Ang Gutom Na Kano

“Hoy babae! Halika na, kumain na tayo! Mamaya mo na tapusin ‘yang trabaho mo. Mahaba pa naman ang oras natin eh.” tawag ni Maja sa kaniyang katrabaho. Lagpas alas dose na kasi at hindi pa sila kumakain.

“Naku Maja, mauna ka na. Marami pa akong hahabuling dokumento. Kailangan na ‘to ni Boss mamaya. Baka makaltasan na naman ako kapag hindi ko ‘to kaagad naibigay sa kaniya.” tugon ni Fe sa katrabaho nang hindi tumitingin dito, todo tutok siya sa dokumentong ginagawa niya sa kaniyang laptop.

“Kaltas lang pala, eh. Ayos lang ‘yon! Malaki naman ang sweldo mo, di ba?” pabirong sambit ng dalaga, saka naupo sa tabi ng katrabaho upang usisain ang ginagawa nito.

“Diyos ko, Fe. Kung alam mo lang, napakadami kong gastusin ngayon. Hindi ba’t na-ospital ang nanay ko, syempre wala namang ibang tutulong doon bukod sa’kin. Sa katunayan nga, dalawang daan na lang ang pera ko sa bulsa. Sikwenta pa pamasahe, pagkain ko pa ngayon, saka mamayang meryenda, baka hindi na ako makapasok bukas.” kwento ni Fe, bakas sa mukha niya ang hirap na dinadanas.

“O, eh, anong balak mo?” tanong ng kaniyang katrabaho, tila nawala ang ngiti nito at napalitan ng pag-aalala.

“Kaya nga inaagad ko ‘to para pabiweltahin ako ni Boss. Sige na, mauna ka na kumain baka malipasan ka pa.” sagot ng dalaga, saka bahagyang tinulak ang katrabaho upang tumayo na

“Hindi, halika na, sumabay ka na sa akin. Mamaya mo na ‘yan tapusin. Ako na bahala sa budget mo bukas. Basta bayaran mo ako sa katapusan ha? Baka mamaya ikaw pa ang magkasakit, lalo kang hindi makakapagtrabaho. Halika na, dalian mo na!” pangungulit nito, sumang-ayon naman agad ang dalaga dahil sa gutom na nararamdaman niya, agad niyang inaayos ang kaniyang lamesa saka sila nagmadaling umalis

Tinaguriang “bread winner” ng pamilya ang dalagang si Fe. Madalas kapag may aberya sa kanilang pamilya na tungkol sa pera, siya agad ang tinatakbuhan ng kaniyang mga kapatid. Sa puder rin niya naninirahan ang kanilang ina, dahilan upang kumayod siyang mala-kalabaw para kumita ng pera.

Advertisement

Maya-maya pa, nakarating na ang dalawa sa paborito nilang karinderya sa likod ng gusaling pinagtatrabahuhan nila. Bukod kasi sa mura ang mga bilihin doon, masarap pa at tiyak na malinis ang pagkakagawa.

Akma nang susubo ng kanin ang dalaga nang marinig niyang hirap na hirap makipag-usap ang may ari ng karinderya sa isang amerikanong tila nagtatanong. Dahil nga may pagkakate-tera rin ang dalaga, tumayo siya sa kinakaupuan at lumapit sa may-ari ng karinderya saka niya tinanong kung anong problema.

“Ito kasing kanong ‘to, hungry daw tapos beg food, hindi ko maintindihan ang sinasabi! Hindi ko alam kung anong order niya. Kausapin mo nga ‘yan.” iritableng ika nito, agad namang kinausap ng dalaga ang naturang kano.

Doon niya nalamang na-holdap pala ito sa may Baclaran at tila manghihingi ngayon ng pagkain upang maibsan ang kumukulong sikmura. Bibilihan na sana ng dalaga ng pagkain ang kano ngunit pagkabunot niya, pitongpung piso na lamang ang pera niya, bahagya siyang napakamot dahil isang kanin na lang ang mabibili niya doon.

“Maja! Pautang nga muna ng sikwenta, bibili ko lang ng pagkain yung kano, kawawa naman kasi eh.” ika niya sa katrabaho

“Naku, wala akong dalang pera dito. Bilhan mo na lang siya ng kanin tapos hatiin na lang natin ‘tong ulam.” ika ni Maja, sumang-ayon naman ang dalaga saka bumili ng kanin. Pinasalo na nila ang kano sa kanilang lamesa’t pagkain.

Tahimik lang ito at tila may trauma pa sa nangyaring panghoholdap sa kaniya. Dahil nga may hinahabol pang trabaho ang dalaga, mabilis silang kumain, iniabot na rin ng dalaga ang natitirang sikwenta pesos sa kano upang pampamasahe niya papunta sa mga pulis upang doon siya humingi ng tulong. Todo pasalamat naman ito, at halos mangiyakngiyak. Pinautang na lamang ni Maja ang dalaga ng pamasahe pauwi.

Kinabukasan, nagulat na lamang ang dalaga ng may ilapag na tseke sa kaniyang lamesa ang boss niya.

Advertisement

“Uutusan niyo po ako sa bangko, Sir?” tanong niya

“Hindi, iyo yan, padala ni Mr. Reid, sabi niya tinulungan mo raw siya kahapon. Nakatiempo ka ng bigatin! Kasalukuyan daw siyang nasa tanggapan pa rin ng pulisya, pero padating na rin ang mga tauhan niya, sila ang nagpasok ng pera sa account ng kompanya para ibigay sayo. Hindi ko alam kung paano nila ako natagpuan, iba na rin talaga ang kakayahan ng mga dayo.” tugon nito, halos lumuwa naman ang mata ng dalaga nang makita kung gaano kalaki ang perang binigay sa kaniya.

Nang pagkakataong ring iyon, dali-daling nagpunta sa pulisya ang dalaga upang magpasalamat sa naturang kano, ngunit sabi ng mga pulis, kakaalis lang daw nito.

Hindi man siya nakapagpasalamat sa kano, ipinasa-Diyos na lamang ito at nagpadala ng mensahe sa kano sa tulong ng kaniyang boss. Iyon ang naging simula upang umalwan sa buhay ang dalaga. Nabili niya ng sapat na gamot ang kaniyang ina, nabayaran niya ang kaniyang utang at nakatulong pa siya sa kaniyang mga kapatid.

Madalas kung sino pa ang walang-wala sa buhay, siya pa ang may pusong tumulong sa iba. Manatiling gumawa ng mabuti sa kapwa dahil sigurado, bigating biyaya ang babalik sayo.