Inday TrendingInday Trending
Pag-ibig na Nahanap ko sa Isang Lumpo!

Pag-ibig na Nahanap ko sa Isang Lumpo!

“Broken hearted ka na naman? Ano ba ‘yan, lagi ka na lang iniiwan! Ano bang kulang sa’yo?” takang tanong ni Mildred kay Katleya.

“Hindi ko nga alam e! Ang malas ko lang talaga sa pag-ibig,” malungkot na tugon ni Katleya.

Bumuntong hininga muna si Mildred saka tinapik ang likuran ni Katleya. “Hayaan mo na. Baka nasa sinapupunan pa ng nanay niya ang lalaking magmamahal sa’yo,” biro ni Mildred dahilan upang magtawanan na lamang silang magkaibigan.

Makalipas ang limang buwan mula noong nagkausap sila ni Mildred dahil iniwan siya ng dating kasintahan na si Wilbert. Ngayon ay maayos na ang pakiramdam niya at hindi na siya nasasaktan pa sa nangayaring kabiguan.

“Hi Katleya,” masayang bati ni Eric sa kaniya.

“H-hi Eric,” alanganing sagot naman ni Katleya.

Nasa traabaho sila kaya medyo naiilang siya sa lalaki. Tuwing break time ni Eric ay lagi ito dumadaan sa pwesto niya akay-akay ang wheelchair nito. Oo, may polio ang lalaki kaya hindi balanse ang dalawang paa nito, dahilan upang hindi nito magawang makapaglakad. Pero sa kabila ng kapansanan ni Eric ay masipag itong magtrabaho bilang isang Elevator Operator sa Mall na pinapasukan nilang pareho. Mabait din ang lalaki kaya agad niya itong nakagaanan ng loob at naging kaibigan.

“Sabay ulit tayong kumain mamaya ah,” aya ni Eric kay Katleya.

“Oo ba. Libre mo ba ulit?” nakangiting wika ni Katleya.

“Sure,” maiksing sagot ni Eric.

Ganun lagi ang tagpo nina Eric at Katleya, lagi silang magkasabay kumain at umuwi. Hinahatid niya ang lalaki sa sakayan nito ng tricycle bago siya uuwi sa kanila. Hanggang sa bahay ay ka-text niya pa rin ang lalaki. Sobrang gaan ng loob niya rito at komportableng-komportable na siya kasama si Eric. Hanggang isang araw ay may inamin ito sa kaniya.

“Katleya, gusto kong humingi ng tawad sa’yo,” umpisa ni Eric.

“Huh! Bakit naman? Anong kasalanan mo sa’kin?” takang tanong ni Katleya.

“Nagugustuhan na kasi kita. Hindi ko alam kong kailan nagsimula, pero ewan ko ba? Alam kong wala akong karapatang mahalin ka Kat, kasi hindi naman ako ang type mong lalaki. Sino ba naman ang magkakagusto sa isang may kapansanan na tulad ko,” wika ni Eric.

“H-hindi naman sa ganun Eric, pero–”

“Kat, hindi ko naman hinihiling na sana gustuhin mo rin ako katulad ng pagka-gusto ko sa’yo. Ang sa’kin lang ay nasabi ko sa’yo ‘yong nararamdaman ko. Pakiramdam ko’y gumaan na ang bigat na dinadala ko,” ngiting wika pa nito.

“Pasensya ka na Eric ah,” malungkot na wika ni Katleya.

“Okay lang Kat, naiintindihan kita. Basta friends pa rin tayo,” masayang wika ni Eric na agad namang tinugunan ni Katleya.

Ngunit mula ng araw na iyon ay hindi na muling nakita ni Katleya si Eric. Hindi na rin ito sumasagot sa mga text at tawag niya. Balita niya rin ay ilang araw nang hindi pumapasok ang lalaki. Kaya nagdesisyon siyang puntahan ito sa mismong bahay nito.

“Bakit nandito ka, Kat?” takang tanong ni Eric ng pagbukas nito ng pintuan ay makita siya.

“Bakit hindi ka na pumapasok sa trabaho? Akala ko ba friends pa rin tayo. Bakit parang iniiwasan mo na ako?” dire-diretsong tanong ni Katleya.

“Nahihirapan kasi ako kapag nakikita kita, Kat,” pag-amin ni Eric. “Nasasaktan ako kahit alam ko naman na wala akong karapatan. Sinisisi ko ‘yong kapansanan ko kasi kung hindi ako ganito, baka sakaling pwede mo akong mahalin. Wala akong kalaban-laban sa kapansanan ko Kat e! Paulit-ulit niyang sinasampal sa’kin na wala akong silbi sa mundong ‘to,” tumatangis na wika ni Eric habang panay ang hampas sa na polyong paa.

Agad naman iyong pinigilan ni Katleya. “Tama na ‘yan Eric,” humihikbi na rin niyang wika. “Gusto rin kita. Gusto kita dahil mabait ka at maalaga. Ikaw lang ‘yong lalaking nagparamdam sa’kin kung gaano ako kahalaga. Sorry kung hindi ko pa masabing mahal kita. Pero maniwala ka, gusto kita Eric,” dugtong ni Katleya habang mahigpit na nakayakap kay Eric.

“Baka kaya mo lang nasasabi ‘yan dahil naaawa ka sa’kin,” mahinang sambit ni Eric.

“Hindi. Alam kong hindi iyan ang nararamdaman ko sa’yo. Minsan man ay hindi kita tiningnan sa parang may kapansanan ka. Una kong nagustuhan ang ugali mo kaya naging magkaibigan tayo. Naguguluhan pa rin ako hanggang ngayon kung gusto lang ba kita o mahal na kita. Pero, ayokong mawala ka sa’kin Eric,” kumpisal ni Katleya.

‘Tulungan mo akong maliwanagan. Pakiusap huwag mo akong layuan, kasi hindi ko kaya Eric,” nakikiusap na wika ni Katleya at muli siyang hinapit ni Eric upang yakapin ng mahigpit. Sapat na ang yakap ni Eric upang malaman niya ang sagot nito.

At tulad ng inaasahan ni Katleya ay pinatunayan nga ni Eric sa kanya ang wagas na pagmamahal nito sa kabila ng kapansanan ni Eric. At ngayon ay alam na niyang hindi lang basta pagka-gusto ang naramdaman niya sa lalaki, dahil mahal na nga niya si Eric. Pinipigilan lang niya dahil ayaw niyang mahusgahan. Pero hindi na ngayon dahil wala na siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Hangga’t wala silang naaapakang ibang tao ay wala silang dapat ipag-alala.

Nung una ay hindi matanggap ng pamilya ni Katleya si Eric dahil sa kapansanan nito, ngunit makalaunan ay walang nagawa ang mga magulang niya nang magdesisyon silang magpakasal.

Sa ilang ulit na kabiguan sa pag-ibig ay hindi inaasahan ni Katleya na sa isang may kapansanan niya matatagpuan ang wagas at tunay na pagmamahal. Totoo nga ang sinasabi nila. Kapag mahal mo ang isang tao, hinding-hindi mo makikita kung ano man ang mali sa kaniya. Dahil minahal niya si Eric sa kabila ng kapansanan nito.

Advertisement