Madalas Bulyawan ng Nanay na Ito ang Anak dahil sa Paniniwalang Hindi Ito Nag-aaral ng Mabuti, Ngunit Nadurog ang Puso Niya nang May Makitang Surpresa Mula Dito
Dalawang taon na ang nakalilipas nang hiwalayan ni Beth ang kanyang asawa, nahuli niya kasi itong may kabit kaya simula noon ay nagpasya na siyang iwan ito at buhayin na lang mag isa ang dalawa niyang anak. Ngayon ay baun na baon siya sa utang upang matustusan lang ang pag aaral ng dalawang anak, ang panganay ay si Errol, 14 na taong gulang, habang 9 na taong gulang naman ang bunsong si Aron. “Diyos ko naman Beth, magtatatlong buwan na akong nagpapasensya sa inyo. Naaawa naman ako sayo pero sana maintindihan mo na negosyo ‘to, kailangan ko ring kumita.” sabi ni Aling Lourdes, ang may ari ng inuupahan nilang mag iina. “Te pasensya ka na ho talaga walang wala lang talaga ngayon. Mamaya ho maniningil ako sa pautang kong longganisa pag meron naman ay iaabot ko naman ho talaga sa inyo agad agad.” nanlulumong sabi ni Beth, ayaw niyang matulog sa kalsada ang mga anak. Umirap ang ale at umalis na. Tiyak naman ni Beth na kukulitin nanaman siya nito kinabukasan pero bukas na niya poproblemahin iyon. Hatinggabi, iihi si Beth ay naabutan niya ang panganay na si Errol na nagda-drawing. Nag init ang ulo niya dahil hirap na hirap siyang pag aralin ito pero kung anu anong kawalang kwentahan ang inuuna. “Rol, ano ba yan? Assignment nyo ba yan?” mataray na tanong niya sa anak. “Hindi ho ‘Nay, ano lang ho, libangan ko lang.” sabi naman ng bata na tila nataranta nang makita siya. “Sana sa pag aaral ka nag aaksaya ng panahon hindi sa kung anu anong kabwisitan, ako pagod na pagod na kababalot ng longganisa tapos ikaw puro kawalang kwentahan ang ginagawa mo, tumulong ka naman!” sabi nya sa binatilyo. Tahimik lang naman ang binatilyo, itinigil ang ginagawa at umakyat na sa itaas. Kinabukasan, maagang umalis ang binatilyo para pumasok sa eskwela, nakaramdam ng kaunting tampo si Beth dahil ngayon ang birthday niya at tila nalimutan iyon ng panganay niya. Pagpasok niya sa kwarto ay laking gulat niya nang makita ang pera sa ibabaw ng tukador. Lalong nawasak ang puso niya nang mabasa ang nakasulat doon, mula kay Errol. Happy Birthday Nanay, sana makatulong sa iyo itong konting naipon ko. Mahal kita Nanay. Napaluha siya ngunit nagtataka rin, saan nakuha ni Errol ang pera? Saktong pasok naman ng bunsong anak niya sa kwarto upang kumuha ng medyas. “Galing ni Kuya no ‘Nay?” sabi nito nang mapansin ang hawak niyang pera. “Saan kinuha ng kuya mo itong pera?” tanong niya sa bata. “Binabayaran po sya ng mga teacher at kaklase niya para mag-drawing, puyat na puyat nga po siya lagi dahil dyan eh. Ibibigay nya raw kasi sayo ang pera pa-birthday sayo.” Lalong nawasak ang puso ni Beth sa narinig, akala niya ay hindi tumutulong pero napakalaki pala ng malasakit ng kanyang anak para sa kanya.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.