Nasa Mata Ang Katotohanan

“Ayos ka lang ba, Lloyd? Parang galing ka kasi sa iyak. May problema ka ba? Pwede mo namang sabihin sa akin. Pangako, hindi ko sasabihin sa iba. Bagkus, tutulungan pa kita.” ika ni Princess sa kaniyang kababata, tila malamlam kasi ang mata nito at parang galing lamang sa pag-iyak.

“Ano bang sinasabi mo, Princess? Napuwing lang ako kanina. Napadaan kasi sa isang ginagawang bahay yung jeep namin kanina, eh, tapos biglang lumakas yung hangin, ayun pumasok lahat sa mata ko,” depensa naman ni Lloyd saka pinunasan ng panyo ang kaniyang mukha.

“Maniwala sa’yo? Umiyak ka eh! Ayaw mo pa umamin! Dali na, sabihin mo na sa akin! Para namang hindi kita nakikitang umiyak noong bata pa tayo! Parang hindi mo na ako tinuturing bilang matalik mong kaibigan, ha?” pang-uusisa ng dalaga. Tinitigan nito mabuti ang mata ng kaibigan, bigla naman itong iniwas ng binata.

“Naku po, ito ka na naman. Nag-iinarte na naman! Wala nga, hindi nga ako umiyak. O, dyan ka na, baka mahuli pa ako sa trabaho ko, tiyak mababawasan na naman ang sweldo pag nagkataon.” paalam ng binata, saka naglakad na palayo.

“O, sige na. Ingat! Daanan mo ako dito mamayang uwian, ha? Sabay tayo umuwi! Kain tayo sa labas, sagot ko!” sigaw ng dalaga na nakapagpabalik sa kaniyang kaibigan.

“Aba! Mukhang kailangan ko magtirik ng kandila, ha? Sa tagal ng pagkakaibigan natin, ngayon mo pa lang ako malilibre!” tugon nito bakas sa ngiti niya ang pagkatuwa habang papalapit muli sa dalaga.

“Tumigil ka! Sige na, umalis ka na!” taboy ng dalaga saka tinulak palayo ang malokong kaibigan.

Bata pa lamang ang dalawa nang magsimula ang kanilang pagkakaibigan. Magkasama kahit saan, sabay kumain, pumasok at mag-iyakan. Noon pa man, kilala na ng dalaga na iyakin talaga ang kaniyang kaibigan kaya naman lagi niya itong binibirong parang babae raw kung umasta. Kaya naman nang magbinata na ito, tila hindi na niya ito nakikitang umiyak. Ni hindi na nga ito nagsasabi ng problema sa kaniya.

Advertisement

Natigil ang kanilang pagkikita nang tumuntong ang dalawa sa kanilang legal na edad. Parehas silang hindi na nagtuloy sa pag-aaral buhat ng kahirapan at piniling magsimula nang magtrabaho.

Sakto naman noong araw na ‘yon, nagkasabay ang dalawa sa hallway ng isang mall, kung saan sila parehas nagtatrabaho. Tila na-miss ng dalaga ang kaniyang kaibigan ngunit tila may problema ito. Katilad ng dati, tinatanggi na naman ito ng binata, dahilan upang yayain niya itong kumain.

Kinagabihan ng araw na ‘yon, pagkalabas ng dalaga sa restawrang pinagtatrabahuhan niya, nandoon na ang kaniyang kaibigan, nakatanaw ito sa mga sasakyang dumadaan sa nasabing mall, tila malalim ang iniisip.

“Hoy! Baka matunaw yung mga kotse sa kakatitig mo, ha? Traffic pa naman!” bulong ng dalaga sa kaibigan, tila gulat na gulat ito.

“Ewan ko sa’yo! Ang tagal-tagal mo! Halika na, gutom na gutom na ako. Luluha ang bulsa mo sa mga kakainin ko!” sagot nito saka nagsimulang maglakad, sumunod naman ang dalaga habang patuloy na binibiro ang kaibigan.

Pumasok ang dalawa sa isang restawran, mabilis na um-order ng pagkain ang binata. Nakamasid lang ang dalaga sa bawat kinikilos nito. Nang dumating ang pagkain, nagmamadaling kumain ang binata, tila may hinahabol itong oras.

“Lloyd, sabihin mo mang wala kang problema, kitang-kita sa mata mong mayroon.” sambit ng dalaga. Bigla namang napatigil sa pagkain ang binata, “Sabihin mo na sa’kin, pangako makikinig ako.” dagdag pa ng dalaga, nakita niya kung paano unti-unting mangilid ang luha ng binata, hanggang sa bigla na lamang itong umiyak. Agad siyang puwesto sa tabi ng binata saka niyakap ito.

Doon ikinumpisal ng binata na nasa peligro ang buhay ng kaniyang ina. Nasa ospital daw ito ngayon at makina na lamang ang bumubuhay. Nasa kalagitnaan siya ng sitwasyon kung saan siya na lamang ang hinihintay na magpasya kung ipagpapatuloy pa ang buhay ng ginang.

Advertisement

“Gustuhin ko mang mapahaba pa ang buhay ni Mama, palaki na nang palaki ang bayarin namin sa ospital, lahat sila nagdesisyon nang pagpahingahin na si Mama, ako na lang ang hinihintay nila.” hikbi nito, nagulat naman ang dalaga sa balitang narinig, tila napamahal na rin kasi siya sa nanay ng kaibigan.

Hinayaan niya lamang ilabas ng kaniyang kaibigan ang bigat na nararamdaman nito. Nang mahimasmasan ito, nagdedisyon na silang magtungo sa ospital. Doon na sinabi ng binata ang kaniyang desisyon na hahayaan na niyang magpahinga ang kaniyang ina.

Kitang-kita nila kung paano mawalan ng buhay ang ginang. Masakit man para sa buong pamilya ng binata, natapos na ang pagsubok ng ginang.

Hindi iniwan ng dalaga ang kaibigan sa pagsubok na iyon. Sa katunayan, halos gabi-gabi sa burol ng ginang, nandoon ang dalaga upang makiramay. Binigay niya rin ang kalahati ng sweldo niya upang ipandagdag sa mga gastusin ng pamilya.

Labis naman ang pasasalamat ng binata sa kaibigan.

“Siguro kung wala ka, hindi ko makakayanan ‘to. Maraming salamat sa pag-alalay at pagdamay mo. Pangako, hindi na ako muling magtatago sa’yo, nahuhuli mo rin naman ako eh.” biro nito saka niyakap ang kaibigan, labis naman ang kasiyahan ng dalaga sa unti-unting pagbangon ng kaibigan sa pagkakadapa

Magsinungaling man tayo, isisiwalat ng ating mga mata ang tunay nating nararamdaman. Maaring magsinungaling ang mga labi, pero hindi ang mga matang nangungusap.

Mapalad lamang ang dalawa dahil kasangga nila ang isa’t isa. Tunay ngang napakasarap magkaroon ng kaibigan na handang umalalay sa atin sa tuwing tayo ay manghihina. Kapag nakatagpo tayo ng tapat na kaibigan na handang tumulong sa atin sa oras ng pangangailangan ng walang hinihinging kapalit, karapatdapat lamang na ingatan at panatilihin natin sila sa ating buhay.