Ang Buong Akala ng Gurong Ito ay Sadyang Tamad at Walang Gana Lang ang Isang Estudyante Niya, Hanggang sa Malaman Niya ang Malalim na Dahilan sa Likod Nito
Dapat lamang na pantay-pantay ang tingin ng mga guro sa lahat ng kanilang mag-aaral. Ang problema lang ay hindi naman iyon palaging nasusunod, karaniwang napapaboran ang mga estudyanteng magaling at mabait sa eskwela. Samantalang kinaiinisan at inaayawan naman ang mga pasaway.
Ngunit isa sa kanyang mga estudyante ang nagpabago ng pananaw niya tungkol sa mga pasaway na mag-aaral.
Si Miguel ay isa sa kanyang mga estudyante na napakatahimik. Kahit magtawanan na ang ibang mga bata ay titingin lamang ang batang ito.
Maayos naman ang batang ito, tahimik, naka-salamin, at laging malinis ang kanyang mga sapatos. Ang problema lang ay ang pagiging sobrang tahimik niya.
Hindi maintindihan noong una ni Mam Sally kung talaga bang mahiyain lamang siya. Ngunit habang tumatagal ay napansin niyang hindi nakikisali ang batang ito sa mga class activities. At maging sa kanyang itsura ay nagiging pabaya pa ito. Dahil dito ay halos walang kumakausap sa kanya sa iba niyang mga kaklase.
“Mam, eh hindi naman po tumutulong si Miguel!” reklamo ng isang studyante.
“Puro pa reklamo si Miguel mam! Halos kami na nga po ang gumagawa ng trabaho niya sa group project,” gatong naman ng isa pang studyante.
Napapailing na lamang si Mam Sally, ngunit hindi niya pinapakita ang pagkainis sa harap ng mga estudyante niya.
Dumating ang bakasyon at habang nagpapakasaya ang karamihan ay ang mga guro ay kailangang reviewhin ang mga school records ng bawat estudyante sa kanilang klase.
Nang mapunta ang guro sa mga records ni Miguel ay laking gulat nito!
Ang guro ng bata noong siya nasa ikaunang baitang ay sinulat na: Siya’y isang matalino at napakagalang na bata. Ang ngiti niya ay talagang nagdadala ng kasiyahan sa mga nasa paligid niya.
Halos ganoon rin ang nakasulat sa ikalawang baitang niyang guro.
Ang kanyang guro sa ikatlong baitang ay sumulat ng: Napakabuti niyang estudyante at isa siya sa pinakamagaling sa klase. Ngunit hindi niya maipakita ang kanyang lahat ng kagalingan dahil ang nanay niya ay may sakit at naaapektuhan siya rito.
Samantalang ang kanyang ika-apat na baitang na guro ay sinulat ang: Mahirap ang pinagdadaanan ngayon ni Miguel dahil sa pagkawala ng kanyang nanay, na siya ring tigataguyod ng kanilang pamilya. Buhay pa ang kanyang tatay ngunit siya’y hindi maaasahan.
At ang kanyang ika-limang baitang naman na guro ay sinulat ang: Hindi nakikisama sa klase si Miguel. Ayaw niyang nakikisalamuha sa kanyang mga kaklase. Hindi rin siya interesadong matuto. Wala siyang sinasamahang kaibigan at palagi siyang tulog sa klase.
Noon lamang natutunan ng kanyang guro ang lahat ng nangyari sa bata. Lagi pa man din niya itong naiichapwera lamang dahil tahimik at hindi nakikihalo-bilo.
Nahihiya siya dahil hindi niya inintindi ang estudyante at naisipan pa niya itong tamad at mahirap turuan.
Nang matapos na ang bakasyon, tradisyon na ng mga estudyanteng bumalik ng paaralan na may dalang regalo sa kanilang mga guro.
Maraming natanggap na regalo si Mam Sally. Ngunit iisang regalo ang nakakuha ng kanyang atensyon.
“Huh? Ano kaya ito?!” tanong niya habang tinititigan ang regalong hawak sa kamay.
Nakabalot ito sa gusot-gusot na papel hindi tulad ng ibang mga regalong nakabalot sa makukulay at mamahaling papel at ribbon.
Nang buksan ito ni Mam Sally, napagalaman na galing pala ito kay Miguel. Nakalagay dito ang isang lumang bracelet at isang bote ng pabango na halos kalahati na lamang ang laman.
Sinuot ng guro ang bracelet nag spray siya ng kaunting pabango sa kanyang kamay. Tinignan niya si Miguel at sinabing, “Salamat hijo, napakaganda nito.”
Nang marinig ito ng bata ay naluha ito ng sobra matapos matuwa sa sinabi ng kanyang guro.
Simula noon, hindi kinalimutan ni Mam Sally na maturuan ng maayos ang bata at patuloy na pinarangalan na mag-aral nang mabuti.
Kaya naman, hindi kagulat-gulat na siya ang naging pinakamagaling sa kanilang klase.
Dahil din doon, naka-graduate ang bata at nagpatuloy lamang ng pag-aaral hanggang sa siya ay magkolehiyo. Ngunit patuloy pa rin siyang sumusulat sa kanyang gurong si Mam Sally.
“Mam, kumusta na ho kayo? Mahirap po ang mga subjects ko dito pero masayang matuto. Salamat po ha, sa patuloy niyong pagtitiwala sa akin na kaya ko pala ang bumangon at maging magaling ulit.”
At ang kanyang sulat ay laging magtatapos sa, “Ikaw pa rin ang pinakamagaling na guro na nakilala ko.”
Ilang taon pa ang nakalipas at ang nakuhang liham ng guro ay ang tungkol sa kasal ni Miguel.
Kaya naman, hindi nagdalawang-isip pumunta ni Mam Sally sa mahalagang araw ng binata.
Sa araw na iyon ay sinuot niya ang bracelet at ang pabango na niregalo ni Miguel sa kanya noon.
At nang magkitang muli ang dalawa, niyakap ni Miguel ang kanyang butihing guro at bumulong ito, “Mam Sally, salamat. Lahat po ito ay dahil sa inyo.”
Humagulgol ang guro at sinabing, “Mali ka, hijo. Hindi ko alam kung paano maging guro noon hanggang sa makilala kita.”
Masaya ang dalawa dahil sila’y naging parte ng buhay ng isa’t-isa sa espesyal na paraan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito? I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino. Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!