Ninakawan ng Binatilyo ang Matandang Nagtitinda ng Fishball, Triple ang Karmang Bumalik sa Kanya
Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo si Anthony, ang kanyang nanay ay nagtitinda ng mga tocino habang nasa abroad naman ang papa niya. Pangalawa sa apat na magkakapatid ang lalaki at masasabi niya namang nakaaangat sila sa buhay kahit na paano. Kasama rin nila sa bahay ang kanilang lolo, ang ama ng nanay niya. Pero kahit na matanda na ito at maganda naman ang kanilang buhay ay di nila ito mapatigil sa pamamasada ng jeepney, may paninindigan ang matanda at ayaw maging pabigat sa kanila.
Kanina lang ay inanunsyo na hindi raw makakapasok ang teacher niya sa susunod niyang subject, natuwa siya dahil may bakante pang isang oras. Pinili niyang wag nang umuwi dahil maya maya naman ay may klase na siya ulit.
“Anthony, tambay kina Makoy?” yaya ng isa niyang classmate.
“Hindi na boy, may tatapusin ako eh. Research paper,” sabi niya naman rito. Pumunta siya sa canteen, buti nalang ay nagbebenta na rin ng school supplies roon kaya naman hindi na siya lalayo pa, bumili siya ng mga kakailanganin sa kanyang report. Pagtingin niya sa kanyang wallet ay may 550 pesos roon, dinukot niya ang singkwenta at itinago nang muli ang kanyang wallet.
Sinuklian naman siya ng tindera ng bente pesos, ayos, makakabili pa siya ng fishball. Ayaw niya kasing gastusin iyong 500 pesos dahil bigay iyon ng kanyang tatay. Paglabas niya sa gate ng eskwelahan ay mabilis siyang naglakad patungo sa nagtitinda ng fishball, dinudumog ito ng mga estudyante dahil masarap itong gumawa ng sauce.
Matagal na ring nagtitinda doon ang matandang magfi-fishball, si Mang Rene. Iyon lamang ang ikinabubuhay ng pamilya nito dahil maging mga apo ay ito pa ang nag aalaga. Ang panganay nitong anak ay nabuntis lamang tapos ay iniwan na ang sanggol sa pangangalaga ni Mang Rene at ng misis niya, tapos ay sumama ulit sa iba. Ang pangalawa naman nitong anak ay nakapisan rin sa kanila, kaya ganoon na lamang ang bigat ng pasanin nito araw araw. Kahit pa masakit na ang katawan ay kailangan niyang magtinda dahil walang kakainin ang mga apo niya.
Nakisiksik si Anthony sa mga tumutusok at nakitusok rin siya, ang matanda ay abala sa paghahalo ng nilulutong paninda. Nang maubos na ni Anthony ay nakaramdam pa siya ng kaunting gutom kaya tumusok pa siya, talaga namang siksikan pero sulit naman dahil masarap. Bubunot na sana siya ng bente pesos dahil kinse ang nakain niya nang maisip niyang hindi naman mahahalata ng matanda kung tatakbuhan niya ito.
Napangisi pa ang binatilyo, mukhang makakatipid siya ah. Tumusok pa siya ulit ng halagang limang piso tapos ay dahan dahang umalis sa nagsisiksikang tao at bumalik sa loob ng eskwelahan.
Buong tapang niya pang ipinagmalaki sa kanyang mga kaklase ang ginawa niyang panloloko sa matandang magfi-fishball. “Kasi naman, may edad na kaya di na napapansin ang mga nabili sa kanya. O di ko kasalanan yun, negligence nya yun kasi di sya mapagmatyag,” sabi niya na tatawa tawa pa. Napapailing naman ang ilang nakakarinig.
Pag uwi sa bahay ay kakasimula lamang nilang maghapunan nang malungkot na pumasok ang kanilang lolo. Lulugo lugo ito, bagsak ang balikat at pinupunasan pa ang pawis na noo.
“O Lo, kakasimula lang namin. Tara kain na po,” yaya niya rito. Ang nanay niya naman ay kumuha ng plato at pinaghainan ang matanda.
“Ayos ka lang ba ‘Tay?” sabi ng kanyang ina.
“Nanakawan ako eh. Yung maghapon kong kita, 1200 rin iyon eh. Bale ba hindi ako nananghalian para mabilis maka-garahe. Isang iglap ay nakuha sa akin,” sabi nito.
Agad namang umakyat ang dugo sa ulo ni Anthony, sino namang walanghiya ang gagawa noon sa lolo niya?!
“Sino yan lo?! Walang kunsensya ah,” komento nya.
“Pabayaan mo na. Hindi ko napansin eh, palibhasa ay matanda na ako at di ko na napapansin ang mga nagbabayad sa akin. Hindi niya kasalanan iyon, siguro ay kapabayaan ko dahil di ako naging mapagmatyag.”
Tila nag-echo ang sinabi nito sa ulo ni Anthony, hindi ba’t ganoon rin ang komento niya kay Mang Rene nang nakawan niya ito ng halagang bente pesos? Tila ba ibinabalik lang sa kanya ang kasamaang ginawa niya.
Kinabukasan rin ay pinuntahan ni Anthony ang nalilitong magfi-fishball dahil bigla niya itong inabutan ng pera. Ang laki ng mata nito dahil ibinigay niya na ang lucky charm sa kanyang wallet, ang 500. Kulang pa iyon na tulong sa hirap na dinaranas nito, na hindi niya man lang naisip nang nakawan niya ito. “Bayad ko po, nalimutan kong iabot kahapon,” sabi niya at nakangiting umalis na.
Hindi na kailangan ni Anthony ng lucky charm dahil kusang lalapit sa kanya ang swerte kung pipiliin niyang gumawa ng mabuti sa kapwa, kahit pa walang nakatingin.