Inday TrendingInday Trending
Nagtanim ng Sama ng Loob ang Binata sa Ate Niya nang Mag-asawa Ito, Di Niya Alam ang Ginagawang Sakripisyo ng Kapatid Para sa Kanya

Nagtanim ng Sama ng Loob ang Binata sa Ate Niya nang Mag-asawa Ito, Di Niya Alam ang Ginagawang Sakripisyo ng Kapatid Para sa Kanya

Napasimangot si Norman nang makitang naparada sa tapat ng kanilang bahay ang kotse ng kanyang ate Jean, kasunod nood ay bumaba ang babae bitbit ang mag iisang taong gulang na anak. Inalalayan pa ito ng asawang si Kenneth. Saglit na nag isip si Norman kung itutuloy niya pa ba ang pag uwi o magpapalipas na muna sya hanggang umalis ang mga ito, pero bigla niyang naalala na may report siya sa eskwela na kailangang tapusin kaya dumiretso na lang siya habang nakasimangot.

First year college pa lamang si Norman, muntik na nga siyang di makapag aral pero mabuti na lang may mabait na tumulong sa kanyang nanay kaya nabigyan siya nito ng pang enroll. Kaya naman ganito na lamang ang pagsusumikap niya, siya na lamang kasi ang pag asa ng nanay niya para makaangat ito sa buhay. Ang ate niya ay nag asawa niya.

“Hi Norman! Kumusta ka dito? Sabi ni nanay maganda raw ang grades mo,” bati ng ate niya at akmang yayakap pa pero tinabig niya ito.

Nakahalata naman si Kenneth kaya sinubukan nitong pagaanin ang sitwasyon, “Bayaw, kain na.” yaya nito sa kanya pero di niya rin ito pinansin, dire diretso lamang siyang pumasok sa kanyang kwarto.

Galit siya sa ate niya. Iniwan kasi siya nito, simula pagkabata ay abala ang nanay nila sa pagtitinda at ito na halos ang nagpalaki sa kanya. Di sila mapaghihiwalay, ang kaaway ng ate nya ay kaaway niya na rin at ganoon rin ito sa kanya.

Ikalawang ina na nga ang tingin niya rito at ang taas taas ng respeto niya, nagbago lang ang lahat nang mabuntis ito. Pinanagutan ito ni Kenneth at pinakasalan. Iniwan siya nito, nang makuha na nito ang maginhawang buhay ay pinabayaan na sila ng nanay niya.

Hindi niya maintindihan sa nanay niya kung bakit nagagawa pang tanggapin ang ate niya, samantalang halos kasuklaman niya na ang babae. Padabog na ihinagis ni Norman ang bag niya sa kama, maya maya pa ay nakarinig siya ng mahihinang katok sa pinto ng kanyang kwarto.

“Norms?” boses ng ate niya.

“Ano’ng kailangan mo?” asik niya, isiniwang niya lamang nang kaunti ang pinto.

“Pwedeng pumasok?” sabi nito, pero hindi na naman ito naghintay ng sagot niya at dire diretso nang pumasok sa loob. Bitbit pala nito ang anak.

“May ginagawa ako eh, paki-bilis nalang. Ano ba yun?” sabi niya rito.

“Ang cute cute ng pamangkin mo o, ganito ka rin noon eh. Natatandaan mo yung picture natin sa Jollibee?” panimula nito.

“Inistorbo mo ako para lang dyan sa sasabihin mong yan?” angil niya pero nagtuloy lang ang babae at di siya pinansin.

“Ay sus ang kapatid ko. Ikaw pa rin namang ang original na baby ng ate.. hindi na yung magbabago pa kahit binata ka na kahit -”

“Ate ano bang trip mo? Hindi na katulad dati. Lumabas ka na marami pa akong homework.” pinutol niya na ang pagsasalita nito. Tila nasaktan naman ang babae kaya lumabas na lamang sa kanyang kwarto, palihim pa nga nitong pinahid ang luhang tumulo na pala sa mga mata nito. Tila may kirot rin namang naramdaman si Norman pero binalewala niya iyon, ano pa ba ang gusto nitong palabasin? May buhay na itong sarili.

Mabilis lumipas ang mga araw at sumapit ang exam nila, agad na itinext ni Norman ang kanyang nanay dahil may kulang pa sa tuition niya kaya at di siya makakapag exam hangga’t hindi bayad iyon. Makalipas ang isang oras ay naroon na ang ginang sa eskwelahan.

“Buti nalang po umabot kayo Nay, pasensya na kung baon na kayo sa utang dahil sa akin. Pangako babawi ako sa inyo, di ko kayo tatalikuran tulad ng ginawa ni Ate.” sabi niya at inakbayan pa ito.

Takang taka naman itong napatingin sa kanya, “Ano ba ang sinasabi mo dyan Norman?”

“Totoo naman po diba? Bilib nga ako sa inyo na napatawad nyo na siya agad, pagkatapos niya tayong iwan sa ere. Biruin nyo, pinag aral nyo tapos ay mag aasawa lang pala. May panga-pangako pa sa akin na sya raw ang magpapaaral sa akin kesyo bibigyan raw kayo ng magandang buhay.” sabi niya rito.

“Huy Norman, ano ka ba naman? Ay naku. Aba’y ang ate mo ang nagpapaaral sa’yo! Kaya nga na-late ng bayad sa tuition ay nagkaproblema lang siya sa bangko, sila ng Kuya Kenneth mo ang nagpapabaon sayo. Wag ka na lang maingay na nabanggit ko ha, at ayaw ipasabi dahil baka galit ka pa raw.” sabi nito.

Napuno naman ng hiya sa sarili at pagsisisi si Norman, sa kabila ng lahat ng kagaspangan niya at masasakit na salita ay di naman pala siya pinabayaan ng kapatid. Maging ang bayaw niyang kahit na kailan ay di niya kinausap at ginalang ay may amor rin pala sa kanya, matapos ang kanyang exam ay dumiretso siya sa bahay ng mga ito kasama ang kanyang nanay.

Nagulat pa ang ate niya na kasalukuyang naghehele ng anak nang makita siya, nakatingin lang ito sa kanya at tila tinatantya kung ano ang nararamdaman niya.

“Ate, baby mo pa rin ako diba?” nakangiting sabi niya, naluluha.

“Oo naman! Batang ito!” ipinasa nito sa ina ang batang karga karga at patakbong niyakap ang kapatid, nagtatampo lang pala ang baby damulag niya.

Kahit kailan ay di niya ito magagawang iwan sa ere. Ma-swerte siya dahil mabait ang mister niya at malinaw rito na kahit mag asawa na sila ay di niya pababayaan ang pangako niya sa kapatid. Dahil sa nalaman ay lalong nagsumikap sa pag aaral si Norman, naging mabuti rin siyang tito sa anak ng kanyang ate Jean, kung paano siya inalagaan ng ate niya noon ay iyon rin ang isinusukli niya sa pamangkin.

Advertisement