Pinapili Niya ang Nobyo Kung Siya o ang Anak Nito sa Pagkabinata; Halos Mabaliw Siya sa Pagkakunsensiya nang Mabasa ang Diary ng Nobyo
“Hon, hindi muna kita madadalaw ngayong off ko ha? Ang dami ko kasing ginagawa at masama ang pakiramdam ni mama dahil sinisipon,” malambing na saad ni Matt sa kasintahang si Selena.
“Okay lang, sige.”
Tulak ng bibig, kabig ng dibdib. Tila pagod na si Selena sa palaging pakikihati sa oras at atensyon mula sa anak ni Matt sa dati nitong nobya na si Geline.
“Hindi naman kami nagkulang sa paalala sa iyo, Selena. Ako mismo, bago ako pinakasalan ng Kuya Robbie mo ay nilinaw ko sa kaniya na buy 1 take 1 ang eksena namin ng anak ko. Alam mo ‘yan. Kung hindi mo kayang ituring na sariling anak si Bryce ay huwag mo nang sayangin ang oras ni Matt. Napakabait ng taong ‘yon,” panenermon ng nakatatanda niyang kapatid na si Ate Ivy.
Hindi naman masamang tao si Selena. Katunaya’y kung ano-anong regalo at suporta ang binibigay niya kay Bryce upang mapasaya si Matt ngunit tila naninibago pa siya sa ganoong eksena kahit pa tatlong taon na silang magkasintahan ng nobyo.
Mahilig din sa bata si Selena at close na close niya ang mga pamangkin ngunit dahil nga kahawig na kahawig ni Geline ang bata ay nahihirapan siyang tanggapin at mahalin ito nang totoo.
Dalawang buwang buntis pa lamang si Geline ay nagloko na ito. Pumatol ito sa ibang lalaki at nahuli ito ni Matt sa isang resort habang kahalikan ang ibang lalaki. Matapos manganak ay parang asong iniwan na lamang ni Geline ang pobreng sanggol kay Matt. Mabuti na lamang at naroon ang mga magulang ng lalaki upang tulungan siya sa pagpapalaki sa bata.
Naging bukas naman siya kay Matt ukol dito at natural lang naman na noong una ay naghinanakit ang nobyo ngunit nang tumagal ay inakala nitong natanggap na rin ng nobya ang anak hanggang sa nakapagbitaw si Selena ng isang napakasakit na salita.
“Nakakapagod na, Matt. Alam ko ang pinasok ko at mahal kita pero hindi ko na kaya. Napupoot ako sa anak mo! Makita ko pa lamang siya ay namumuhi na ako!” nanginginig pa ang boses ni Selena nang saglit siyang dinaanan ng nobyo sa bahay upang dalhan ng pagkain.
“Bakit sa dinami-rami ng bata sa mundo, anak ko pa ang kaisa-isang batang kinamumuhian mo?!” lumuluhang tugon ni Matt.
“Hindi ko alam! Basta! Mamili ka na lamang, ako o ang anak mo?!”
Napatakip ng bibig si Matt sa narinig. Tila hindi niya inaasahan na hahantong sa ganito ang sama ng loob ng nobya.
Hindi sinagot ni Matt ang dalaga at agad itong sumakay ng kotse at pinaharurot iyon nang mabilis.
Sa pagmamadali na makaalis ay nalaglag ang telepono nito at agad naman iyong iniabot ng pamangkin ni Selena sa dalaga.
Akmang ibabato pa ng dalaga sa bintana ang cellphone ngunit inawat siya agad ng ina.
“Huminahon ka muna Selena, Diyos ko! Ano ba’ng mali sa pagpapalaki namin sa iyo, anak? Mali yang inaasal mo!” natatarantang saad ni Aling Lorna sabay niyakap nang mahigpit ang anak.
“Manalangin tayo, anak. Humingi ka ng kaliwanagan sa Panginoon,” bigkas naman ng amang si Mang Homer.
Nang imulat ni Selena ang mga mata’y tila gumaan na ang pakiramdam niya. Doon niya naisip kalkalin ang cellphone ng nobyo.
“Online Diary”
Nausisa siya sa nakita at binasa ang laman noon.
“Mommy Selena, Baby Bryce, Daddy Matt”
Tumulo na ang mga luha ni Selena sa mga nakasulat sa unang pahina ng diary na iyon.
“For My Queen Mommy Selena:3 Bedroom House2-Car GarageWhite Walls and GatePastel Yellow Ceiling1 King Bed1 Double Bed1 Kids Room”
Lahat pala ng sinasabi niya sa nobyo ay isinusulat nito at sinisimulan nang buuin.
Nakabili na rin ito ng lupa sa Maynila upang pagtayuan ng kaniyang dream house.
“One day, we will live happily ever after. Mrs. Selena Lucas-Manuel…”
Naroon pa ang petsa kung kailan ito dapat magpropropose sa kaniya.
Sising-sisi si Selena sa inasal at doon niya napagtanto na sa kabila ng pagiging binatang ama ay siya pa rin ang ginawang prayoridad at inspirasyon ng kasintahan.
“Anak, ang pagkakaroon ng anak ay isang malaking obligasyon at pananagutan sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kapag hindi mo na gagamitin ay ipamimigay o itatapon mo na. Kung pinabayaan namin kayo ng nanay niyo, mapapatawad niyo ba kami? Mapapatawad ba kami ng Diyos? Mapapatawad ba namin ang aming mga sarili?” usad ng ama ng dalaga.
Sising-sisi si Selena sa inasal at nangibabaw ang pagkakunsensiya niya. Doon niya rin napagtanto na mahal na mahal niya si Matt at hindi niya kayang mawala ito sa kaniya.
Ngunit nagdesisyon siya na lumayo na lamang at huwag nang makihati pa sa oras at atensiyon na kailangang-kailangan ni Bryce mula sa ama.
Maski hindi nag-uusap ay pinakikiusapan niya ang kaniyang Ate Ivy na kumustahin at pirmeng padalhan ng mga pagkain at laruan ang mag-ama.
Halos tatlong buwan na niyang hindi hinaharap si Matt sapagkat sa palagay niya ay hindi siya nararapat at nababagay sa taong kagaya ng nobyo na napakabait.
Isang araw habang naglalakad pauwi mula grocery ay gulat na gulat si Selena sa nakita.
“Mommy, don’t hurt me!”
“Bryce, anak!” tila umiral ang pusong ina ni Selena at biglang hinatak ang isang batang paulit-ulit na pinipingot ng ina.
“Huwag kang makialam! Sino ka?!” wika ng babae pagkatapos ay pinagsasampal ang batang lalaki na halos kaedad ni Bryce.
Nawalan na siya ng kontrol at sinabunutan ang babae.
“Tita Selena!”
“Hon!!!”
Natauhan lamang siya nang marinig ang tinig ni Bryce at ni Matt.
Nang makita si Bryce ay saka niya lamang binitiwan ang babae at saka tumakbo papunta sa bata. Agad din namang sumaklolo ang ama ng bata kasama ng mga guwardiya. Matagal na pala itong pinagbubuhatan ng kamay ng ina at ngayon ay mapagbabayaran na niya iyon sapagkat marami na ang ebidensya at saksi sa pananakit nito.
“I’m so sorry, Bryce. Mahal kita… Mahal kita… Hindi ko lang alam kung paano ipakikita dahil nasasaktan ang Tita…”
Naluha naman din si Matt sa nasaksihan at kinalabit ang nobya.
“Alam naman naming lahat ‘yan, hon. Pwede na ba tayong magsimula ulit?” kinikilig na hirit ni Matt.
“Can you two get married ASAP so I can call Tita Selena mommy na?” inosenteng saad ni Bryce.
Halos maghalo naman ang luha at sipon ni Selena sa pagluha dahil sa labis na kagalakan.
Mula noon ay tuluyan nang nabuksan ang puso ng dalaga at halos hindi na nga nito mapansin ang nobyo dahil sa pag-aasikaso kay Bryce.
Lumipas ang dalawang taon at naikasal na rin sila at ngayon ay naninirahan na sila sa kanilang bagong house and lot. Nagdadalang tao na rin si Selena, sa wakas ay magkakakapatid na si Bryce!