Inday TrendingInday Trending
Kilala Mo Ba Ako?

Kilala Mo Ba Ako?

Dahan-dahang iminulat na Rafael ang kanyang mga mata. Medyo mainit na ang paligid, tanda na sumikat na ang araw. May aircon naman ang bahay nila pero ayaw na ayaw niyang binubuksan iyon, ayaw niya kasing masanay ang katawan niya. Tsaka, paraan na rin ng pagtitipid. Ang mahal na kaya ng kuryente ngayon.

“Mely,” tawag niya sa kasambahay. Magpapahanda na siya ng almusal para sa kanyang misis at tatlong anak. Tiyak niyang nasa hardin ang mga ito at namimitas ng bulaklak. Bonding na iyon ng mag-iina, tatlong babae kasi ang kanilang mga supling.

Medyo nanibago pa siya sa paligid. Iginala niya ang mga mata, bakit wala siya sa kanila? Anak ng tipaklong, hindi ito ang bahay nila!

“Sandra?” tawag niya sa misis.

Pero wala rin ito. Ano ba ang nangyayari? Sa pagkakatanda niya ay malayo pa naman ang birthday niya kaya imposibleng gimik at sorpresa lang ang lahat. Hindi rin naman nila anniversary.

Diyos ko, wala siyang matandaan sa mga kaganapan.

Napapitlag na lamang siya nang biglang may humawak sa kanyang likuran.

“Gising kana pala,” boses ng isang babae.

“Sino ka?” kunot noong wika niya rito.

Ngumiti ang babae, lumabas ang dimples nito. Naalala niya bigla ang misis, may dimples rin kasi ito. Teka..posible bang nagkasala siya kay Sandra? O Panginoon, kailanman ay hindi niya ninais na magtaksil. Huwag naman sana.

“Halika na, almusal na,” wika ulit nito na hindi pinansin ang sinasabi niya. Hinawakan pa siya nito sa siko at akmang aakayin.

“Teka-teka muna! Miss wag mo akong hahawakan, sino ka ba? Bakit ako nandito? Hindi ko naaalala na sumama ako sa iyo. Ni hindi kita kilala!”

Nakadagdag pa ng inis niya na kahit nanggagalaiti na siya at kahit pumutok na ang ulo niya sa sobrang pagkalito ay parang walang pakialam ang babae. Nagtuloy ito sa paghahain ng almusal, nagtimpla pa ito ng kape tapos ay tinitigan siya.

“Sige na, upo na.” utos nito.

“You don’t understand. Kailangan ko nang umuwi. May..may naghihintay sa akin,” wika niya. Itinaas pa ang kaliwang kamay upang ipakita ang singsing roon. Ipinahihiwatig na may asawa na siya.

Napatitig ang babae, tapos ay itinaas rin ang kamay nito at nagulat pa si Rafael dahil tulad niya..may singsing rin doon.

“M-May asawa ka rin?”

Tipid na tango lang ang isinagot ng kaharap. Lalong nagkalintik-lintik. Malaking kataksilan itong ginawa niya. Nasabunutan niya ang sarili.

“Huy, kain na po. Wag ka nang masyadong mag isip dyan.” sabi pa ng babae.

“Miss, hindi ko maintindihan kung bakit parang wala lang sayo ang lahat. Paano kung..kung maabutan tayo rito ng asawa mo? Napakalaking eskandalo pag nagkataon,” namomroblemang wika niya.

Hindi lang naman ang galit ng lalaki ang iniisip niya. T*ngina, kahit mabugbog siya ay ayos lang. Ang pinakainaalala niya ay ang damdamin ni Sandra. Ayaw niyang masaktan ang misis. Mahal na mahal niya ito.

Nagulat ang babae nang tumayo siya, “Umupo kana sabi-“

“Kung sayo wala lang, sa akin, hindi. Mahal na mahal ko si Sandra. Hindi ko kayang lokohin siya. Kung may nangyari man sa atin patawarin mo ako. Hiling ko lang na sana ay kalimutan na natin at wag ka sanang manggugulo sa amin. Sana naiintindihan mo, si Sandra at ang mga bata..sila ang buhay ko.” madamdaming wika niya.

Natulala ang babae sa kanyang tinuran kaya di na ito nakasagot pa. Dire-diretsong lumapit sa pinto si Rafael at binuksan iyon. Pero nabigla siya nang pagbukas ay bumungad sa kanya ang tatlong anak na babae, na papasok naman sa loob.

“M-Mga anak,” tinakasan ng kulay ang kanyang mukha. Diyos ko, paano niya lulusutan ito?

Napapikit na lang siya, inihanda ang sarili sa mga sumbat at walang katapusang tanong. Bahala na. Kung kinakailangang lumuhod siya kay Sandra ay gagawin niya wag lang siyang hiwalayan nito.

Pero hindi nangyari ang kanyang inaasahan, sa halip ay sabay-sabay siyang niyakap ng tatlong anak.

“Papa! Happy 52nd wedding anniversary sa inyo ni Mama!” masayang bati ng tatlo.

“W-Wedding anniversary? 52nd?” litong wika niya.

Inakay siya ng tatlo papasok sa loob. Napansin niya ang kamay niyang hawak ng kanyang panganay. Kulubot na ang balat niya roon.

Iniupo siya ng mga ito, napalingon siya sa babaeng kausap niya kani-kanina lang. Nakangiti ito pero nangingilid ang mga luha.

“S-Sandra?” bigla niyang naalala. Kulubot na rin ang balat nito pero titig niya pa lang sa mga mata ay di siya maaaring magkamali.

“Sa wakas, naalala mo rin ako,” natatawang sabi nito.

Nagyakap sila ng mahigpit. Nalungkot man ang puso ni Aling Sandra dahil tinamaan ng alz*eimer’s disease ang kanyang mister, o iyong sakit na pagkalimot- ay lumigaya naman ito sa kaalamang hindi siya nawaglit sa isip ng lalaki.

Sa tagal ng kanilang pagsasama- ngayon ay 80 years old na silang dalawa, kailanman ay di ito nagtaksil. Kaya nga mahal na mahal niya si Rafael, nangako siyang aalagaan ito hanggang kaya niya. Susuklian niya ang pag ibig nito- na nalimutan man ng utak ay tandang tanda naman ng puso.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement