Matindi ang Galit ng Anak sa Ama Dahil Binawian Nito ng Buhay ang Ina; May Nakalulungkot na Dahilan Pala Ito Para Gawin Iyon sa Asawa

“Wala akong tatay na mamamat*y tao!” galit na galit na sigaw ni Oliver.

“Sshh… huwag kang magsalita ng ganyan sa tatay mo!” saway ng kaniyang Tito Nestor.

Ayaw na ayaw kasi niyang nababanggit ang tungkol sa tatay niya. Masamang-masama ang loob niya sa ama dahil binawian nito ng buhay ang kaniyang ina noong dose anyos pa lamang siya.

Bata pa lang siya nang maghiwalay ang mga magulang, ang nag-alaga sa kaniya ay ang lola niya dahil ang ama ay palaging abala sa pagtatrabaho. Ang nanay naman niya ay naging masasakitin kaya hindi siya nito maalagaan ngunit ang lola niya ay namayapa na rin kaya ang tiyuhin niyang si Nestor ang tumayong pangalawang magulang niya.

Beinte kuwatro anyos na siya ngunit sariwa pa rin ang mga pangyayari sa isip niya. Kitang-kita niya kung paano binaril ng tatay niya ang nanay niya na ikinasawi nito. Hanggang ngayon ay hindi niya alam kung bakit ginawa iyon ng ama.

“Kahit ano pang ginawa niya, tatay mo pa rin siya. Dapat mo pa rin siyang irespeto,” sabi ng tiyuhin.

“Kahit ano pang sabihin niyo ay hinding-hindi ko mapapatawad ang taong ‘yon. Nang dahil sa kaniya ay wala na akong nanay. Masama siyang tao!” giit niya.

Mula nang mawala ang ina ay hindi na gusto pang makita ng binata ang amang si Luisito. Mas gusto pa niyang makasama ang tiyuhing si Nestor na kapatid ng kaniyang ina.

Advertisement

“Dapat nga ay kayo ang mas nakakaunawa sa akin kasi kapatid niyo si nanay. Dapat ay magalit din kayo nang todo sa taong ‘yon!”

Umiling ang tiyuhin.

“Mayroon kang hindi nalalaman, Oliver. Hindi mo alam ang buong pangyayari,” tugon ng tiyuhin. “Nasa edad ka na para malaman ang katotohanan. Nangako ako sa iyong ama na huwag ipapaalam sa iyo, pero sa tingin ko’y ito na ang tamang panahon para malamam mo ang dahilan ng tatay mo kung bakit niya ginawa iyon sa nanay mo.”

Isinama siya ng tiyuhin sa bahay ng ama. Nadatnan nila itong nagdidilig ng mga halaman. Nagulat pa ito nang makita sila.

“N-Nestor? O-Oliver? A-ano’ng ginagawa ninyo rito?” nagtatakang tanong ni Luisito.

“Tito, bakit niyo po ako dinala rito? Ayokong makita ang taong ‘yan!” gigil na sabi ni Oliver.

“Tumigil ka na, Oliver! Tama na ang pagsasabi mo ng ganyan sa tatay mo!” saway ng tiyuhin. “Dinala kita rito para ipagtapat sa iyo ang totoo.”

Napamulagat si Luisito. Hindi niya akalaing darating ang araw na ito, na muling mauungkat ang nakaraan.

Advertisement

“A’ano’ng ibig sabihin nito, Nestor? Nag-usap na tayo tungkol dito, ‘di ba? Umalis na kayo, ilayo mo na rito ang aking anak!”

“P-pero, kailangan nang malaman ni Oliver ang totoo, Luisito. Sabihin na natin ang lahat sa kaniya. Karapatan niyang malaman na hindi mo kagustuhan ang pagkawala ni Mirasol!”

Nakaramdam ng pagka-inis si Oliver at hinarap ang dalawa.

“Ano’ng katotohanan ang dapat kong malaman? Na hindi isang mamamat*y tao ang lalaking ‘yan? Hindi kagustuhan ang nangyari? Isa lang ang totoo, ang taong ‘yan ay masamang tao. Siya ang tumapos sa buhay ni nanay, hayop siya!” pagwawala ng binata.

Hindi na kinaya pa ni Luisito ang masasakit na paratang ng anak kaya bigla na lamang itong inatake sa puso. Napako sa kinatatayuan niya si Oliver. Hindi siya nakakilos nang makitang humandusay sa sahig ang ama. Nagmamadali namang humingi ng tulong si Nestor sa mga kapitbahay para dalhin ang bayaw sa ospital.

Mabuti na lamang at hindi malubha ang lagay ni Luisito. Hinayaan ni Nestor na makapagpahinga ang lalaki. Maya-maya ay hinarap ni Nestor ang pamangkin.

“Muntik nang mapahamak ang tatay mo sa kasutilan mo. Dapat ay hindi mo siya pinagsalitaan ng ganoon kanina. Hindi sinasadya ng tatay mo ang nangyari sa nanay mo. Self-defense ang ginawa niya. May sakit sa pag-iisip ang nanay mo, mayroon siyang schizophrenia. Nawala siya sa katinuan at binalak ka niyang pat*yin. Walang nagawa ang iyong ama kundi barilin ang iyong ina. Ang akala niya ay daplis lang ang tama ng nanay mo ngunit malala pala iyon na agad nitong ikinas*wi. Hindi kagustuhan ng tatay mo ang nangyari, iniligtas ka lang niya sa kapahamakan,” bunyag ng tiyuhin.

Laking pagsisisi ni Oliver nang malaman ang katotohanan. Inilagay pa niya sa bingit ng alanganin ang ama.

Advertisement

Nang magising si Luisito ay agad siyang pinuntahan ng anak at humingi ito ng tawad sa lahat ng masasakit na paratang na sinabi nito kahit halatang hiyang-hiya pa ang binata sa mga inasal nito sa kaniya.

“Sorry po tatay sa lahat ng sinabi ko. Ngayong alam ko na ang totoo, wala pala akong karapatan na magalit sa inyo. Kayo pala ang dahilan kung bakit buhay pa ako,” humihikbing sabi ng anak.

“Naiintindihan kita, anak. Napakasakit din para sa akin ang nangyari sa iyong ina ngunit hindi ko hahayaan na pati ikaw ay mawala sa akin. Inilihim namin ng Tito Nestor mo ang totoo dahil ayaw naming kamuhian mo ang iyong ina. Wala siya sa tamang pag-iisip kaya nagawa niya iyon sa iyo. Sana ay mapatawad mo siya. Patawarin mo rin ako, anak dahil mas pinili kong mawalay sa iyo. Ayoko lang na maalala mo pa ang mga nangyari noon kaya napilitan akong lumayo.”

Ang galit at pagkamuhi ni Oliver kay Luisito ay agad na naglaho at napalitan ng respeto at pagmamahal. Bumalik na ang magandang turingan ng mag-ama sa isa’t isa. Pinili ni Oliver na tumira na sa bahay ng ama. Panahon na para siya naman ang mag-alaga sa ama at samahan ito hanggang sa huling sandali ng buhay nito.