Akala ng Madrasta’y Nakaligtas na Siya sa Ginawang Kasalanan; Ngunit Gaganti ang Kapalaran

Nagmadaling sumakay si Jean sa kaniyang magarang sasakyan na regalo ng nasira niyang lolo. Kababalik niya lamang sa Pilipinas matapos ang ilang taong pamamalagi sa Amerika simula nang siyaʼy palayasin ng kaniyang madrasta.

Hindi siya nagpatumpik-tumpik at agad pinaharurot ang sasakyan papunta sa mansyong pagmamay-ari na niya ngayon. Nalaman niyang sa kaniya ipinamana ng matandang Arzuelo ang lahat ng yaman nito.

“Kita mo nga naman, buhay ka pa pala.” Napangisi si Jean sa tinuran ng madrasta.

“Nagsisisi ka na bang hindi mo ako ipinaligpit tulad ng ginawa mo sa mama ko?” tahasang tanong naman niya sa kausap.

Naglakad siya papunta sa sala at naupo sa malambot na upuan. Tinawagan niya ang malapit na katulong at humingi ng maiinom.

“ʼYan ba ang natutunan mo sa Amerika? Ang maging bastos?” Umupo ang kaniyang madrasta sa kaharap ng kaniyang kinauupuan.

“Kung bastos ang pagsasabi ng totoo, oo.”

“Bakit bumalik ka pa?” Tumaas ang boses ng babaeng kausap. Alam niyang nagpupuyos na ito sa galit ngayong nakabalik na siya sa mansyon.

Advertisement

“Huwag kang mag-alala, Amalia. Hindi mo ako makikita nang matagal dito dahil inaayos ko na ang lahat para makaalis na kayo sa mansyon ko.” Nanlaki ang mata ng kausap sa tinuran niya. Halos mapunit naman ang labi ni Jean sa pagngiti.

“N-Nababaliw ka na. Anong mansyon ko? Akin ang mansyon na ito at sa mga anak ko!” garalgal ang tinig ni Amalia.

“Kahit na, sa pangalan ko nakalagay lahat ng ari-arian ni Lolo Arzuelo? Akala mo ba ay hindi ko malalaman iyon?” Nanlisik ang mata ni Jean sa kausap.

“Hindi ka nararapat sa lahat ng mana ni Lolo. Hindi ikaw at ang mga anak mo! Kung nabilog mo ang ulo ni Papa, hinding-hindi mo magagawa ʼyon sa akin.” Umalis siya at iniwan ang madrastang nasisindak sa nakitang pagbabago sa kaniya.

Napaluha si Jean matapos isarado ang pinto ng kaniyang kwarto. Napaupo siya sa kama at inalala ang kaniyang punanaw na ina. Hindi man lang nabigyan ng hustisya ang nangyari dito noon.

Naikuyom ni Jean ang kamao.

“Pagbabayarin ko siya, mama. Mabubulok siya sa bilangguan.”

Sa edad na dalawampu’t isa ay nagawa niya nang matutunan ang lahat ng kaniyang kailangan sa tulong ng pinagkakatiwalaang abogado ng kaniyang Lolo Arzuelo. Binalikan nila ang kaso ng nawala niyang ina at muling pinaimbestigahan.

Advertisement

Muli niyang nasaksihan ang kalupitan ng madrasta sa mga katulong. Palibhasa ay sunod sa luho, nagagawa nito ang lahat ng gusto gamit ang kayamanan ng kaniyang pamilya.

Naabutan niya ang isa sa mga katulong nila habang pinagbubuhatan ito ng kamay ng kaniyang madrasta. Agad siyang pumagitna sa mga itoʼt hinarap ang pobreng kasambahay.

“Magpahinga kaʼt ayusin ang sarili mo. Hindi ka na magtatrabaho sa kaniya. Simula ngayon, ako na lang ang susundin mo.” Naluluhang tumakbo palayo ang kawawang pobre na sinundan niya ng tingin palabas.

“Bakit ang pakialamera mo?” anas ng kaniyang madrasta.

“Hinding hindi ko na hahayaang may masaktan ka pang iba. Naiintindihan mo ba ‘yon? Wala kang sasaktan habang naririto ako.” Matapang naman niyang saad.

Nagmadali si Jean na ipaayos ang lahat. Masaya siyang matanggap ang balitang hawak na ng kaniyang abogado ang lahat ng katibayan para makulong ang madrasta. Bukod pa roon ay naayos na rin ang papeles na sa katunayang siya na ang may-ari ng lahat ng ari-arian ng kaniyang lolo.

Agad niyang ipinaaresto ang ina-inahan. Halos manlumo naman ang kaniyang ama nang mabalitaan ang nangyari.

Hindi ito makapaniwala, ngunit lubos ang galit nito kay Amalia, kahit pa napamahal na rin ito sa kaniya.

Advertisement

“P-patawad, anak kung hindi ako naniwala sa ‘yo. Patawad kung nabulag ako ng babaeng iyon.”

Naglumuhod ang kaniyang ama sa harapan niya. Pilit niyang pinatatayo ito habang nakatingin sa itaas upang hindi tumulo ang nag-uunahang luha.

“Ano ka ba, papa? Tumayo ka diyan!” Ngunit tila bingi ang amang hindi siya pinakinggan.

“Matagal na kitang napatawad,” naisatinig ni Jean na ikinaangat ng mukha ng ama.

Nagkayakap ang mag-ama. Pinalago pang lalo ni Jean ang lahat ng iniwan ng kaniyang Lolo. Hindi naman naghinanakit ang ama na sa kaniya ipinamana nito ang lahat dahil ganoon din daw ang gagawin nito kung sakali.

Ipinagpatuloy ni Jean ang buhay sa Pilipinas kasama ang kaniyang ama. Pinagtuunan din niya ang pamamahagi ng kayamanang natanggap niya para sa mahihirap na alam niyang kagustuhan din naman ng kaniyang lolo.

Hindi mahalaga sa kaniya ang yaman. Ang mahalagaʼy nabigyan niya na ng hustisya ang kaniyang ina.