Inday TrendingInday Trending
Pinaalaga ng Babae sa Kapatid ang Anak Nito, Mas Itinuring pa Itong Ina ng Bata Kaysa sa Kanya

Pinaalaga ng Babae sa Kapatid ang Anak Nito, Mas Itinuring pa Itong Ina ng Bata Kaysa sa Kanya

May planong mangibang bansa si Riza ngunit hindi inaasahang nabuntis siya ng kanyang nobyo na nang nalamang nagdadalantao siya ay bigla na lamang hindi nagpakita, kaya hindi niya malaman kung ano ang gagawin.

“Bakit ngayon pa, na gusto kong pumunta ng Amerika para magtrabaho saka pa ako nabuntis ng gagong iyon!” inis na wika ng babae.

“Ate, nariyan na iyan, e. Ayaw mo nun, magkaka-baby ka na. May makakasama ka na sa pagtanda mo,” sabi naman ng kapatid na si Relyn.

“Hindi pa ako handang magkaanak, Relyn. Marami pa akong pangarap na gustong maabot. Magiging sagabal lang ang batang ito! Ang mabuti pa siguro ay ipalaglag ko na lang ‘to.”

“Ate, matakot ka sa Diyos! Kasalanan iyang gagawin mo,” aniya,

Hindi na napigilan pa ni Riza na maiyak sa sitwasyon niya.

“Anong gagawin ko? Hindi puwede ‘to,” anito.

Nahabag ang dalaga sa kapatid kaya nakaisip ito ng paraan sa problema nito.

“Ituloy mo ang pagbubuntis ate at kapag nakapanganak ka ay ako ang mag-aalaga sa anak mo. Maitutuloy mo ang pagpunta sa Amerika pero ako ang tatayong ina ng bata.”

Agad na pumayag si Riza sa gustong mangyari ng kapatid kaya ipinagpatuloy niya ang pagbubuntis hanggang sa maisilang niya ang sanggol.

“Wow, ang guwapo-guwapo namang bata ng anak mo!” gulat na wika ni Relyn nang makita ang bata.

“Ngayong nakapanganak na ako ay tuparin mo ang sinabi mo na ikaw ang mag-aalaga sa anak ko. Huwag kayong mag-alala dahil magpapadala ako ng pera para sa mga pangangailangan niyo.”

Natuloy ang pag-alis ni Riza papuntang Amerika para magtrabaho at naiwan kay Relyn ang responsibilidad sa pag-aalaga sa anak nito na pinangalanan nilang Rocky.

Tumayong ama at ina ang dalaga sa kanyang pamangkin sa loob ng pitong taon. Napamahal na sa kanya ang bata at itinuring na niya ito na sarili niyang anak.

“Nanay, nagugutom na po ako!” sigaw ni Rocky.

“Ito na ang nanay! O, ipinagluto kita ng paborito mong fried chicken!”

“Wow, mukhang masarap, nanay!”

“Kain na, anak. Pakabusog ka, mwah!” sabay halik sa pisngi ng pamangkin.

Habang pinagmamasdang kumain ang pamangkin ay bigla niyang naisip na sana ay huwag kunin ng kanyang kapatid ang bata sa kanya. Hindi niya yata kakayaning mahiwalay rito. Para sa kanya ay siya na ang totoong ina ni Rocky.

Isang araw ay nagising siya na mataas ang lagnat ng bata. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, nataranta siya dahil ngayon lang ito nagkasakit. Isinugod niya ito sa ospital at magdamag na binantayan. Hindi naman malubha ang kundisyon ng bata kaya nailabas din niya ito agad at iniuwi sa bahay.

“Anak, inumin mo muna itong gamot mo, para tuluy-tuloy na ang paggaling mo,” aniya at isinubo ang kutsaritang may gamot.

Nang makatulog si Rocky ay hindi siya umalis sa tabi nito at tinabihang matulog.

Kinaumagahan, habang kumakain sila ng almusal ay biglang may kumatok sa pintuan. Agad niya iyong binuksan at hindi niya inasahan kung sino ang iniluwa niyon.

“Ate Riza?”

“Relyn, kapatid ko!” anito sabay yakap nang mahigpit sa kanya.

“Kumusta ka na, kayo? Nasaan ang anak ko?” tanong ng babae.

“K-kailan ka pa dumating, B-bakit hindi ka man lang nagpasabi para nakapaghanda man lang ako?”

“Nung isang araw pa! Tumuloy muna ako sa hotel bago dumiretso dito. May mga dala akong pasalubong sa inyo,”

Nang biglang lumapit si Rocky sa dalawa.

“Nanay, sino po siya?” tanong ng bata.

Nang makita ni Riza ang anak ay agad niya itong niyakap at pinaghahalikan sa pisngi.

“Rocky, anak! A-ako ang nanay mo, ang tunay mong nanay!”

Tila nabigla ang bata sa sinabi ni Riza kaya nag-iiyak ito.

“Hindi, hindi ikaw ang nanay ko! Si Nanay Relyn lang ang nanay ko!”

Nagulat si Riza sa inasal ng anak. Hindi siya makapaniwalang hindi siya nito nakikilala bilang ina.

“B-bakit hindi niya ako kilala, Relyn?” nagtataka niyang tanong.

Bumuntong-hininga muna ang dalaga bago sinagot ang kapatid.

“Kay tagal mong hindi umuwi, ate. Kahit tawag o sulat wala. Panay padala ka lang ng pera at mga pasalubong, tapos sasabihin mo kung bakit hindi ka kilala ng anak mo?” aniya sa mahinahong tono.

“Pero ako ang ina niya, may karapatan pa rin akong kilalanin ng sarili kong anak!”

“Mula nang pumayag ka sa sinabi ko noon na ako ang mag-aalaga at tatayong ina ni Rocky ay ako na ang kinilala niyang ina.”

“Mas may karapatan pa rin ako kaysa sa iyo dahil ako ng totoong ina, ako ang nagluwal sa kanya.”

“Ate, ikaw lang ang nagluwal, ako ang nakasama niya sa paglaki niya. Nasaan ka nung umiiyak siya dahil nasugatan siya, nasaan ka nung takot na takot siyang matulog dahil palaging binabangungot, nasaan ka nung magkasakit siya at isinugod sa ospital? Wala ka!”

Hindi akalain ni Relyn ang sumunod na gagawin ni Riza. Lumuhod ito sa harapan niya at nagmamakaawang kunin ang anak nito.

“Kapiling mo na siya ng pitong taon, hayaan mo naman akong maging ina sa anak ko, pakiusap, Relyn!” anito habang dumadaloy ang masaganang luha sa mga mata.

Sadyang marupok si Relyn. Hindi niya matiis ang kapatid na nagmamakawa ng ganoon sa kanya, kaya masakit man sa loob niya ay handa niyang ibalik rito ang anak na siya ang nagpalaki at nag-aruga.

“P-pumapayag na ako, ate. Pakiusap, mahalin mo si Rocky gaya nang pagmamahal ko sa kanya.”

Bumigay na rin si Relyn at humagulgol na rin ng iyak habang yakap-yakap ang kapatid.

Kinausap ng dalaga ang pamangkin. Ipinaliwanag nito ang lahat sa bata, na siya ang tiyahin nito at si Riza ang totoo nitong ina na nangibang bansa para mabigyan ito ng magandang buhay. Naintindihan naman ni Rocky ang mga sinabi niya rito.

Dumating ang araw ng pagpapaalam ni Relyn sa pamangkin dahil iyon na ang takdang panahon para dalhin ni Riza ang anak sa Amerika.

“Rocky, magpapakabait ka dun, ha? Palagi mong susundin si Nanay Riza mo?”

Walang imik ang bata at parang wala itong narinig sa mga sinabi niya.

Habang pasakay ng taxi ay humihikbi na ang bata at biglang tinawag ang kanyang pangalan.

“Nanay Relyn, Nanay Relyn!”

“Anak, sumama ka na sa kanya, sa tunay mong nanay!” sigaw niya rito.

“Ikaw lang ang nanay ko, Nanay Relyn!” hanggang sa tuluyan na itong humagulgol.

Naawa si Riza sa anak at pinababa ito sa sasakyan.

“Sige na, anak! Bumalik ka na sa Nanay Relyn mo!” anito sa papaiyak na boses.

Nagtatakbo palapit kay Relyn ang pamangkin at agad na yunakap sa kanya nang mahigit.

“Nanay, nanay ko!”

Nilingon ng dalaga ang nakatatandang kapatid.

“Hindi ako ang kailangan niya kundi ikaw. Bahala ka na sa anak natin!” sigaw ng kanyang ate.

Tuluyang umalis si Riza papunta sa paliparan para bumalik sa Amerika. Hinayaan niya ang gusto ng anak na makapiling ang kinilala nitong ina.

Sa isip ni Relyn ay lubos siyang nagpapasalamat sa kapatid dahil hindi nito binawi ang isa sa pinakamahalagang yaman niya sa mundo, si Rocky.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement