Inday TrendingInday Trending
Manong, Huwag Po!

Manong, Huwag Po!

Hatinggabi na at palabas pa lang si Geline sa trabaho.

“Alam mo, friend, feeling ko talaga tayo ‘yung may pinakamalas na schedule. Gusto ko nang magpapalit ng pang gabi o ‘di kaya pang umaga talaga. Papat*yin na ako sa kaba tuwing uuwi tayo ng ganito,” saad ni Geline sa kaniyang kaibigan.

“Wala, eh, ganun talaga. Hindi naman tayo puwedeng mamili ng oras. Kung malaki lang ang pasahod sa mga regular na kompaniya ay hindi ko papasukin ang call center,” sagot naman sa kaniya ni Valerie, ang matalik na kaibigan ng dalaga.

Sabay na lumaki at sabay na nag-aral ang dalawang magkaibigan. Halos tunay na magkapatid na ang turing nila sa isa’t isa kaya naman kahit sa trabaho ay parehas pa rin sila ng pinasukan.

Noong una’y ayaw ni Geline sa call center ngunit nang makita niyang malaki nga ang kinikita ni Valerie ay naengganyo na rin siya na samahan ang kaibigan.

“Kung hindi mo na kaya puwede ka naman mag-resign, Geline. Hindi naman ako magtatampo,” dagdag pa ni Valerie.

“Hindi naman ikaw ang pinasok ko rito kung ‘di ‘yung malaking sahod! Tsaka kapag lumipat ako ng ibang kompaniya ay magkakaroon ka na ng ibang kaibigan at ‘yun naman ang hindi ko kayang payagan!” saad ni Geline sabay yakap sa kaibigan.

“Sus, tigilan mo na ko. Tara na. Umuwi na tayo. Sagot ko na ang Grab!” pahayag naman ni Valerie at sabay silang nagtawanan.

Magkalapit lang din ang tinitirhan nilang dalawa at kung minsan ay napagkakamalang may relasyon daw ang mga ito sa sobrang lapit sa isa’t isa. Pero sigurado naman silang hanggang magkaibigan at magkapatid lamang talaga ang tingin nila sa bawat isa kaya hinahayaan na lamang nila ang malisyosong tingin ng ibang tao.

Nagpaalam na silang dalawa sa isa’t isa tsaka nagpahinga. Halos alas tres na rin iyon ng madaling araw.

Kinaumagahan ay nabulabog ang kwarto ni Geline sa lakas ng katok ng kaniyang nanay.

“Ma, maaga pa! Mamaya pa pong ala una ng tanghali ang pasok ko! Gusto ko pang matulog,” sigaw ni Geline sa kaniyang nanay.

“Si Valerie! May nangyaring masama! Lumabas ka diyan,” sigaw ni Aling Martha, ang nanay ng dalaga.

Mabilis na kumaripas ng tayo si Geline upang buksan ang pinto.

“Si Valerie nagpakam*tay raw! Puntahan mo sa bahay nila. Dalian mo at nandoon na ang mga pulis,” wika ni Aling Martha.

Mabilis na kumabog ang puso ni Geline at tila nawalan ng lakas ang kaniyang mga tuhod. Nanginginig siya sa kaniyang narinig at paulit-ulit na nagdasal na sana hindi totoo ang kaniyang nalaman. Ngunit huli na siyang ng dating dahil ibinaba na sa pagkakabitin ang kaniyang kaibigan. Namumula ang leeg nito at dilat pa ang mga mata.

“Ano pong nangyari?” tanong ni Geline sa mga pulisya.

“Nagpakam*tay ‘yung biktima. Nag-iwan ng sulat, mensaheng pagod na raw siya sa buhay niya,” sagot naman ng isa sa mga pulis.

Walang nagawa si Geline kung ‘di yakapin ang malamig na bangkay ng kaniyang matalik na kaibigan.

Pangalawang araw na ngayon ng lamay ni Valerie at parang pinagsakluban ng langit at lupa ang pakiramdam ni Geline sa pagpasok sa trabaho. Gusto na niyang umalis ngunit hindi pa siya pinapayagan ng kaniyang team leader.

“Shit, ayaw ko na talagang pumasok. Wala na nga akong kaibigan wala pa akong kasabay sa ganitong oras. Valerie, naman kasi! Bakit mo ako iniwan?” umiiyak na tanong ni Geline sa sarili habang naghihintay na may kumuha ng booking niya sa Grab.

Alas dos na ng gabi ngunit pauwi pa lang si Geline at wala ring Grab na makuha. Paano’y malakas ang ulan. Kaya pinatos na ni Geline ang taxi.

Pagsakay pa lang niya ay agad na sumakit ang ulo ng dalaga. Ito ang pinakaayaw niya sa taxi, ang nakakahilong amoy nito.

Hindi pa man din sila nakakalayo ng biyahe ay napansin na ni Geline ang panay na pagtingin sa kaniya ng driver. Maya’t maya ang sulyap nito sa kaniya.

“Lord, huwag naman po sana. Please,” dasal ng dalaga habang iniiwasan ang tingin ng driver.

“Manong, may problema ba?” matapang na tanong ni Geline sa lalaki. Medyo may edad na ito ngunit malaki ang katawan kaya kinakabahan ang dalaga. Isang sapak lang sa kaniya nito’y siguradong babagsak siya.

“Ah, wala naman,” sagot ng lalaki. Medyo basag at nanginginig ang boses nito sabay tingin ng diretso sa daan.

Hinayaan na lamang ni Geline ang driver at patuloy siya sa pagdarasal. Hindi nawawala ang kaba sa kaniyang puso at mas lalo pa ngang tumindi ito nang itigil ng lalaki ang sasakyan sa tabi. Hindi pa ito ang bahay ng dalaga.

“Manong, huwag po!” mabilis na sigaw ni Geline at nagpupumilit siyang buksan ang pinto ngunit nakasara ito.

“Hija, saglit lang,” malalim na boses ng lalaki. “Hindi kita sasaktan pero kailangan mo munang kumalma,” dagdag pa ng lalaki sabay harap sa dalaga.

“Manong, huwag po. Parang awa niyo na po,” naluluhang sabi ni Geline at napapikit na lang ng mata.

“Hija, hindi raw siya nagpakam*tay,” wika ng driver.

“Ha?” tanong ni Geline at mabilis niyang idinilat ang mga mata.

“Akala ko kanina namamalikmata lang ako nung pinara mo ako pero kanina mo pa siya kasama at nakayakap sa’yo. Tulungan mo raw siya,” pahayag pang muli ng lalaki.

Mabilis na tumindig ang balahibo ng dalaga sa sinabi sa kaniya ng driver. Hindi siya makapaniwala sa naririnig.

“Bigyan mo raw siya ng hustisya. Ikaw lang daw ang makakatulong sa kaniya. Ginah*sa raw siya ni Mario,” dagdag pa ng lalaki habang nakatingin sa tabi ni Geline na tila may kinakausap talaga ito.

Hindi maaaring gawa-gawa lamang ng driver ang mga sinasabi nito dahil sa binanggit nitong tao kaya mabilis na naniwala si Geline sa lalaki.

“Manong, puwede niyo po bang sabihin na miss na miss ko na siya. Gagawin ko po ang lahat para mabigyan siya ng hustisya,” umiiyak na sagot ng dalaga.

“Naririnig ka niya, hija. Pasensya ka na kung kanina pa ako tingin nang tingin sa’yo. Kanina pa kasi niya ako pinipilit na kausapin ka. Huwag kang mag-alala. Ihahatid kita ng ligtas sa inyo,” sagot ng lalaki kay Geline.

Hindi na nagsalita pa si Geline at napuno na lamang ng iyak niya ang sasakyan.

Kinaumagahan ay kagaad na nagpa-imbestiga si Geline sa bangkay ng kaibigan. Pina-autopsy niya ito at doon napatunayan na ginah*sa nga ang kaibigan. Mabilis na umaksyon ang mga awtoridad. Hindi naman nahirapan pang malaman kung sino ang may sala dahil umamin din ito.

Hindi nga nagkamali ang taxi driver sa kaniyang sinabi dahil si Mario nga talaga ang gumah*sa at kum*til sa buhay ni Valerie.

“Hindi ko na ho kaya. Aamin na ho ako! Paulit-ulit siyang nagmumulto sa akin!” sabi ni Mario, ang amain ni Valerie na kasama na dalaga sa bahay.

Dati pa man ay hindi na maganda ang pakiramdam ni Valerie sa lalaki ngunit wala siyang magawa. Simula nung pumanaw ang kaniyang nanay ay silang dalawa na lang ang natira.

Masakit man na nawala na ang kaisa-isa niyang matalik na kaibigan ay mas panatag naman ngayon ang kalooban ni Geline dahil alam niya ngayon na matatahimik na ang kaluluwa ni Valerie.

Advertisement