Inday TrendingInday Trending
Nagagalit ang Misis Kapag Nakikialam ang mga Kapatid at Nanay Niya sa Pagpapalaki ng Kanyang Anak, Ito ang Napala Niya

Nagagalit ang Misis Kapag Nakikialam ang mga Kapatid at Nanay Niya sa Pagpapalaki ng Kanyang Anak, Ito ang Napala Niya

Tuwing Linggo ay dumadalaw sa bahay ng kanyang ina si Mylene, bitbit niya ng anim na taong gulang na anak. Nasa Maynila na sila nakatira at sa Cavite naman ang kanyang ina, kasama ng matanda ang dalawa niya pang kapatid na may mga sariling pamilya na rin. Pagbaba ng tricycle ay agad na tumakbo ang kanyang anak papasok sa loob ng bahay, yumakap ito sa lola na masayang naghihintay.

“Lola! Miss you po!” sabi ng bata sa matanda. Nakangiti naman ang dalawang tiya nito, pero di maiwasang mag alala.

“Naku. Talaga kang bata ka. Pero next time Walter, wag basta tatakbo ng ganoon ha. At baka mabundol ka ng mga sasakyan. Di natin masasabi, minsan ay may rumaragasang motor diyan kahit pa maliit ang ating kalsada.” sabi ng isa. Napaismid naman si Mylene, kararating lang kasi nila ay sermon agad ang ibinungad nito sa kanyang anak.

Talagang inggit sa kanya ang mga kapatid, siya lang kasi ang nakapag asawa ng taga-Maynila. Ang mga ito ay nabulok na dito sa probinsya. Palagi siyang ganoon, palagi siyang nagagalit kapag napapansin ang kanyang anak. Para kasi sa kanya, walang karapatan ang mga ito na pagsabihan ang bata. Bawal kantiin ang anak niya kundi ay magkakagulo.

Isang linggo ang inabutan ni Mylene na pinapalo ng kanyang kapatid si Walter, iyak ng iyak ang kanyang anak. May binili lang siya sa labas ay ganito na ang ginawa sa anak niya! Ang kanilang nanay ay nasa ibaba ng hagdan at iniinda ang masakit na balakang.

“Tama ba iyon?! Tama ba na lagyan mo ng balat ng saging ang dadaanan ng lola mo sa hagdan, ano’ng gusto mo, madulas siya?! Ayan tignan mo, masaya ka na ba sa nangyayari sa lola mo ngayon?!” sigaw ng babae.

Tila nagpanting naman ang tenga ni Mylene dahil sinisigawan ang kanyang anak, nang matanaw siya ng bata ay lalo itong nag inarte at nilakasan pa ang pag iyak.

“Hoy Madel, wag mong masigaw sigawan si Walter ha! Wala kang karapatan!” sigaw niya rin dito at kinarga ang anak.

“Ate naman, nakita mo naman ang ginawa sa nanay. Hirap na nga maglakad ay ginawan pa ng kapilyuhan ng anak mo. Tama ba naman iyan? Biro ba iyon? Kailangang matuto ng leksyon ang bata ate, lalaki iyan na masama ang ugali.” malumanay na paliwanag ng kanyang kapatid.

“Ano’ng pakialam mo sa pagpapalaki ko sa anak ko? Anak mo ang pakialaman mo at paluin mo! Ang sabihin mo kasi inggit ka lang sa akin, kayong lahat! Dahil ang ako ang nakaka-igi ang buhay diba?” mataas ang kilay na sabi niya bago umalis, naiwang nakatulala ang kapatid at lumuluha ang matandang ina.

Makalipas ang ilang taon.

“Nay ano ba yan! Sabi ko ayoko ng sunog na kanin eh!” bulyaw ni Walter, na sana ay tapos na ng kolehiyo tatlong taon na ang nakalilipas pero dahil bulakbol hanggang ngayon ay di pa rin nakakapasa.

“Sorry anak, nagpaplantsa kasi ako ng pantalon mo kanina, nalimutan kong isinalang ko na pala ang sinaing.” pagod na wika ni Mylene.

“O bakit parang sinisisi nyo, trabaho nyo yan nanay ko kayo eh!” pagmamaktol ng lalaki, nagdabog pa ito patayo.

“O saan ka pupunta, kauuwi mo lang anak ah?” sabi niya.

“Wala namang mapala sa bahay na ito,puro kayo sermon.”

“Anak hindi kita sinesermunan sinasabi ko lang na-” hindi na natapos ang sasabihin ni Mylene dahil pinutol na iyon ni Walter.

“Eh ano pala yan? Ayaw na ayaw kong pinagsasabihan ako. Bahala nga kayo dyan! Kainin nyo yang sunog na kanin mag isa nyo.” sinipa nito ang gilid ng sofa at padabog na sinara ang pintuan bago lumabas.

Maya maya pa ay bumalik ito at kinuha ang mga gamit, “Aalis na pala ako. Ayoko na sa bahay na to, walang kwenta ang kasama.”

Naiwang naiiyak at tulala si Mylene, sana ay hindi niya tiniis ang kanyang nanay noon. Sana ay nakinig siya sa kanyang kapatid at di binalewala ang mga payo nito, sana ay di niya pinag isipan ng masama ang kanyang pamilya nang sabihin ng mga ito na disiplinahin niya si Walter.

Sa sobrang pagmamahal niya sa anak ay di niya ito nauturuan ng tama at mali, sa sobrang takot niya na masaktan ito ay ito ang natutong manakit ng iba, maging siya ay sinusuwag na nito ngayon. Gustuhin man niyang mag sisi ay huli na ang lahat.

Advertisement