Inday TrendingInday Trending
Mahigpit at Masungit ang Boss na Ito sa mga Empleyado, Hindi Niya Nga Ba Kailangan ang mga Ito?

Mahigpit at Masungit ang Boss na Ito sa mga Empleyado, Hindi Niya Nga Ba Kailangan ang mga Ito?

“Arnold, hindi ba’t ngayon ang pasahan ng mga dokumentong pinapaayos ko sa’yo? Bakit hanggang ngayon, matatapos na ang araw, wala pa rin akong nakikitang kahit anong papel sa lamesa ko?” masungit na sigaw ni Lloyd sa isa niyang empleyado nang hindi niya makita ang mga dokumentong kailangan niya.

“Ah, eh, boss, pasensya na. Ginagawa ko pa rin po, eh, hindi ko po natapos nitong mga nakaraang araw dahil po naka-leave ako. Sumakabilang buhay po ang asawa ko, boss, eh,” paliwanag nito habang mamula-mula pa ang mga mata.

“Wala akong pakialam sa personal na buhay mo! Ang trabaho ay trabaho!” bulyaw niya pa rito na narinig ng iba pa niyang katrabaho.

“Sir, hayaan po muna nating magluksa si Arnold. Panigurado, masakit pa para sa kaniya ang nangyari,” sabat ng isa niya pang empleyado.

“Isa ka pa rin, Melly! Tingnan mo ‘tong gawa mo, parang gawa ng isang kindergarten! Ayusin mo nga ito! Mga wala kayong silbi!” sigaw niya rin dito saka pinunit sa harapan nito ang pinasa proyekto at tinapon sa pagmumukha nito, “Arnold, tapusin mo ‘yang trabaho mo, kung hindi, papalitan na kita!” utos niya pa sa umiiyak na empleyado saka agad na nagkulong sa kaniyang opisina.

Mahigpit at masungit sa kaniyang mga empleyado ang boss ng isang kumpanya ng mga libro na si Lloyd. Kapag sinabi niyang ngayon araw niya kailangan lahat ng dokumento, dapat bago siya dumating sa kanilang opisina, nasa lamesa na niya ang mga ito dahil kung hindi, sermon, sigaw, at mga masasakit na salita ang ipapaalmusal niya sa kaniyang mga empleyado.

Wala siyang kahit anong dahilang tinatanggap mula sa mga empleyadong hindi nakagawa ng inaasahan niyang trabaho. Naaksidente man ito o nawalan ng mahal sa buhay, hindi niya ito binibigyan ng konsiderasyon dahil trabaho lamang ang mahalaga sa kaniya.

Ayaw niya kasing matalo ang kumpanya niya ng iba pang nagsisitayuang kumpanya. Ang gusto niya, ito ang palaging nangunguna kaya kaniyang pinipiga at sinusubsob sa trabaho ang kaniyang mga empleyado.

Labis siyang nagtaka noong araw na ‘yon dahil kahit halos dalawang oras na ang nakalipas simula nang manermon siya sa kaniyang mga empleyado, ni isa sa mga ito, wala pa ring pumapasok sa opisina niya upang magsumite ng kanilang mga gawa.

Ngunit bago pa man siya tuluyang makalabas, pumasok sa opisina ang empleyado niyang sila Melly at Arnold at iniabot sa kaniya ang dalawang envelope na naglalaman ng resignation letter na ikinatawa niya. “Akala niyo ba pipigilan ko kayo? Edi umalis kayo! Hindi naman kayo kawalan!” sigaw niya sa mga ito saka agad na pinirmahan ang naturang dokumento.

Narinig ito ng iba pang empleyado, lahat ay napailing at napabuntong hininga.

“May gusto pa bang umalis sa inyo? Sumabay na kayo sa dalawang inutil na ‘to para huwag niyo na akong maabala!” sigaw niya at laking gulat niya nang sabay-sabay na magsipuntahan patungo sa kaniya ang mga ito at isa-isang nag-abot sa kaniya ng resignation letter, “Lahat kayo?” gulat niyang tanong, sabay-sabay na nagsitunguan ang mga ito.

“Teka, hindi pwede! Paano na ang kumpanya ko?” natataranta niyang tanong.

“Kumpanya mo kasi ang lagi mong iniisip, boss. Dapat isipin mo rin ang mga empleyado mo dahil kung wala kami, kawawa ang kumpanya mo,” matapang na sagot ni Arnold saka agad nang umalis sa kanilang opisina na sinundan naman ng lahat ng kaniyang empleyado.

Awatin man niya ang mga ito na umalis, wala siyang nagawa dahil ayaw niyang magmukhang kawawa sa harap ng mga ito.

Naupo siya sa kaniyang opisina nang nanginginig sa pangangamba hanggang sa maiyak na lang siya sa labis na panghihinayang.

Lumipas ang mga araw na wala siyang katuwang na mga empleyado sa lahat ng trabahong kailangan niyang matapos dahilan para kaniyang maranasan ang hirap na natatamo ng kaniyang empleyado na sinasabayan niya pa ng sermon. Doon niya napatunayang hindi niya kayang patakbuhin mag-isa ang isang malaking kumpanyang mayroon siya. Kaya naman, kaniyang napagdesisyunang suyuin at pabalikin ang kaniyang mga empleyado.

Isa-isa niyang pinuntahan sa bahay ang mga ito. Binigyan niya ang mga ito nang mga pangpalubag loob katulad ng grocery items at bigas, at syempre, siya’y nangakong magiging isa nang mabuti at maintindihing boss simula ngayon.

At wala nang mas sasaya pa sa kaniya kinabukasan dahil pagdating niya sa opisina, kumpleto na muli ang mga empleyado niya na tutok sa kani-kanilang mga trabaho.

“Salamat sa inyo!” mangiyakngiyak niyang sigaw na ikinangiti ng mga ito.

Simula noong inalis niya ang pagiging masungit sa mga empleyado, naging masigla ang mga ito sa pagtatrabaho na talaga nga namang nagbigay ng magandang resulta sa kaniyang kumpanya.

“Tama ka nga, Arnold, dapat ko ring isipin ang mga empleyado ko. Para sa inyong lahat ang tagumpay na ito!” masaya niyang sigaw nang minsang maparangalan ang kanilang kumpanya na labis na ipinagdiwang ng mga ito.

Advertisement