Lahat ng mga kakilala at kaibigan ni Vince at Anya ay nagtataka kung bakit kahit halata namang gusto ng dalawa ang isa’t-isa ay hindi pa rin sila nagiging opisyal na magkasintahan. Simula pa ng sila ay bata, hanggang sa makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay alam ng dalawa na mahal nila ang isa’t-isa. Ngunit ang tawag nila sa kanilang dalawa ay magbespren lamang.
“Anya! Ano na? Niligawan ka na ba ni Vince?” tanong ng kaibigan ni Anya na si Zen.
“Hindi. Trabaho muna siguro. Basta ang mahalaga ay alam naming importante kami sa isa’t-isa,” paliwanag ni Anya. Pero sa loob-loob niya ay malaki na rin ang lungkot niya.
“Hay, nako. Paano kung may ibang manligaw sa’yo? Ayos lang kaya iyon sa kanya?”
“Hindi ko alam sa kanya. Pero para sa akin, siya lang ang iniintay ko.”
Isang araw habang magkasama ang magkaibigang si Vince at Anya sa kanilang paboritong tambayan, hindi na nakapagpigil si Anya na ikubli ang mga nararamdaman. Matagal na silang nasa tamang edad kaya naman naisip niyang lakasan na ang loob at magtanong sa binata.
“Vince? Gusto mo ba ako?” anito.
“Ha? Siyempre. Bespren kaya kita,” mabilis na tugon ni Vince.
“Ganoon lang? Bespren?”
“Ano bang sinasabi mo? Bakit bigla kang nagtatanong ng ganyan?”
“Uhh… Lalakasan ko na ang loob ko ha? Ilang taon na tayong magkaibigan. Siguro naman hindi ako nag-iisa na nakakaramdam ng espesyal sa ating dalawa…” hindi na natapos si Anya sa kanyang sinasabi nang mapahawak si Vince sa kanyang dibdib.
“Vince? Vince! Ayos ka lang ba?” natatarantang tanong ni Anya.
Hindi na nakasagot ang binata at tuluyang nawalan ng malay. Agad na tumawag ng ambulansya si Anya at tinawagan ang mga magulang ni Vince.
Nang makarating sa ospital, gulat na gulat siya sa kanyang nalaman.
“Tita, ano po bang mayroon kay Vince?”
“Hija, alam kong hindi ako ang dapat magsabi nito sa’yo. Kabilin-bilinan ng anak ko na huwag ko itong mababanggit sa’yo. Pero sa tingin ko ay panahon na para malaman mo.
Mayroon nang taning ang kanyang buhay. Nabanggit niya sa akin na kaya ayaw niyang maglakas loob na ligawan ka ay dahil ayaw niyang mahalin mo siya nang lubos, tapos iiwan ka lang din niya,” lumuluhang sabi ng ina ni Vince.
Tila gumuho ang mundo ni Anya. Halos buong buhay niya ay kilala niya si Vince ngunit kailanma’y hindi niya ito nakitaan ng panghihina o bakas ng pagkakaroon ng sakit.
Nang magising si Vince, agad itong nilapitan ng umiiyak na si Anya.
“Vince? Bakit hindi mo sinabi sa akin? Mahal na mahal kita! Hindi ko kayang mawala ka sa akin!” wika ni Tanya habang hawak ang kamay ng binata.
“Mahal din kita, Anya. Kaya naman sigurado akong hindi tayo pwedeng magkatuluyan. Ilang taon na lamang ang itatagal ko sa mundong ito. Ayokong wasakin ang puso mo kapag dumating na ang araw ng pagkawala ko,” paliwanag naman ng nanghihinang si Vince.
“Hindi, Vince. Ipaglalaban kita. Ipaglalaban ko ang pagmamahal ko sa’yo. Gagawin ko ang lahat para sa iyo,” sambit ng umiiyak pa ring si Anya.
Nakaisip ng paraan si Anya. Nakapagtapos siya ng kursong Nursing, kaya naman napagdesisyunan niyang mag-aral muli bilang isang doktor. Apat na taon lamang at maaari na siyang maging doktora. At dahil mapera ang kanyang pamilya, hindi nga naging imposible na mabilis siyang makatapos ng pag-aaral.
“Vince? Kapit lang. Ginagawa ko ang lahat upang matapos ang research ko tungkol sa karamdaman mo. Magtiwala ka. Lahat ay posible, kumapit ka lamang,” bulong ni Anya sa tuluyang nanghihinang si Vince.
Madalas din ang pagdarasal ng buong mag-anak ni Vince. Para sa kanyang ama’t ina, panalangin na lamang at alaga ang maibibigay nila sa kanilang nagdurusang anak.
Kahit mahirap, pinanghawakan ni Anya ang lahat ng pinagsamahan nila ng minamahal na binata. Sa tuwing gusto na niyang sumuko, agad niya lang tinitingnan ang larawan ni Vince at agad din siyang nabubuhayan ng loob. Sinasabayan din niya ng matinding pagdarasal ang kanyang ginagawang pag-aaral at paghahanap ng lunas sa karamdaman nito.
Isang araw, nagising ang ina ni Vince sa ungol ng anak.
“Mama! Ang sakit-sakit ng dibdib ko, hindi ko na ata kakayanin.” umiiyak na wika ni Vince.
“Ha? Anak! Kapit lang! Mahal na mahal ka naming lahat.”
Biglang dumating si Anya na pawis na pawis mula sa kanyang pagmamadaling makarating ng ospital. Malaki ang ngiti nito sa kanyang mga labi.
“Vince! Tita! Sa tingin ko po’y nahanap ko na ang lunas,” wika ni Anya.
Agad nabuhayan ng loob ang lahat. Sinubukan na ni Anya ang mga natuklasan niyang gamot at operasyon na magpapagaling sa kanyang minamahal. Malaki ang pag-aalinlangan ng mga doktor sa ospital na iyon, ngunit tila isang himala ang naganap. Matapos lamang ang isang linggo ay tumalab ang ginawang operasyon ni Anya. Tuluyang nawala ang malubhang sakit ni Vince.
Nag-iyakan sa tuwa ang buong pamilya ng binata. Napakalaki ng pasasalamat nila kay Anya dahil kahit imposible ay nagawa niyang gawan ng paraan upang madugtungan ang buhay ni Vince.
Ilang taon ang lumipas at tuluyang naging kilala si Anya dahil sa pag-imbento ng lunas sa karamdamang iyon. Bukod kay Vince, napakaraming buhay ang nasagip ng dalaga. Umani siya ng sangkatutak na parangal sa larangan ng medisina.
Isang gabi habang abala si Anya sa ospital, nagulat siya nang biglang lumuhod ang nobyong si Vince sa kanyang harapan.
“Anya? Kung hindi dahil sa pananampalataya, tiyaga, at pagmamahal mo sa akin ay wala na sana ako sa mundong ibabaw. Ngayong wala na ang sakit ko, gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita at wala nang ibang magmamay-ari ng puso ko kung hindi ikaw lamang. Kaya may itatanong sana ako sa’yo… Matagal kong pinaghandaan ito,” wika ni Vince.
Inilabas nito ang isang singsing mula sa kanyang bulsa, at saka iniabot kay Anya.
“Will you marry me?”
Naiyak naman sa tuwa si Anya, pati na rin ang mga taong nakasaksi ng kanilang pagmamahalan.
Agad pumayag si Anya, at hindi nagtagal ay natuloy na ang kanilang pag-iisang dibdib.
Hindi naging hadlang para kay Tanya ang taning sa buhay ng binata upang isuko niya ang pagmamahal dito. Tunay ngang mahiwaga ang nagagawa ng matinding pag-ibig.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!