Inday TrendingInday Trending
Wala Siyang Kakayahang Tulungan ang Nahihirapang Matanda, Kaya sa Ibang Paraan Niya Ito Inalok ng Tulong

Wala Siyang Kakayahang Tulungan ang Nahihirapang Matanda, Kaya sa Ibang Paraan Niya Ito Inalok ng Tulong

Pauwi na si Eros kaya mas pinili na lamang niyang maglakad upang makatipid sa pamasahe. Habang naglalakad ay panay ang tingin niya sa mga madadaanang tindahan at iniisip kung ano kaya ang magandang bilhin para sa nalalapit niyang kaarawan.

Nang madaanang niya si tatay na may pasan na isang bugkos na walis tingting. Medyo may katandaan na si tatay, ngunit nakakahanga pa rin ang lakas nito. Nakaya nitong pasanin ang mga walis-tingting. Hindi niya alam kung ilang piraso iyon, basta’t alam niyang mabigat iyon.

“Hindi ba kayo nabibigatan, tatay?” usisa niya sa matanda.

Hirap na inilapag nito ang pasan, kaya tinulungan niya itong ibaba iyon.

“Ang bigat nito ah. Ilang piraso ba ito,tatay?” patuloy niya sa pag-komento.

“Kinseng walis-tingting iyan, otoy,” anito.

“Ilalako niyo pa ba iyan?”

“Ang sampung piraso nito’y may paghahatiran na akong pwesto d’yan sa loob ng palengke. Doon ko muna ipapasa, kapag may bumili na saka ko pa makukuha ang benta ko. Ang limang piraso naman, iyon ang ilalako ko. Para kapag nakabenta’y may pangkain na kami mamayang gabi,” anito.

“Gano’n ba? Paano kapag hindi kayo makabenta?”

Malungkot na ngumiti ang matanda. “Asin ang ulam namin mamaya.”

Agad na nakaramdam ng pagkahabag si Eros. Ang tanda na ni tatay. Nasaan na ba ang mga anak nito’t tila kailangan pa nitong kumayod ng gano’n.

“Nasaan na po ang mga anak ninyo, tatay?” hindi mapigilang usisa muli ni Eros.

Muling ngumiti ang matandang lalaki at malungkot na ngumiti saka tumingin sa kawalan na animo’y may naalalang bigla. “May mga kaniya-kaniyang pamilya na ang dalawa kong anak. Mula noong namayapa ang asawa ko’y minsan na lang rin nila akong kumustahin.

Mahirap lang rin ang mga buhay nila kaya nahihiya akong manghingi sa kanila. Kaya ang ginagawa ko’y gumagawa na lamang ako ng walis-tingting, para kahit papaano’y may maipambili akong pagkain at gamot na kailangan ko,” kwento nito.

Lalo siyang nakaramdam ng habag sa kwento nito. Naalala niya bigla ang kaniyang mga magulang na nasa probinsya ngayon. Kagaya ng mga anak ni tatay ay may mga asawa’t kaniya-kaniyang pamilya na rin ang lima niyang kapatid, maliban sa kaniya na hanggang ngayon ay mas pinili pa ring mag-isa na muna sa buhay.

Kagaya rin ng mga anak ni tatay ay madalang na lang makapagbigay ang mga kapatid niya sa mga magulang nila. Siya na lang ang inaasahan ng kaniyang mga magulang. Isa rin sa dahilan, kaya hindi pa pumasok sa isip niya ang mag-asawa.

Gusto niya’y bago man siya makapag-asawa ay stable na ang sitwasyon ng kaniyang mga magulang. Iyong tipong kahit hindi siya makapagpadala ng pera ay ayos lang sa mga ito. Kaya nga niya pinatayuan ng sari-sari store ang nanay niya, para kahit papaano’y may pagkakitaan ito.

“Gusto niyo bang tulungan ko kayo sa pagbubuhat, tatay?” Alok niya.

Wala siyang kakayahang tulungan ito sa pinansyal na paraan, dahil katulad nito’y kapos rin siya sa budget. Pero kaya niyang tulungan si tatay na magbuhat upang mabawasan ang bigat na pinapasan nito.

“Nakakahiya naman sa’yo, otoy,” anito.

“Asus! Ito lang ang tulong na kaya kong ibigay sa’yo, tatay. Kung mayaman lang siguro ako’y baka pinakyaw ko na ang mga binebenta niyong walis, para hindi na kayo mahirapan pa. Kaso mahirap lang din po ako e. Pero malakas pa po ako para tulungan kayo sa pagbubuhat,” nakangiting wika ni Eros.

Ngumiti ang matandang lalaki sabay gulo sa buhok ni Eros. “Naalala ko ang anak ko sa’yo. Salamat, otoy,” anito saka hinati ang tali ng walis.

Kinuha ni Eros ang sampung pirasong walis-tingting at binuhat ito patungo sa paghahatiran ni tatay niyon. Nang matapos ihatid ang mga walis ay inalok niya rin ang matandang lalaki na nakilala niyang si Mang Alfonso. Na doon pumunta sa lugar niya upang mabilis na mabenta ni Tatay Alfonso ang mga paninda nito, na agad namang sinang-ayunan ng matanda ang sinabi niya.

Gaya ng inaasahan ay naubos nga ang limang walis-tingting na bitbit ni Tatay Alfonso. Nagpasalamat ito sa kaniya bago pa man sila naghiwalay ng landas.

Minsan kahit gustong-gusto nating mag-abot ng tulong pinansyal sa’ting kapwa’y wala tayong kakayahang gawin ang bagay na iyon, lalo na’t isa ka lang ding mahirap. Pero laging tatandaan na bukod sa pera ay may iba pang paraan upang makapag-abot ka ng tulong sa mga nangangailangan. Gaya na lamang ng ginawa ni Eros.

Advertisement