Inday TrendingInday Trending
Hindi Maintindihan ng Lalaki Kung Bakit Palaging Siya ang Napag-iinitan ng Misis Niya, Ito Pala ang Kasagutan

Hindi Maintindihan ng Lalaki Kung Bakit Palaging Siya ang Napag-iinitan ng Misis Niya, Ito Pala ang Kasagutan

Mag pipitong taon nang kasal sila Kristian at Liberty, nagkakilala sila noon sa pinapasukan nilang trabaho sa Taiwan. Isang taon na silang mag-nobyo nang mapagpasyahan ng dalawa na magpakasal, at dahil pareho naman silang Pilipino ay nagkasundo sila na dito nalang sa Pilipinas tumira. Gamit ang kanilang ipon ay nakabili na sila ng bahay at maliit na negosyo, si Liberty ang nakatokang tumutok doon. Habang si Kristian naman ay nakakuha ng trabaho sa isang opisina sa Ortigas.

Sa loob ng ilang taon nilang pagsasama ay nakabuo na sila ng dalawang anak. Si Rosie, limang taong gulang, at si Renren, dalawang taong gulang.

“Mommy, pa-help naman po sa assignment ko, color daw po itong elephant,” sabi ni Rosie, pumapasok na ito ngayon sa eskwela bilang kindergarten.

“Saglit lang baby, naggagayat kasi si Mommy ng pagkain natin anak. Malapit na ang dinner time, ayan si daddy mo pa-help ka na muna,” di magkanda ugagang sabi ni Liberty, sa totoo lang y pagud na pagod na siya dahil siya ang kumikilos sa bahay maghapon, wala naman silang kasambahay.

“Pagod ang daddy sa work baby, wait mo na lang si Mommy mo na matapos sa ginagawa niya, ha?” sabi ni Kristian, nakita niyang inirapan siya ng misis. Ano pa nga ba ang bago? Palagi namang mainit ang ulo sa kanya ng babae, di niya alam kung kailan o paano nagsimula, basta isang araw bigla na lang malamig na ang pakisama nito sa kanya. Sus, baka nga kung wala ang mga bata ay inaway na siya nito.

Di na sila katulad ng dati na sweet, ngayon ay di sila makakatagal sa iisang kwarto na hindi nag-aaway.

Kinabukasan ay maagang nagising si Kristian, kumain siya ng almusal na inihanda ng kanyang misis. Infairness din talaga sa babae, kahit palagi siyang inaaway ay inaasikaso pa rin naman sya. Nakabulyaw nga lang palagi. Tapos kumain ay iniwan nya nang naghuhugas ng pinggan si Liberty. Dumiretso na siya sa shower room bitbit ang tubig na pinainit ng misis, malamig kasi ang tulo sa shower kapag madaling araw.

Pagkaligo ay kinuha niya ang polo at neck tie na pinlantsa ni Liberty kagabi at isinuot ang mga iyon. Maya-maya pa ay lumabas na siya ng kwarto at nagtungo sa kusina para kunin ang baon niyang inihanda nito.

“Alis na ‘ko Lib,” akmang hahalikan niya ito nang iniiwas ng babae ang mukha sa kanya at lumayo.

“May ginagawa pa’ko,” matabang na sabi nito sa kanya.

“Bakit ba? Ano na naman ba?” naguguluhang tanong ni Kristian.

“Wala, di ko alam,” sabi ng babae, ipinagpatuloy na ang paghuhugas ng pinggan.

Maghapong pinag isipan ni Kristian kung ano na ba ang nangyayari sa kanilang pagsasama, bakit ba ang sungit palagi ng misis niya? Imposibleng buntis ang babae dahil ilang araw.. mali, ilang linggo..ah, ilang buwan na ring walang nangyayari sa kanila. Lalo namang imposibleng may kabit ito.

Hanggang isang ideya ang pumasok sa isip niya, alam na niya kung bakit! Namura ni Kristian ang sarili sa kanyang naisip.

Kasusundo lang ni Liberty sa kanyang panganay mula sa school, kumakain na ito ngayon ng meryenda kasama ang kapatid na kagigising lang sa pag-siesta. Mamaya, darating na ang kanyang asawa, dapat masimulan niya nang magluto.

Minsan ay nakukunsensya siya sa di niya sinasadyang pagtataray sa lalaki, pagod na pagod lang kasi talaga siya sa gawaing bahay. Siguro, iluluto niya na lang ang paborito nitong tinola para naman makabawi siya, iyon na lang ang magiging paraan niya para humingi ng tawad. Pero sumapit na ang hatinggabi, tulog na ang mga bata ay wala pa rin si Kristian.

Sinulyapan ni Liberty ang orasan sa dingding, alas dose na. Masyado naman yatang dinamdam ng mister ang pagsusungit niya kanina, nakatulugan na ng babae ang pag aalala.

Kinabukasan, nagising si Liberty sa tunog ng vacuum. Nagulat sya nang paglabas niya sa kwarto ay naabutan si Kristian hawak hawak ito, malinis rin ang buong bahay at nahagip ng pang amoy niya ang mabangong halimuyak ng sinangag.

“Honey.. sorry kahapon-” di natapos ni Liberty ang sasabihin nang putulin na iyon ng kanyang mister.

“Goodmorning! Naihatid ko na sa school si Rosie, si Renren naman hiniram nina mama. Pasenya ka na kung ginabi ako kagabi, nasiraan kasi ako, at binili ko ito para sayo,” iniabot ng lalaki sa kanya ang isang bungkos ng bulaklak.

Kay tamis ng ngiti ni Liberty.

Pero mas matamis ang ngiti ng lalaki, alam na kasi niya ang sagot sa kanyang mga katanungan. Kaya nanlalamig ang misis niya ay dahil rin sa kanya, napakalaki na ng pagkukulang niya rito. Mahirap manatili sa bahay, mas mahirap kaysa magtrabaho lalo pa at wala naman silang katulong. Tapos ay hindi niya na nga natutulungan ang misis, hindi niya pa pinapahalagahan ang mga bagay na ginagawa nito para sa kanya. Akala niya kasi dati ay madali lang ang buhay kapag di nagtatrabaho, naisip niya kagabi na wala na ngang sweldo, walang leave at walang choice magpahinga ay pagod pa ang misis niya. Kaninang umaga niya nga lang naranasan na napakahirap palang maghanda ng pagkain, mag asikaso sa bata, maglinis ng bahay pero nagagawa iyon ni Liberty nang sabay sabay.

Simula noon ay higit pa sa pagiging asawa lang ang ginampanan ni Kristian, naging kabiyak at katuwang na siya ni Liberty sa buhay.

Advertisement