Anak, Mapapatawad Nʼyo Pa Ba Ako?
Halos hindi na makagulapay sa kalasingan si Mang Naldo, habang pauwi siya sa kanilang tahanan. Alas onse na ng hating gabi noon at katatapos lamang nito sa pakikipag-inuman sa mga kaibigan. Marami kasi siyang pera kanina, dahil napilitan na naman siyang pautangin ng chinoy na negosyanteng dati niyang pinagtatrabahuhan, dahil sa kaniyang kakulitan.
Kinabukasan ay nagulat na lamang si Mang Naldo dahil marami sa tauhan ng dating amo ang nag-aabang sa kanilang bahay. Sinisingil siya nito sa kaniyang mga pagkakautang.
“Pakisabi, wala pa akong pera!” matapang pang sabi ng lalaki sa isa sa mga tauhang iyon ng dating amo niyang chinoy. Ngunit hindi natinag ang bruskong tauhan at hinawakan siya nito sa kuwelyo upang iitsa sa pader at dooʼy ipilig.
“Magbayad ka na, Mang Naldo, dahil kung hindi ay sa kulungan na ang bagsak mo, ngayon mismo!” galit na sabi nito na talagang nakapagpakilabot nang husto kay Mang Naldo.
Hanggang sa makaalis na ang mga itoʼy naging para siyang estatuwang nakapako ang mga paa sa puwesto kung saan siya iniwan ng mga ito. Saka lang siya natauhan nang marinig na umiyak ang isa sa kambal niyang mga anak.
Napariwara na ang buhay ni Mang Naldo simula nang pumanaw dahil sa sakit ang asawa niyang si Aling Lany. Naiwan sa kaniyang pangangalaga ang dalawa niyang anak na babaeng kambal, na mula rin noon ay napabayaan na niya. Nang makapasok sa bahay at matitigan ang naghuhumiyaw na isa sa mga bata ay naririnding pinatahimik niya ito. Dahil doon ay isang ideya ang agad na nabuo sa kaniyang isipan.
Iniempake niya ang mga gamit ng walong taong-gulang niya noong kambal na anak at isinama sa bahay ni Mr. Lee, ang chinoy na negosyanteng kaniyang pinagkakautangan ngayon nang malaki…
“Itong dalawang anak ko na lang ho ang kunin nʼyo bilang kabayaran sa mga utang ko, pagkatapos ay kalimutan na ho natin ang lahat. Maghanda kayo ng papeles at pipirmahan ko iyon,” walang pakundangang pahayag niya na agad namang ikinatuwa noon ng chinoy.
Alam kasi ni Mang Naldo na noon pa man ay gustong-gusto na ng negosyanteng ito ang kaniyang mga anak. Iyon din ang dahilan kaya nga mabilis siyang makapangutang ng pera dito. Ito lang ang naiisip na paraan ni Mang Naldo nang mga panahong iyon upang maabsuwelto siya sa kaniyang mga utang.
Agad na nagpirmahan ang dalawang panig, si Mang Naldo at Mr. Lee, para sa kustodiya ng mga bata. Nasasaad din sa kasulatang tumanggap pa ng isang daang libong piso si Mang Naldo bilang dagdag na kabayaran.
Noong unaʼy tuwang-tuwa pa sa pangyayari si Mang Naldo, hanggang sa siyaʼy matauhang sarili niya palang dugoʼt laman ang kaniyang ibinenta!
Huli na nang mapagtanto ni Mang Naldo na mali ang kaniyang ginawa. Nailipad na patungo sa ibang bansa ang kaniyang mga anak at tuluyan nang nawala ang natitirang ala-alang iniwan ng minamahal niyang si Aling Lany.
Labis ang naging pagsisisi ng amang nooʼy nagkamali. Ang matinding pangungulila sa kaniyang pamilya ang naging kabayaran niyon sa mahabang panahon. Iniisip niya ang mga posibilidad na maaaring nangyari na sa kaniyang dalawang anak na babae sa puder ng chinoy na si Mr. Lee, lalo paʼt kilala itong babaeroʼt mahilig, ngunit ano pa ang magagawa niya?
Wala na… at lahat ng iyon ay kasalanan niya.
Lumipas ang dalawampung taon, sa wakas ay naisipang muling bumisita nina Sasha at Sashi sa Pilipinas upang dooʼy pagbakasyonin ang kani-kaniya na nilang mga anak. Naging marangya ang buhay nila sa kanilang Papa Lee, ang chinoy na umaruga sa kanila matapos silang ibenta ng tunay nilang amang si Mang Naldo rito noong walong-taong gulang pa lamang sila. Nang mga panahong iyon ay wala na si Mr. Lee, ngunit pumanaw itong masayang-masaya, dahil nagkaroon ito ng pagkakataong maging ama, kahit wala itong asawa.
Samantala, wala nang naging balita pa ang kambal sa tunay nilang amang si Mang Naldo, dahil simula noon ay lumaki silang may galit dito. Sa katunayan ay hindi na nila ginusto pang magkaroon ng kaugnayan dito, kung hindi lamang nila nabalitaan ang kalagayan nito ngayon.
Naratay na sa karamdaman si Mang Naldo. Pinahina na nang pinahina ng bisyo ang katawan nitoʼt ngayon ay animo lantang gulay na lang na naghihintay na mabulok sa dati nilang tahanan. Wala nang nag-aaruga, walang nag-aalaga. Naiwan itong miserable dahil sa kasalanan nitong ginawa.
Pinuntahan ng magkapatid si Mang Naldo na labis naman nitong ikinagulat. Hindi niya akalaing maiisipan pa siyang dalawin ng kaniyang mga anak sa kabila ng malaki niyang kasalanan sa kanila.
“M-mga anak…” nahihirapan man ay sinikap ng matanda na ibuka ang kaniyang bibig. Bumangon siya sa pagkakaratay sa higaan at lumuhod sa harapan ng kaniyang kambal na anak. “P-patawarin ninyo ako, mga anak! Patawarin ninyo kung naging napakasama kong ama. Patawarin ninyo ako,” humahagulhol niyang pakiusap sa dalawa.
Nooʼy hindi kinaya nina Sasha at Sashi ang sakit nang makita ang hitsuraʼt kalagayan ng kanilang tunay na ama. Tila ba bigla na lang nabura ang sakit ng mga ginawa nito noon at mas nangibabaw pa rin ang pagmamahal nila rito.
Niyapos nila si Mang Naldo at umiiyak na nagsalita…
“Sa totoo lang, Papa, hindi po sapat ang sorry nʼyo para alisin ang sakit ng ginawa ninyo noon sa amin…” sabi ni Sasha at naiintindihan iyon ni Mang Naldo. Handa siyang tanggapin ang galit nila.
“Pero, Papa… sapat na sa aming muling makita kaʼt malamang nagsisisi ka rin pala,” pagpapatuloy naman ni Sashi na muling naging dahilan para mapahagulhol sa tuwa si Mang Naldo habang yakap ang kambal.
Simula nang araw na iyon ay nagpalakas si Mang Naldo. Sa kabila ng malubhang karamdaman ay pinilit niyang makabawi upang makasama pa nang mas matagal ang kaniyang mga anak at apo. Gusto niyang bawiin ang mga panahong hindi niya sila kasama, at nagpapasalamat siya sa Diyos sa pagbibigay sa kaniya ng panibagong pag-asa at dahilan upang mabuhay pa.