Inday TrendingInday Trending
Nilason ng Binatang Ito ang Kaniyang Nobya para sa Isang Dalaga, Karma ang Sumapol sa Kaniya

Nilason ng Binatang Ito ang Kaniyang Nobya para sa Isang Dalaga, Karma ang Sumapol sa Kaniya

“Teka, pare, buo na ba talaga ang loob mo na magpakasal sa isang babaeng kakakilala mo pa lang? Talagang bibili ka ng gan’ong kamahal na singsing para ro’n?” tanong ni Bino sa kaibigan, isang araw matapos niya itong hilahin palabas ng isang tindahan ng mga mamahaling alahas.

“Oo naman, bakit hindi? Siya lang ang babaeng nakapagpasaya sa akin nang ganito. Kaya kahit maubos na ang pera ko, ayos lang!” nakangiting sagot ni Joe habang iniisip ang ganda ng dalagang aalukin niya ng kasal.

“Pera mo? O pera ng nobya mong nilason mo para sa babaeng ‘yan?” sambit nito na talaga nga namang kaniyang ikinagulat dahilan para takpan niya ang bibig nito at tumingin sa kanilang paligid.

“Hoy! Maghinay-hinay ka nga sa mga sinasabi mo! Baka may makarinig sa’yo, eh!” sigaw niya rito.

“Hindi ka ba natatakot sa karma, Joe? Ikaw ang dahilan kung bakit wala na sa mundong ito ang dalagang nagmahal sa’yo nang husto! Paano ka nakakatulog sa gabi, ha?” inis na tanong pa nito sa kaniya na ikinainis na niya.

“Kung ako sa’yo, tumahimik ka na lang dahil baka pati ikaw, pasunurin ko sa impyerno!” pagbabanta niya rito saka muli nang bumalik sa tindahan ng mga alahas at agad na binili ang natipuhan niyang singsing.

Nagawang lasunin ng binatang ito ang kaniyang kasintahan ng isang dekada dahil lang sa isang babaeng nakilala niya sa paborito niyang bar.

Ayaw kasi nitong makipaghiwalay sa kaniya at kahit anong dahilan ang sabihin niya, ayaw pa rin nitong kumalas dahilan para maisipan niyang lasunin ito upang magawa niya ang mga bagay na gustong-gusto niyang gawin kasama ang bagong babaeng nakilala niya.

Katulad ng gusto niya, nang mawala nga ang nobya niya, kaniya ngang nakasama nang walang pag-aalinlangan ang bagong dalaga kahit saan siya magpunta. Malaya niya itong naigagala sa mall, parke, at kung saan man na talaga nga namang ikinasasaya niya.

Sa sobrang sayang nararamdaman niya sa dalagang ito, kahit isang buwan niya pa lang itong nakikilala, nais na niya agad itong pakasalan na labis na tinutulan ng kaibigan niyang alam ang ginawa niyang kasalanan. Pero imbis na pakinggan ito, pinagbantaan niya pa ito.

Wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang sumang-ayon ito sa kasalang nais niya at dahil hindi na nga siya makapaghintay at may pera naman siya, isang linggo lang ang lumipas, tuluyan na nga siyang ikinasal dito. Noong mga unang buwan, walang mapaglagyan ang ligayang naramdaman niya nang makasama na niya ang babaeng ito sa pinag-ipunang bahay nila ng dati niyang nobya.

Ngunit, hindi nagtagal, unti-unti na siyang nagtaka kung bakit sa tuwing uuwi siya galing trabaho, palagi nang may nawawala sa kanilang gamit, may mga gamit pa ng lalaki na hindi naman sa kaniya ang nakikita niya sa kanilang silid. Tanungin man niya ang asawa tungkol sa mga napapansin niyang kakaiba, panay ang tanggi nito. Isang araw, nagdesisyon siyang umuwi nang maaga para malaman kung ano talagang nangyayari sa kaniyang asawa at sa kanilang bahay.

At halos hindi siya makapaniwala nang makitang may kasamang ibang lalaki sa kanilang bahay ang kaniyang asawa. Masama pa nitong pinaglulutuan ang naturang lalaki na labis niyang ikinagalit.

“Anong ibig sabihin nito?” sigaw niya, “Sino ‘yang lalaking ‘yan?” tanong niya pa.

“Ako si Harold, una niyang asawa. Bakit?” sigang sagot ng lalaki na ikinataas ng dugo niya dahilan para lapitan niya ito at ambaan ng suntok.

“Pasensya na, Joe, ako ang may kasalanan dito! Gustong-gusto ko kasing mabuhay nang marangya kasama ang asawa ko kaya kita inakit at pinakasalan!” pagtatapat nito na kaniyang ikinahina.

“Hindi mo ba alam na nilason ko ang nobya ko para sa’yo?” sigaw niya rito.

“Hindi ko naman akalaing gagawa ka nang masama para makasama ako!” sambit nito na ikinaiyak niya.

“Sabi ko na nga ba, eh, may ginawa ka sa anak ko!” sabat ng nanay ng dati niyang nobya na biglang sumulpot, “Kukuhanin ko lang sana ang ibang gamit ng anak ko na ginagamit ng asawa mo, nalaman ko pa ang katotohanan. Mabuti na lang nai-record ko ang buong usapan niyo. Kita na lang tayo sa korte?” dagdag pa nito na lalong ikinaguho ng mundo niya.

Ilang araw lang ang binilang niya matapos niyang palayasin ang asawa niya, siya nga’y tuluyan nang dinampot ng mga pulis at lalong tumibay ang kasong sinampa sa kaniya dahil sa kaibigan niyang nagsalita.

Katakot-takot na pagsisisi at pagmamakaawa man ang kaniyang ginawa, siya pa rin ay tuluyang nakulong.

“Bakit ba sinunod ko ang temptasyong nararamdaman ko? Dahil doon nagkaloko-loko ang buhay ko!” iyak niya habang himas-himas ang bulok na rehas.

Advertisement