Ilang lalaki na rin ang dumaan sa palad ni Celine. Maganda, sopistikada, at may konserbatibong pamilya itong dalaga kaya naman marami ang nabibighani sa kaniya.
Ngunit sa mga lalaking ito, walang nagtatagal sa kaniya dahil madalas niyang makitaan ng pangit at malokong pag-uugali ang mga binatang nakakarelasyon niya.
Nag-iba ang ihip ng hangin nang manligaw sa kaniya ang isa sa mga kasamahan niya sa trabaho na si Enrico.
Gwapo, may magandang tindig ng katawan, matalino, magaling magsalita, seryoso ngunit palabiro, at marespeto sa kahit na sino. Kilala si Enrico sa mga salitang iyon.
Sa unang buwan ng panunuyo ni Enrico, mabilis niyang nakuha ang loob ng kaniyang nililigawan. Sa ikalawang buwan ng kanilang pagkikita, doon na may inamin si Enrico na naging dahilan ng pagdadalawang-isip ng dalaga.
“Celine, may anak ako sa pagkabinata. Iniwan sa akin ng kaniyang ina ang anak namin matapos niyang manganak. Bago ko pa lang siya mabuntis ay may kinikita na pala siyang ibang lalaki. Napatunayan ko namang akin ang bata nang magpa-DNA testing kami,” paliwanag ni Enrico, dahilan upang mabura ang matatamis na ngiti ni Celine.
“Hindi naman kaya ng konsensiya ko na pabayaan na lamang ang bata, dahil mismong ang kaniyang nanay na ang nang-iwan sa kaniya. Nagising na lamang ako na wala na siya sa kama habang nakapatong sa mesa ang sulat ng pamamaalam niya,” dagdag pa ng lalaki.
Halos maiyak naman sa lungkot itong si Celine. Sa katunayan, walang kaso sa kaniya ang pagkakaroon ng anak sa pagkabinata ng lalaki. Kaya nga lang, sigurado siyang mahihirapan ang konserbatibo niyang pamilya na tanggapin ang ganoong sitwasyon.
“Alam mo, Enrico? Ang katunayan, mahal na nga ata kita. Sa isang buwang panliligaw mo, nakilala na kita ng higit pa sa inaakala ko. Mabuti kang lalaki, at mabuti ang iyong puso. Kaso, natatakot akong hindi ka matanggap ng pamilya ko,” paliwanag ng mangiyak-ngiyak nang si Celine.
“Naiintindihan ko. Katunayan, ang huli at tanging babae na niligawan ko ilang taon na ang nakakalipas ay ganiyan din ang naging dahilan ng pagtanggi sa akin. Siguro nga’y wala nang karapatang lumigaya ang mga single dad na gaya ko,” naluluhang sagot ni Enrico.
Matapos ang pag-uusap na iyon, inihatid ni Enrico si Celine sa tapat ng kanilang bahay. Alam niya na iyon na ang huli nilang pagkikita. Pero ano nga bang magagawa niya? Kahit mahal niya si Celine, hindi niya kayang talikuran na lamang basta-basta ang responsibilidad sa pagiging ama ng kaniyang anak na si Vincent. Pangako niya kasi sa kaniyang sarili na uunahin pa rin ang kapakanan ng bata dahil alam niyang wala itong ibang maaasahan kundi siya lamang.
Ilang linggo ang lumipas at madalas pa ring nagkakasalubong sa opisina itong si Enrico at Celine. Pilit na ngiti ang palaging ipinakikita nila sa isa’t-isa, kahit pa halatang pareho silang labis na nasasaktan sa pag-iibigang naudlot.
Isang gabi, may maliit na salo-salo sa bahay ng pamilya ni Celine dahil sa kaarawan ng kaniyang lola. Ika-86th birthday na nito ngayon.
Matapos kumain, napansin ni Lola Naty ang pagiging matamlay ng paborito niyang apo na si Celine. Kaya naman agad niya itong nilapitan at kinumusta.
“Apo, anong nangyayari? Kaarawan ko ngayon, pero tila napakalungkot ng iyong mukha. Kumusta ka na? Anong nangyayari?” nag-aalalang tanong ni Lola Naty sa kaniyang apo.
Hindi na napigilan ni Celine ang kalungkutan. Sa ilang linggo ng pag-iyak niyang mag-isa, ngayon lamang may lumapit at nangamusta sa kaniya.
“Lola, sa totoo lang, may problema kasi ako. May lalaki akong minamahal. Niligawan niya ako ng halos isang buwan. Pero nitong nakaraan, ipinagtapat niya sa akin na mayroon siyang anak sa pagkabinata. Alam kong hindi iyon matatanggap nila Papa at Mama,” lumuluhang kwento ni Celine habang mahigpit ang pagkakayakap sa bisig ng kaniyang lola.
Nagulat si Celine sa naging reaksyon ni Lola Naty. Natawa ito sabay yakap sa kaniya.
“Ano ka ba naman, hija? Sa tingin mo ba, ganoon kababaw ang pag-intindi ng pamilya natin? At isa pa, hindi mo ba alam?” sunod-sunod na tanong ni Lola Naty sa kaniya.
“A- ano po ‘yon?” tugon ni Celine.
“Ang papa mo, anak sa pagkabinata ng lolo mo! May pinagbago ba sa pakikitungo ng kahit sino sa pamilya natin? Wala, ‘di ba? Itinuring namin siyang biyaya nang ipakilala siya sa amin ng lolo mo. At isa pa, wala akong pinagsisisihan na sinagot ko ang lolo mo kahit may anak na siya sa pagkabinata. Hindi mababago ng isang mapusok na desisyon ” mahinahong paliwanag ni Lola Naty.
“Kaya kung ako sa’yo, itigil mo na ‘yang pag-iyak mo at tawagan mo na ‘yang manliligaw mo! Sa kwento mo, baka maunahan ka pa ng iba!” tatawa-tawang payo ng kaniyang lola.
Mahigpit na niyakap ni Celine ang kaniyang lola, at saka magalang na nagpaalam sa kaniyang mga kamag-anak. Tinawagan niya si Enrico at saka agad na nakipagkita sa pinakamalapit na coffee shop sa kanilang lugar.
Mala-teleserye ang kanilang tagpo sa muli nilang pagkikita. Parehong namumugto ang kanilang mga mata mula sa pag-iyak.
“Enrico? Patawad kung agad kitang pinatigil sa panliligaw nang malaman ang tungkol sa anak mo. P- pero… Nakausap ko na ang pamilya ko. Walang kaso sa kanila ‘yon. Pero… Gusto ko lang din malaman kung interesado ka pa sa akin…” nahihiyang sabi ng dalaga.
“Hindi! Hindi lang gusto, gustong-gusto. Mahal pa nga, kung tutuusin e. Mamahalin kita ng buong-buo, Celine. Maraming salamat at hindi mo ako tuluyang sinukuan,” umiiyak na sagot ni Enrico habang hawak ang malambot na kamay ni Celine.
Labis namang napangiti ang dalaga ang lumuluha nang dahil sa mga narinig niya. Ngayon, handa na siyang tanggapin ang lahat ng responsibilidad na kaakibat ng pakikipagrelasyon sa isang single father.
“Mahal din kita, Enrico. Sinasagot na kita. Tinatanggap ko ng buong-buo ang pagkatao mo,” bulong ni Celine sabay yakap sa lalaki.
“Maraming salamat, mahal ko. Pangako, hinding-hindi ka magsisisi sa desisyon mong ito,” sagot ni Enrico.
Sabay na bumalik ang dalawa sa pagdiriwang sa bahay ng dalaga. Doon, ipinakilala ni Celine ang kaniyang nobyo, na siya namang nagustuhan agad ng lahat ng kamag-anak niya nang dahil sa kakaibang karisma nito. Lahat sila ay napangiti, dahil alam nilang sa wakas ay nasa mabuti at responsableng kamay na ang kanilang bunsong si Celine.
Sa panahon ngayon, madalas husgahan ang mga taong katulad ni Enrico. Ngunit gaya ng normal na tao, may karapatan pa rin silang sumaya’t umibig muli, at magkaroon ng pagtanggap mula sa lipunan.