin.

“Patawarin mo ako sa naging pagtrato ko sa inyo ni Moira noon, Mika. Pinagsisisihan ko ang lahat. Simula nang umalis kayo ni Moira sa poder ko halos araw-araw akong sinusundot ng konsensya ko. Wala kang dapat bayaran sa akin dahil obligasyon kong tulungan kayo bilang mga pamangkin ko. Pero sa kabila ng lahat naging matulungin at mapagmalasakit ka pa rin sa amin. Nahihiya ako sa iyo. Nahihiya ako sa sarili ko,” sabi ni Tita Eds habang sumisinghot.

“Kalimutan na natin iyon, tita. Malaki po ang utang na loob namin sa inyo. Bali-baliktarin man natin ang mundo magkakadugo pa rin po tayo,” pag-aalo ni Mika sa tiyahin.

Sa tulong ng perang ipinambili ni Mika sa bahay ng kaniyang tiyahin ay tuluyang naipagamot at gumaling ang kaniyang pinsan. Katulad ng sinabi niya ay ibinalik niya sa tiyahin ang titulo ng lupa. Nagkapatawaran sila’t kinalimutan ang mapapait na karanasan ng nakaraan upang magbagong buhay tungo sa hinaharap.