Kailangan Niyang Mag-Doble Sipag Upang Masuportahan ang Inang May Sakit; Sa Puntong Pati Sarili Niya’y Nakakalimutan na Niyang Alagaan

Pagod at inaantok na si Vern, kaya nang makauwi sa bahay ay hindi na magawang pindutin ang ilaw. Dere-deretso siyang pumasok sa loob at tinungo ang silid upang magbihis at magpahinga.

Sa sobrang pagod ay hindi na niya alintana ang gutom. Ang tanging nais na lamang niyang gawin ay matulog, dahil bukas ay muli na naman siyang papasok sa trabaho. Limang oras lang ang maitutulog niya’t pahinga.

Kinabukasan ay maaga siyang nagising dahil sa alarm clock. Agad siyang bumango at naligo, makakain pa naman siya bago pumasok sa trabaho. Nang matapos ayusin ang sarili ay agad na siyang lumabas sa silid upang maghanda ng makakain, nang matigilan sa nakitang malaking bag na nakapatong sa mesa.

“Ano ito?” Takang tanong ni Vern sa sarili.

Wala namang ibang nakakapasok sa apartment niya kung ‘di ang kapatid lang niyang si Veronica.

Tinignan niya kung ano ang laman ng malaking bag. Nang makitang puros pagkain iyon ay agad siyang napangiti. Saka nakita ang maliit na papel na may sulat kamay ng kapatid.

“Binilhan kita ng pagkain na masustansya, kuya, sinalihan ko na rin ng mga vitamins. Alam ko kasing wala ka ng oras na gawin ang mga bagay na ito dahil sa sobrang dami mong ginagawa. Katawan natin ang puhunan natin upang magkapera, kaya huwag mong abusuhin.

Kumain ka nang mga masusustansyang pagkain, para hindi ka magkasakit. Kapag nagkasakit ka paano na ako? Wala na akong katuwang sa pagsuporta kay mama, kaya dapat strong lang tayo palagi,” anang liham na iniwan ni Veronica. “Initin mo na lang ang adobong niluto ko para sa’yo. I love you, kuya,” pagtatapos ng liham nito.

Advertisement

Agad naman niyang pinunasan ang luhang nais mag-unahang umagos sa kaniyang pisngi. Tatlo silang magkakapatid, ang isa ay nandoon sa probinsya, siya ang nag-aalaga sa nanay nilang may malubhang sakit sa kidney. Habang sila naman ni Veronica ang tumutulong sa pinansyal na kailangan ng ina.

Tama ang bunsong kapatid na si Veronica. Paano kung magkasakit siya? Dalawa na sila ng kaniyang mama ang aalagaan at sosolohin ni Veronica ang problema sa pinansyal.

Kaya nga halos hindi na niya makuhang magpahinga kasi kulang pa ang kinikita niya sa dialysis ng ina, pati na ang mga maintenance na gamot nito at pagkain. Mahirap talaga kapag may sakit ang isang tao.

Matapos initin ang niluting adobo ni Veronica ay agad na siyang umalis ng bahay bitbit ang ulam. Mamayang alas diyes pa naman ang pasok niya, pero maaga pa kang ay umalis na siya sa bahay niya upang daanan si Veronica sa trabaho nito. Gusto niyang makasabay na kumain ang kapatid.

“Oh! Bakit dala mo pa iyan?” Takang tanong ni Veronica nang makitang bitbit niya ang niluto nitong adobo. “Hindi ka na naman kumain kagabi, kuya?” Halata sa boses nito ang pag-aalala.

Tumango siya saka humihinging tawad na tumingin sa kapatid. “Alas dos na kasi ng madaling araw akong nakauwi kagabi. Sa sobrang pagod ko’y hindi ko na napansin ang iniwan mong bag sa bahay. Kakainit ko kang nito, bunso. Halika na’t sabayan akong kumain… namiss ko ang kasalo ka sa pagkain,” ani Vern.

Ang inis na nasa mga mata ni Veronica kanina’y napalitan ng saya nang makita ang kapatid na hinahanda sa lamesa ang kakainin nilang dalawa.

“Kapag pagod ka na kuya, ay pwede ka namang magpahinga nang kahit tatlong araw. Para mabawi mo ang lakas mo, ako na muna ang bahala sa kay mama kapag nagpahinga ka,” ani Veronica. “Mas maiging magpahinga saglit kaysa sumuko ng tuluyan,” dugtong niya.

Advertisement

Matamis na ngumiti si Vern. “Nakakapagod na talaga minsan, bunso,” reklamo nito. “Naiisip ko rin ‘yan, pero kapag naiisip kong gaya ko’y nahihirapan ka rin ay nanunumbalik ang lakas kong magpatuloy sa buhay. Gano’n naman talaga, habang nabubuhay tayo’y patuloy tayong sinusubok ng panahon, basta ang mahalaga’y patuloy ka ring lumalaban.

Nagpapasalamat ako kasi sa mga panahong sukong-suko na ako, nand’yan ka upang palakasin ako ulit. Pasensya na kung minsan nakakalimutan kong gaya ko’y napapagod ka rin at nangangailangan ng suporta ko,” anito saka yumuko.

Nilapitan ni Veronica ang kapatid saka niyakap. “Tayo lang ang magkakampi, kaya hindi natin pwedeng sukuan ang isa’t-isa, kasi kawawa sila sa probinsya kapag tayo na ang sumuko.

Makita lang kitang malusog kuya ay ayos na ako, kasi alam kong nand’yan ka para maging katuwang ko sa lahat. Kaya nakikiusap ako sa’yo na huwag mong pabayaan ang sarili mong katawan. Tama na si mama na lang ang may sakit sa’tin,” nakalabi niyang dugtong.

“Opo, masusunod,” nakangiting wika ni Vern. “Kumain na tayo. Alam kong marami akong makakain ngayon kasi may kasalo akong kumain.”

“Kung kailangan mo ng kasamang kumain ay tawagan mo lang ako, kuya. Agad-agad ay nasa bahay mo na ako. Basta ba libre mo,” aniya sabay tawa ng malakas.

Habang nabubuhay ang tao ay patuloy tayong makakaranas ng pagsubok sa buhay. Ang mahalaga’y kahit anong pagsubok pa iyan ay hindi tayo dapat na sumuko sa buhay.