Inday TrendingInday Trending
Supalpalin ang Babaeng Maarte

Supalpalin ang Babaeng Maarte

Nakangiting bineso-beso ni Rosie ang kanyang mga kaibigan. Bumisita ang mga ito sa apartment niya dahil day off naman nilang lahat at ngayon na lang sila makakapagkwentuhan ulit.

“Upo lang kayo ha? Nag-order na ako ng food, huwag mahihiya,” wika niya.

“Gumaganda girl ah, may love life?” biro ng isa.

Kinikilig namang tumango siya sa tanong nito. Ang totoo niyan, hindi niya pa naman boyfriend. Pero type na type niya ang boss niyang si Arthur. Lahat na nga ng pagpapa-cute ay ginawa niya pero parang walang talab sa lalaki.

Hindi siya susuko. Alam niyang bibigay rin ito. Hindi na naman ito lugi sa kanya ano? Maganda siya at wais. Hindi nga siya nangangausap ng mga manliligaw lalo kung dukha lang. Kaya alam niya, si Arthur ang bagay sa kanya. Gwapo ito, matalino at higit sa lahat, ubod ng yaman!

“Matagal na kayo? Kailan ang kasal?” tanong ng isa pa.

“Naku wala pa, bago lang kami eh. Pero siguro soon. Pag may date na, sasabihan ko kayo. Abay ko kayo eh kaya syempre di ko kayo malilimutan,” pagsisinungaling niya pa.

Malayo naman sa katotohanang magustuhan siya ng binata dahil hindi lingid sa kaalaman nito na masama ang ugali niya. May respeto lang talaga si Arthur kaya hindi siya harap-harapang ipinapahiya. Nginingitian lamang nito ang bawat pagtatangka niyang mang akit.

“Wow, kaya naman pala. Big time siguro si boyfie ano? Na-meet mo na ang parents?”

“Actually oo mayaman ang family nila. Boss ko siya, doon kami nagkakilala sa trabaho ko now. Alam mo na, nabihag ng ganda ko. At yung parents naman..this coming Monday makikilala ko.” proud niyang sagot.

Bibisita kasi sa opisina ang family ni Arthur dahil anniversary ng kanilang business. Nakabili na nga si Rosie ng pabango na ibibigay sa sister nito, may nakababata raw kasi itong kapatid na ang pangalan ay Eli. Syempre ay dapat maka-close niya para dagdag ganda points sa kuya.

“Teka nga tatawagan ko ito, ang tagal naman ng lintik na nagde-deliver.” wika niya at tinawagan ang numero ng grab driver na inutusan niyang bumili ng pagkain.

Nakailang ring lang ay kumakatok na ito sa kanilang pintuan. Nakasimangot na pinagbuksan niya ito.

“Bakit ang tagal mo?” mataray na tanong niya.

Napakamot naman sa ulo ang binatilyo na tingin niya ay naglalaro sa disi otso hanggang disi nuwebe ang edad.

“Pasensya na ma’am. Marami po kasing umo-order. Pumila pa po ako, tsaka..3 minutes late lang naman po,” magalang na sabi nito at iniaabot ang mga pagkain.

“Ah hindi, hindi ko tatanggapin yan! Cancel ko na lang, peste ang serbisyo nyo!” mataas ang boses na sabi niya. Ipinaparinig pa sa mga kaibigan kung paano niya hiyain ang pobreng driver.

“Ma’am, I’m really sorry for the inconvenience. Sayang naman po kasi kung hindi ninyo na kukunin-“

“I said, I am cancelling my order! Ini-english english mo pa ako, lintik ka magdusa ka, kainin mo lahat yan! Tagal mo kasi!” wika niya, pinanindigan na ang pagmamataas niya.

Hindi pa siya nakuntento, kinuha niya pa ang softdrinks at isinaboy sa mukha nito bago isinara ang pinto.

Nakangisi siyang tumingin sa mga kaibigan, “Ganoon talaga. Lagot pa siya sa boyfriend ko pag nalaman na ginugutom niya ako,” nakanguso niyang sabi.

Mabilis lumipas ang mga araw, ayus na ayos si Rosie. Ngayon na kasi ang anniversary celebration ng company. Maarte niyang nilapitan si Arthur.

“Hi Sir, nakaka-proud naman po ang achievements ng business ninyo,” bungad niya.

“Thank you Rosie. Dahil rin iyon sa mga hardworking employees gaya mo. I really appreciate that,” mapagkumbaba namang tugon ng binata.

“Excited na po akong ma-meet ang family mo. For sure, magagaling rin sila. Kasi napalaki ka nilang magaling sa business, matalino..gwapo..” pahaging niya.

Nginitian lang siya ng lalaki pero ayaw matapos ni Rosie ang usapan, kaya nag isip pa siya ng ibang maaaring mapagkwentuhan.

“So..kumpleto po ba ang family mo na pupunta now? Your mom and dad, and your kapatid?” tanong niya.

Tumango si Arthur, “Yeah. Actually on the way na raw sila, speaking of my kapatid, I must say na mas magaling siya sa akin. Madiskarte ang batang iyon at pag may gusto, pinaghihirapan talaga.”

“Wow, tiyak na magkakasundo kami. Ganyan rin ako- hahamakin ang lahat makuha ko lang ang gusto ko.” makahulugan niyang sabi rito, pasimple niya pang hinaplos ang braso ng binata. “Nga pala, I bought a perfume for your sister. Kasi bukod sa bag and shoes, pabango ang bestfriend ng babae,”

Bago pa nakasagot ang binata ay napalingon na ito sa mga pumasok sa pintuan, “They’re here.” ‘ika nito at naglakad na.

Kahit hindi niyaya ni Arthur ay sumama na rin si Rosie, nakasunod siya sa likod ng binata. Siya na rin ang kusang nagpakilala sa kanyang sarili.

“Hi Tita, Tito, I’m Rosie po,” feeling close na sabi niya.

Bineso-beso naman siya ng mababait na matanda. Ang laki ng ngiti ni Rosie.

“So where is your sister Eli? I wanna meet her-” hindi na naituloy ng babae ang sasabihin nang mapalingon sa nakatayo sa likod ng magulang ni Arthur.

“Hi, I am his brother, Eliott. Wala po siyang sister. Although lagi akong napagkakamalang girl because of my nickname.”

Napatanga si Rosie. Dahil ang kapatid ni Arthur, ay walang iba kundi ang grab driver na sinabuyan niya ng softdrinks kamakailan lang!

“Oo nga pala, hindi na kita na-correct kanina. Lalaki ang kapatid ko. This young man here, ang ikinukwento ko sayong mas madiskarte dahil imagine, kahit na may business kami ay gusto niyang kumita ng sarili niyang pera. Nagtatrabaho siya bilang delivery boy, doon kayo nagkakilala diba?” makahulugang tanong ni Arthur.

Kulang nalang ay lamunin ng lupa si Rosie, ibig sabihin ay alam ng binata ang kagagahang ginawa niya sa kapatid nito.

Sa sobrang pagkapahiya ay tumakbo siya palabas. Hindi na rin siya nakapag-resign ng maayos. Basta nalang siya umalis dahil wala na siyang mukhang maihaharap pa sa kumpanya.

Masyado kasing mapang api at mapangmaliit sa kapwa, tumalbog tuloy sa mukha niya ang karma-nakakahiya pa kasi mismong lalaking iniibig niya ang nakakita.

Images courtesy of www.google.com

Advertisement