Mahirap man ang buhay nila Amy at Luis, hindi ito naging hadlang upang sila ay maging mabubuting magulang sa kanilang mga anak. Isang jeepney drayber si Luis at si Amy naman ang nag-aalaga sa kanilang dalawang supling. ‘Pag araw ng sabado at linggo ay sinasamahan nilang mag-iina si Luis sa pagbiyahe nito. Sila ay nakapwesto sa tabi Luis palagi, nagbabaon sila ng kumot at unan para ‘pag inantok ang mga bata ay maaring matulog ang mga ito sa harapan.
Madalas ay pinagtitinginan sila ng mga pasahero ni Luis. Hindi dahil sa paghuhusga kundi dahil sa saya na makikita sa kanilang mag-anak basta sila ay magkakasama.
Dalawa ang anak ni Amy at Luis. Ang panganay nila ay si Justin na kasalukuyang ika-dalawang baitang sa eskwelahan. Ang bunsong anak naman nila ay si Amira na isang taong gulang pa lamang. Kapag nasa biyahe ay madalas tulog si Amira, samantalang si Justin naman ay masiglang nag-aabot ng bayad at sukli sa kanyang ina. Lagi nila itong gawain para matulungan ang kanilang padre de pamilya.
Dahil sa tindi kasi ng pangangailangan ay araw-araw ng buma-biyahe si Luis, kaya pati ang sabado at linggo na dapat ay nakalaan para sa kanyang pamilya ay inilalaan na lang niya sa pagta-trabaho. Kaya ang pagsama ng mag-iina niya tuwing ganitong mga araw ay talagang mahalaga at nakakapagpasaya kay Luis. Hindi nila alintana ag mga pasahero sa likod, malayang nakakapagkwentuhan ang mag-anak habang nasa biyahe. Tila sinusulit ang bawat sandali na magkakasama sila, tinututirng na ang biyahe ay ang kanila na ring pamamasyal.
“O anak, parinig mo nga kay papa mo yung tula mo para bukas,” wika ni Amy.
“Nahihiya po ako mama, maririnig po nila ako,” sagot ng maliit na boses ni Justin habang turo-turo ang mga pasahero sa likod.
“Okay lang ‘yan anak. Paano ka masasanay sa pagtula mo bukas sa eskwelahan niyo? Mas maraming manonood doon, kaya dapat dito pa lang ay sanayin mo na ang sarili mo,” payo ni amy sa anak.
“Sige na ‘nak. Bigkasin mo na yung tula mo. Para marinig ko,” ani Luis.
Nang maging handa si Justin ay binigkas na niya ang kanyang tula. Hindi niya namamalayan ay namamangha na ang mga pasahero na nakikinig sa likod nila. Pinapahinto pa nga ito ng tatay niya kapag may mali itong nabibigkas o mali ang emosyon sa pagkakasabi.
“Teka anak, ulitin mo yung linya na ‘yon. Dapat malungkot anak pag binigkas mo ‘yan,” payo ni Luis sa anak.
At susundin naman ito ni Justin. Paulit-ulit niya itong binibigkas hanggang tuluyan niyang matapos at malagyan ng tamang emosyon ang bawat linya. Sa likod, makikita ang mga pasahero na namangha sa talentong taglay ng batang si Justin. Napapangiti pa nga ang iba sa mga ito.
“Galingan mo bukas anak ha?” wika ni Luis na patuloy na nagmamaneho.
“Opo papa, gagalingan ko po. Manunuod ba kayo papa?” sabik na tanong nito sa ama.
“Susubukan ko, anak. Sayang din kasi ang biyahe. Si mama mo naman at si Baby Amira ay nandoon para mapanuod ka. Ipanalo mo anak ha?” pagpapalakas ng loob ni Luis sa kanyang anak.
“Opo papa gagalingan ko po,” sagot ni Justin na nakangiti.
“May isusuot na ba itong anak mo para bukas?” tanong ni Luis kay Amy.
“Wala pa nga e. Butas-butas na kasi ang mga polo niya. Ihihiram ko na lang siya kay Esther kaso mas malaki yung anak kaysa kay Justin,” sagot ni Amy.
“Talian mo na lang ng goma sa likod para humigpit kung sakaling maluwag. Mahina pa kasi ang biyahe pero kung malaki-laki naman ang kikitain natin mamayang gabi, subukan natin siyang bilhan. Siyempre, lalo na at anak ko ang mananalo sa pagtula,” pagmamalaki nitong sinabi.
Habang nangyayari ang mga ‘yon ay nanunuod lamang ang ilang pasahero sa likod. Aliw na aliw sila kay Justin. Maya-maya ay mag nag-abot ng pera kay Amy na isang matandang babae.
“Kunin mo na ito, ibili mo ang anak mo ng magandang polo. Yung magmumukha siyang artista,” nakangiting sabi ng matandang babae kay Amy.
Nahiya ang dalawang mag-asawa at pilit ibinabalik ang inabot na pera ng matanda. At pinilit din ng matanda na tanggapin nila ito hanggang kay Justin niya mismo ito ibinigay para sigurado.
“Anak, o heto! Regalo ko ‘yan sayo, dahil isang kang bibo at talentadong bata. Galingan mo bukas ha?” wika ng matanda kay Justin.
Ibabalik din sana ni Justin ang inabot na para ng ale, ngunit nakababa na ito ng jeep. Dinungaw na lang ni Amy ang matanda at malakas na nagpasalamat.
Kinagabihan ay dumaan muna ang mag-anak sa bilihan ng damitt upang ipamili si Justin ng isusuot niya bukas para sa patimpalak. Nang makabili ay may natira pang barya sa binigay na pera ng ale, kaya bumili pa sila ng ihaw-ihaw sa kanto na dinaanan para mai-ulam nila ito.
Pagkauwi ay pinagpatuloy ni Justin ang pag-eensayo at pabigkas nito ng mga tula.
“Papa, subukan mo pa ring pumunta sa eskwela ha? Gagalingan ko pa!” ani Justin.
Kinabukasan, nagsimula na nga ang ibang palaro. Panghuli ay ang pagbigkas ng tula at kwento ng mga estudyante. Habang nag-aantay si Justin ay hindi ito mapakali, dahil baka nalimutan ng kanyang mga magulang ang kaganapan ngayon sa paaralan.
Nagsimula na nga ang programa ngunit wala pa rin si Amy at Luis. Malapit na sanang maiyak si Justin, nang biglang narinig nito ang busina ng dyip ng kanyang tatay. Binilinan niya ito na pag-igihan at maging malakas ang loob.
At dahil nakita na rin nito sa wakas ang magulang, ay mas lalo itong ginanahan na galingan at gagawing pagtula. Kaya nang iaanunsyo na ang nanalo ay agad napatalon si Amy at Luis, dahil ang munti nilang prinsipe na si Justin ang nanalo. Mababaw man para sa iba ngunit nagkaiyakan ang mag-anak. Masaya sa pagkakapanalo ng kanilang anak, at sa pagdidiwang nila sa maliit na tagumpay na ito ay mas lalo nilang nalaman ang halaga ng isa’t isa. Kahit simple man ang buhay at madalas ay kinakapos, ay hindi pa rin ito alintana dahil puno naman ng pagmamahal ang kanilang munting pamilya.