Inday TrendingInday Trending
Hindi Ko Kailanman Matatanggap ang Abnoy na Yan!

Hindi Ko Kailanman Matatanggap ang Abnoy na Yan!

Malakas ang ulan sa daan nang may marinig na umiiyak na sanggol si Romano. Kasama niya ng mga oras na iyon ang asawang si Magdalena. Nakita nila ang isang kawawang anghel na nakalagay sa kahon sa gilid ng tulay.

“Kawawa naman itong baby,” wika ni Romano.

“Sino kaya ang nag-iwan niyan?” tanong naman ng asawa.

Dahil hindi pa sila nabibiyayaan ng anak ay kinukop nila ang napulot na sanggol. Inaruga at inalagaan nila ito hanggang umabot sa edad na pitong taong gulang, ngunit sa paglaki ng bata ay may kakaiba silang napapansin rito.

“Ano ba iyang batang ‘yan, ang laki na hindi pa rin nakakapagsalita? Pipi yata iyan, e!” sabi ni Magdalena.

“Ipatingin kaya natin siya sa espesyalista?” nag-aalalang sabi ng lalaki.

Ipinatingin nila sa eksperto ang bata at napag-alaman nilang isa pala itong special child. Nang malaman ni Magdalena ang kondisyon ng bata ay bigla siyang nawalan ng gana rito.

“Hoy, di ba sinabi ko sa iyo na huwag kang magkakalat ng pagkain dito sa kuwarto!” sigaw ni Magdalena kay Biboy nang makita itong kumakain ng biskwit sa kama. Sa galit ay hindi niya naiwasang pagbuhatan ito ng kamay at napalo ng ubod lakas ang bata.

“Kailan ka bang magtitinong bata ka!” aniya sa galit na boses.

Nang biglang dumating si Romano at nakita ang ginagawang pamamalo ng asawa.

“Magdalena! Tama na iyan! Hindi mo dapat sinasaktan ang bata!” pasigaw na wika ng lalaki.

“Palagi kasing nagkakalat ang batang abnoy na iyan, e!’

“Huwag ka ngang magsalita ng ganyan sa anak natin!” aniya.

“Hindi naman natin iyan totoong anak di ba? Napulot lang natin ang batang iyan! Kahit kailan ay hindi ako magkakaroon ng abnormal na anak!” wika ng babae at padabog na lumabas ng kuwarto.

Niyakap ni Romano ang umiiyak na si Biboy. Awang-awa ang lalaki sa anak.

“Tumahan ka na, anak! Nandito na si tatay. Wala nang mananakit sa iyo!’ aniya.

Isang araw, wala pa si Romano at hindi pa umuuwi galing sa trabaho. Nakita ni Magdalena na nagsisindi ng posporo si Biboy at susunugin ang napulot nitong papel. Sa tindi ng galit ay kinuha ng babae ang mahabang patpat at pinaghahampas ang bata.

“Let*e kang bata ka at susunugin mo pa itong bahay!” galit na wika ni Magdalena.

Dahil sa hindi na nito natiis ang ginagawang pananakit ng babae ay mabilis itong nagtatakbo palabas ng bahay.

“Biboy, Biboy! Bumalik ka dito!” sigaw niya habang hinahabol ang bata.

Dahil sa takot ay agad niyang tinawagan ang asawa at ikinuwento ang nangyari.

Nang umuwi si Romano ay galit na galit na hinarap ang asawa.

“Bakit mo naman hinayaan na makalabas si Biboy? Alam mo naman ang kondisyon ang bata, e! Kapag may masamang nangyari sa anak natin, hinding-hindi kita mapapatawad, Magdalena!” sigaw ng lalaki.

Hinanap ni Romano ang anak. Nagtanung-tanong siya sa mga kapitbahay kung nakita ng mga ito ang bata ngunit walang sino mang nakapansin o nakakita rito. Humingi na rin siya ng tulong sa pulisya para mahanap ang nawawalang bata.

“Saan na kaya nagpunta ang batang iyon?” nag-aalalang wika ni Romano.

Habang nasa bahay ay hindi mapakali ang lalaki. Hindi rin nito kinikibo si Magdalena dahil ito ang dahilan kung bakit naglayas ang pinakamamahal niyang anak. Kahit hindi niya tunay na anak si Biboy ay minahal niya ito na parang sarili niya na rin.

Kinagabihan ay may kumatok sa kanilang bahay. Agad na binuksan ni Magdalena ang pinto. Bumungad sa kanya ang isang babae.

“Sino po kayo?” tanong niya rito.

“Ikaw ba si Magdalena?” tanong ng babae.

“Ako nga po, Ano pong kailangan niyo?”

“Ako ang nakapulot sa bata!” sabi nito.

Narinig iyon ni Romano at agad na sinilip ang kausap ng asawa.

“Sino po kayo at nasaan ang anak namin?” tanong ng lalaki.

“Huwag kayong mag-aalala nasa mabuti siyang kalagayan. Narito ako para personal na magpasalamat sa inyo!” anito.

Nagulat ang mag-asawa sa sinabi ng babae. Pinatuloy nila ito sa bahay at pinaupo sa sala.

“Ano pong ibig niyong sabihin? Bakit kayo nagpapasalamat sa amin?” tanong ni Romano.

“Ako si Clara, ang tunay na ina ni Biboy!” bunyag ng babae.

Nagulat ang dalawa sa sinabi sa kanila ng bisita. Paano nito nasabing siya ang totoong ina ng bata?

“Naroon ako nang mapulot niyo ang anak ko. Hindi ako umalis dun hangga’t hindi ko nakikitang nasa kamay siya ng mabubuting tao!”

“Ano?” hindi makapaniwalang wika ni Romano.

“Nabuntis ako ng aking nobyo ngunit tinakbuhan niya ako. Hindi alam ng mga magulang ko ang nangyari hanggang sa naipanganak ko si Biboy. Hindi ko pa kayang maging ina sa kanya kaya nagdesisyon akong iwan siya sa tulay at hindi ako umalis dun hangga’t walang taong kukuha sa anak ko. Mabuti na lang at kinuha ninyo siya. Sinundan ko kayo kung saan kayo nakatira para kahit paano ay alam ko kung saan ko babalikan ang aking anak. Inalam ko rin ang lahat ng tungkol sa inyo. Ngayong handa na akong maging ina kay Biboy ay nais kong bawiin na siya.”

Inilabas ng babae sa bag na nadala ang lahat ng pruweba na magpapatunay na siya ang totoong ina ng bata.

“Paano mo siya nakita?” tanong ni Romano.

“Habang nasa sasakyan ako ay nakita kong tumatakbo siya at hindi alam kung saan pupunta. Inaya ko siyang sumakay sa kotse. Tuwang-tuwa naman siyang sumama sa akin. Ngayon ay nasa bahay siya, gusto ko nga siyang isama rito kaso kahit anong pilit ko, ayaw niyang sumama sa akin. Parang may kinatatakutan siya. Alam niyo ba kung ano?”

Hindi nakakibo sina Romano at Magdalena. Alam nila ang dahilan kung bakit ayaw nang bumalik ni Biboy, dahil sa walang habas na pananakit rito ng asawa. Tinignan ng makahulugan ng lalaki ang tila napiping si Magdalena.

“N-naiintindihan ko ang sitwasyon mo, napamahal na sa amin si Biboy kaya mahirap din sa amin ang ibalik siya pero wala naman kaming magagawa, ikaw ang tunay niyang ina,” wika ng lalaki.

“Kaya nga nagpapasalamat ako sa inyong mag-asawa, dahil itinuring niyong parang tunay na anak ang anak ko! Dahil sa ginawa niyo ay tanggapin niyo ito!” anito na may inabot na sobre.

Nang buksan ng mag-awa ang sobre ay nagulat sila sa laman niyon. Tseke iyon na nagkakalalaga ng sampung milyong piso. Isa na palang milyonarya si Clara at bilang pabuya sa ginawa nilang pagpapalaki sa anak nito ay binigyan sila ng malaking halaga.

”Para saan ito?” tanong ni Romano.

“Sobrang laki naman nito!” gulat na sabi ni Magdalena.

“Pasasalamat ko iyan sa pag-aaruga niyo kay Biboy! Alam kong kulang pa iyan sa mga sakripisyo niyo sa anak ko, kaya kung may kailangan pa kayo ay huwag kayong mahihiyang lumapit sa akin!” sabi ng babae.

Lihim na nagsisi si Magdalena. Sa kabila ng pagmamalupit at pananakit niya kay Biboy ay sila pa itong nabiyayaan. Ang inakala niyang kamalasan na dulot nang pagkupkop rito ay may kaakibat palang suwerte.

“Hindi namin ito matatanggap! Kapag tinanggap ko ‘to, para naring kaming nagpabayad sa ginawa namin pagpapalaki kay Biboy!” sabi ni Romano.

“Hindi iyan bayad, tanda iyan ng aking malaking pasasalamat sa inyo. Pakiusap, tanggapin niyo na!”

“Pakisabi naman kay Biboy, sorry sa lahat ng nagawa ko, ha?” mangiyak-ngiyak na sabi ni Magdalena kay Clara.

Hindi man lubos na naunawaan ng babae ang gusto nitong iparating ay nangako itong sasabihin iyon sa anak.

“Pakisabi rin kay Biboy na mahal na mahal namin siya! Dumalaw rin kayo dito paminsan-minsan!” wika ng lalaki.

“Makakarating!” sabi ng babae.

Pagkakataon na ni Clara na ipakita at iparamdam sa anak ang pagmamahal niya.

Samantala, pagsisihan man ni Magdalena ang lahat ay huli na, hindi na niya maipaparamdam kay Biboy ang pagmamahal na dapat ay ibinigay niya sa bata dahil binawi na ito ng tunay na ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement