Matapos Siya Aluking Magsama ng Lalaki, Iniwan Siya Nito Para sa Ibang Babae; Ito Pala ang Paraan ng Diyos Upang Mahanap Niya ang Tunay na Kaligayahan
Mag dadalawang taon na sana ang relasyon ni Hana at ng kanyang live in partner na si Nico kung hindi lang sana siya ipinagpalit nito sa iba. Ang saya-saya naman nila nung una, di niya alam kung ano ang nangyari basta isang araw ay nagising na lamang siyang iba na ang pakikitungo sa kanya ng lalaking minamahal.
“Dahil ito sa babaeng narinig ko na kausap mo sa cellphone noong isang Linggo diba? Aminin mo na Nics! Niloloko mo pa ako eh!” bulyaw ni Hana sa lalaki.
“Ano ba ang pinagsasasabi mo? Basta ayaw ko na muna, nailigpit ko na ang mga gamit ko kagabi, uuwi na ako sa amin. Masyadong mabilis ang mga pangyayari Hana, nabigla lang pala ako sa desisyon ko na yayain kang tumira sa iisang bahay,” sabi lang nito at binitbit na ang dalawang maletang gamit. Nataranta siya noon, determinado na kasi talagang umalis si Nico, napaluhod siya sa harap ng lalaki.
“Wag, wag Nics please. Honey, di ba mahal mo ko? Pupunta tayo sa Canada next year, magpapakasal tayo diba? Ang labo naman Nico eh, wag ka namang ganito.” sabi niya habang tuloy tuloy ang pag agos ng kanyang mga luha.
“Tama na Hana,” sabi ng lalaki, tinabig nito ang mga kamay niyang nakayakap sa tuhod nito at nagdire-diretso na palabas ng pinto, iniwan siyang luhaan at wasak ang puso.
Hindi malaman ni Hana ang gagawin. paano magsisimula ulit? Sino na ang mag aalaga sa kanya? Sino na ang magmamahal sa kanya?
Hindi naman siya makauwi sa kanilang probinsya dahil wala siyang mukhang maihaharap sa kanyang pamilya. Tinalikuran niya ang mga ito para kay Nico, labag sa loob ng daddy niya na makipag live in siya pero sinuway niya ito dahil sa pagmamahal sa lalaki, tapos ngayon ay ano?
Ilang araw na niyang nilulugmok ang sarili sa alak, ang kanyang apartment ay nangamoy beer na dahil wala siyang ibang ginawaa kung hindi uminom para makalimot. Pero iba ang gusto niya ngayon, nais niyang sa labas naman uminom.
“Hello? Girl, samahan mo naman ako. Bar hopping tayo, party party lang. Ha? Ano? Wag ka nang sumama dyan! Naku naman, inuuna mo pa yan kaysa sa akin, kaibigan mo ba talaga ako? Hay.. sige, sige. bye” ilang kaibigan ang sinubukang yayain ni Hana pero lahat ito ay tinanggihan siya, alanganing araw naman kasi. Siya nga, ilang araw nang di pumapasok sa opisina dahil sa puso nyang pagkasakit sakit.
Napagpasyahan ni Hana na umalis na lang mag isa. Kung walang may gustong sumama sa kanya, edi sosolohin niya ang saya!
Todo inom at sayaw si Hana sa bar at dahil maganda siya ay maraming lalaki ang napapalingon sa kanya. Namalayan niya nalang ang sarili na nakikipagsayawan sa isang estranghero, nang gabing iyon ay may nangyari sa kanila ng di kilalang lalaki.
Naging ganoon ang buhay ni Hana sa loob ng dalawang linggo, paulit-ulit. Lalabas siya at iinom, may makikilalang estranghero na iuuwi siya, o di kaya nama’y iuuwi niya, umaasa siyang matatakpan ng mga ito ang puwang na iniwan ng dating kasintahan.
Pero habang tumatagal ay hindi naman siya nabubuo, lalo lamang siyang nawawasak. Lalo lamang siyang nalulunod sa kumunoy na kanyang kinalalagyan, sana, dumating na ang lalaking magliligtas sa kanya. Lalaking mag aalaga at mag iingat sa sugatan niyang puso..
“Anak?” naalimpungatan si Hana, ah, nababaliw na talaga siya. Ngayon naman ay nakikita niya ang kanyang ina. Loka- loka!
Di bale, panaginip na rin lang ito, sasamantalahin niya na. Miss na miss na rin kasi talaga niya ang kanyang nanay.
“Mama.. nagkamali ako, hindi kasi ako nakinig eh,” sabi niya rito at napahagulgol na ng iyak. Niyakap siya ng babae, teka, nararamdaman niya ito? Hindi ba ito panaginip?
Nang iikot niya ang mata sa kwarto ay nakita niya ang kanyang ama sa malapit sa pintuan, pinahid pa nito ang tumulong luha nang mapansing nakatingin siya, sa tabi nito ay ang dalawa nyang kapatid.
Makalipas ang isang buwan
“Please, please. Ngayon ko na-realize na nagkamali ako, Mahal kita, Hana. Ikaw lang ang inisip ko kahit na kami pa ni Jean. Hindi ka nawala sa isip ko, kapag tinanggap mo ako iiwan ko siya.” nagsusumamong sabi ni Nico. Dumayo pa talaga ito sa probinsya nila para lang sabihin iyon?
Ngumiti si Hana, ang tagal hinangad ng puso niya na marinig ang mga katagang iyon mula sa lalaki, kinapa niya ang kanyang puso at naramdaman niya ang naroon..
“Sana maging masaya ka Nics, kasi masaya na ako, kasama ng aking pamilya, kaya mo yan.” sabi niya rito at tinalikuran na ang lalaki. Napangiti si Hana, alam niya kasing kumpleto na siya.
At di niya kinailangan ng ka-partner para lang masabing buo siya, nariyan ang kanyang mga kasangga,
ang Panginoon at…ang kanyang pamilya.